Room 117. Hindi ko maipaliwanang kung ang kabang aking nararamdaman ay dulot ng saya o pangamba habang binubuksan ko ang pintuan ng silid. Unang araw ng pasukan. Unang araw ng isang panibagong yugto sa aking buhay.
Umupo ako sa isang silya sa likod at maingat na inilapag ang aking dalang notebook at bolpen sa aking upuan. Nginitian ko ang aking katabi, na sinuklian lamang niya ng isang tango.
Biglang nagsitahimik ang lahat. Inangat ko ang aking ulo at sa may duruwangan ng pintuan, pumasok ang aming propesor. Ang aking unang propesor…
* * *
Kung turingan kami ay neophytes, freshmen, newcomers. Sa madalitang salita, bagong salta sa unibersidad. Nangangarap kami na dito sa kahabaan ng España, mahanap namin ang tunay na landas sa aming buhay. Nangangapa sa mga apat na sulok ng mga lumang gusali, naninibago, nagtatanong ng mga katanungang gaya ng, “Paano ba humiram ng libro sa library?”
Campus Tour, Rite of Passage, Orientation, Go USTe, Onwards 2011… ilan lamang ang mga ito na sumalubong at nagbigay ng ideya sa akin sa taong maninirahan ako sa mga gusali nito. Masaya ang pagtanggap sa aming mga baguhan na kahit papaano ay nagbigay sa amin ng lakas upang harapin ang isa na namang panibagong yugto sa aming mga buhay. Ito ang mga magsisilbing gabay sa aming paglangoy sa agos ng mundo. Mga bagong kamag-aral at kaibigan, mga bagong guro (na ngayon ay propesor na ang tawag) ang naghihintay sa aming mga nananabik na kalooban. Handa na naman kami upang uminom sa bukal ng karunungan.
Ang unang bagay na nakaantig sa aking interes sa pagpasok ko sa UST ay ang kalumaan nito. Maligaya ako dahil kabilang ako sa isang institusyon na magdiriwang ng kanyang ikaapat na sentenaryo sa taong 2011. Sa tuwing papasok ako sa aming silid, hindi ko mapigilang purihin ang aking sarili. Sa dinami-dami ng paaralan sa ating bansa, napabilang pa ako sa isang pamantasang tunay na maipagmamalaki kailanman.
At sa tuwing tatambad sa aking paningin ang Main Building, dito ko napapatunayan ang sigla at tibay ng isang Tomasino. Batid kong maraming mga Tomasino ang kilala sa lipunan at bihasa sa kanilang larangan—sa pulitika, kultura, negosyo, at iba pang larangan. Ito ang nagbigay inspirasyon sa akin upang pagtibayin ang aking loob at takasan ang mga pangambang idinudulot ng pagiging baguhan.
Masarap ang aking pakiramdaman nang malaman kong pumasa ako sa pamantasang ito. Subalit dulot nito ay pangamba dahil alam kong isa na namang kabanata sa aking buhay ang aking isusulat. Mahirap man para sa aking subalit kailangan kong seryosohin ang aking pag-aaral. Marahil ito na lang ang tanging handog na maibibigay ko sa aking mga magulang na patuloy na umaasa hindi ko sila bibiguin.
Tagumpay ko ay tagumpay rin nila. At sana ay ganoon din ang UST—mapagkalinga, mapag-aruga.
Mahirap man subalit kailangan kong iwanan ang buhay bata at harapin ang panibagong hamon ng buhay. Pumasok ako sa UST sa pag-asang dito ko mahahanap ang mga sandatang kakailanganin ko upang harapin ang mundo. Aaminin kong mataas ang pagtingin ko sa UST—magagaling na mga propesor, mga makabagong gamit, at serbisyong de-kalibre. Subalit, alam kong lahat ay hindi magiging madali. Sa likod ng pag-asa ay pangakong gagampanan ko ang aking tungkulin bilang isang responsableng mag-aaral.
Sana ay hindi ako nag-iisa sa mithiing isabuhay ang lahat ng aking mga mapag-aralan sa pamantasang ito. Sa mga baguhang tulad ko, sana hayaan nating mag-aapoy sa ating puso ang apoy ng idealismo, hindi lamang sa bugso ng kabataan, kundi sa paniniwalang ang mundo ay gaganda lamang kung ang mga baguhang tulad natin ay mangahas na harapin ang mga panibagong hamon.
Balang-araw, lilisanin ko rin ang mga gusali ng pamantasang ito. Ngunit, pangako, kailanman ay hindi mabubura ang lahat ng aking mga natutunan. At kapag narating ko na ang bantayog ng aking pangarap, ako ay babalik at ihandog sa harapan ni Benavides ang aking karangalan at tagumpay. Ipagyayabang ko sa kanya at pasasalamatan siya sa layo ng aking narating.
Bilang baguhan, tanging mga pangarap ang nagbibigay-buhay sa akin. Subalit, ang lahat na landas ng tagumpay ay nagsisimula sa pangarap. At sa mga pangarap na iyon ay mga adhikain, mithiin, at prinsipyo.
Darating ang panahon, aakyat ako sa entablado at hahawakan ang aking diploma. Ngingiti ako hindi dahil sa nakamit na tagumpay sa mata ng lipunan kundi dahil minsan, ako ay baguhan.
(Kumukuha si Jun Arvie G. Bello, 17, ng kursong Pilosopiya sa Faculty of Philosophy. Siya ay intern ng UST Central Seminary)