KUMPULAN ang mga tao sa tuwing idaraos ang sabong at bingo sa aming barangay – dagdagan pa ng ingay ng tilaok ng manok na nagkakalmutan at kalog ng bolahan. Pero ‘pag pumunta ka sa lotto outlet malapit sa amin, balot ito ng katahimikan kahit pa puno ng mga mananayang kunot ang noo dahil malaliman nilang iniisip kung ano ang mga numerong pipiliin. Animo’y mga kumukuha sila ng Bar Exam.

“Ma’am, bawal ang bata,” munting paalala sa akin ng tauhan ng outlet.

Pero hindi nagpatinag si Mama. Pinasok pa rin niya ako sa loob. Kuryoso kong tinignan ang parihabang papel na hawak niya na may nakatatak na Ultra Lotto 6/58. Bakas ang pagkalito sa aking ekspresyon nang humingi siya ng numero sa ’kin. “Kahit ano,” sagot niya nang tinanong ko kung bakit. Pagkapili, ginuhitan na niya ang papel at pumila sa cashier para bayaran ang taya.

Bente pesos ang madalas kong nakikitang hinuhugot ni Mama sa kaniyang pitaka. ‘Pag sinipag-sipag, hihirit pa siyang maglaro ng Go Bananas. Sa larong iyon, kinakaskas ng mga mananaya ang card gamit ang barya para malaman kung may pattern bang lalabas. Suwerte ‘pag meron, sayang pera ‘pag wala.

Pero nagulat ako na hilig din pala ni Papa ang pagtaya. Minsan pa, ginagatungan niya si Mama. “Baka sakaling maging instant millionaire!” wika niya.

Tulad nina Mama’t Papa, maraming Pinoy ang umaasang giginhawa ang kanilang buhay sa pagtaya sa lotto. Hindi sila, kami, tamad pero laging may temptasyon para maglaro dahil baka manalo, baka maka-jackpot.

Hindi lang lotto ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa aming lugar. Malinaw ko pang naaalala ang pagsigaw ng kubrador mula sa labas ng aming bahay na may dalang papel at bolpen upang bisitahin ang matagal na niyang parokyanong si Nang Alit, ang aming kasambahay. “Pompyang bente tres,” sambit niya bago ibigay ang sampung-pisong taya. Jueteng ang tawag nila rito; para lang ding lotto pero dalawang numero lang pinaglalabanan.

Kaya lang mas pumukaw sa atensyon ni Nang Alit, at ng aking pamilya, ang anunsyo ng lotto kada alas-nuwebe ng gabi sa Channel 4 (iyon lang siguro pinapanood sa TV network ng gobyerno). Titigil siya sa kaniyang ginagawa at uupo sa aming narrang sopa – kabado na baka mapasugod siya sa Mandaluyong kinabukasan.

Mala-Las Vegas pala ‘tong lugar namin eh.

Naging biruan sa loob ng tahanan kung paano tatanggapin ang premyo kung sakali. “Tatakpan ko mukha ko katulad ng mga nanalo, iyong tipong mga mata na lang ang kita,” ani Papa.

Pangarap naman ni Mama na gamitin ang pera upang tulungan ang aming mga kamag-anak o magbigay ng donasyon sa simbahan. Ito na ang kaniyang daan para maging santo.

Sa murang edad, naging mapanuri na ako sa aking paligid dahil kaliwa’t kanan ang mga lotto outlet – pagtawid sa labas ng subdivision, sa loob ng mga mall, sa tapat ng paaralan, o sa tabi mismo ng simbahan. Kaya munting palaisipan sa akin kung dumating na sa puntong taimtim na pinagdarasal ng mga mananaya ang pagtama sa lotto. Ang dami na ngang hinihiling sa Diyos, dadagdag pa ito.

Pero kahit araw-araw binibigo ng tadhana sina Mama’t Papa, hindi kailanman kumupas ang kanilang interes na tumaya. “Libangan lang eh,” depensa ni Mama nang mapuna kong tumpok na ang naipon niyang tiket. Hindi ko sila mapagbawalan dahil minsan, nakakakuha sila ng karampot na premyo dahil may tatlo o apat na numerong sumasapul. Subalit, aminado si Papa na nanghihinayang siya kapag panay bokya sila sa lotto.

05, 15, 22, 32, 44, 58. ‘Yan ang pinakainaalagaang numero ni Mama. Kaunti na lang, i-rehistro na niya ito sa munisipyo bilang mga anak niya. Minsan, tinatanong niya kaming magkakapatid kung ano dapat ang itaya niya dahil baka masuwerte ang masambit naming numero.

Minsan naman daw, nasa branch lang ang kasagutan. “May suwerteng lugar kung saan dapat tumaya,” paliwanag ni Mama. Anong sinabi ng statistics at probability?

Bagama’t hanggang balik-taya lang ang madalas na panalo ng iba – at madalas sinasampal ng pagkatalo ang mga parokyano – hindi iyon naging salik upang tumigil sa pagtaya ang mga Pinoy dahil bahagi na iyon ng kanilang kinagisnang pamumuhay. Nandiyan naman lagi ang pag-asang makakakuha sila ng milyones.

Wala, andiyan na ‘yan eh.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.