UPANG magkaroon ng mas malawak at maayos na sidewalk para sa mga pedestrian, iniutos ni Mayor Lito Atienza na tanggalin ang mga plant boxes na nakahilera sa magkabilang gilid ng A.H. Lacson St.

Bukod sa plant boxes, inalis din ang mga maliliit na halaman at saka tuluyang pinatag at sinemento ang dating kinalalagyan ng mga tinanggal na halaman.

Ayon kay Armando Andres, ang acting assistant city Engineer for operations, inaasahang matatapos ang konstruksyon ngayong buwan ng Agosto o Setyembre.

Dahil dito, unti-unti na ring mawawala ang mga maliliit na tindahan sa tabi ng University of Santo Tomas Hospital.

Ayon sa mga nagtitinda, pinayagan silang magbenta doon ni Atienza at sa katunayan nga ang mga stalls na ginagamit nila ay inuupahan nila ng P80.00 kad buwan sa lokal na gobyerno ng Maynila. Kung kaya’t bago sila ilipat, nais nilang makipag-usap muna sa Mayor.

“Ayaw na naming (mga nagtitinda na) lumipat. Nakasanayan na namin dito at napamahal na kami dito dahil matagal na kami rito,” wika ni Jojo de Leon.

Samantala, nakakuha ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga estudyante ang naturang konstruksyon.

Ayon kay Gerald Peter Arce, isang estudyante ng Journalism, dapat hindi ngayon ginawa ang konstruksyon dahil delikado ito para sa mga estudyante.

“Dapat hindi school days ginagawa kasi nakakadagdag sa trapik. At kapag umulan, maputik at kapag bumaha, delikado kasi hindi mo alam na may butas pala sa dinadaanan mo,” dagdag pa ni Arce.

Ayon naman kay Benjamin Ira, isang Legal Management junior, makakabuti ito para sa mga pedestrian.

“Mas safe na maglakad ngayon dahil mas makakaiwas sa aksidente (na mabundol ng mga sasakyan),” wika ni Ira.

READ
Makialam ka, Tomasino

Sa kabilang banda, inaasahang makakatulong sa pagsugpo sa krimen at prostitusyon ang pagsasaayos ng mga sidewalks ng kalye A.H. Lacson. Teodoro Lorenzo A. Fernandez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.