SA PAGDIRIWANG ng bansa ng ika-61 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan, binalikan ng Varsitarian ang kalagayan ng UST noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan nagsilbing isa sa mga internment camp sa Pilipinas ang Unibersidad.

Nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Europa noong 1939 at biglang lusubin ng tropa ni Adolf Hitler ang Poland, nanatiling normal ang sistema ng pamamalakad ang Unibersidad. Sa katunayan, nakagawa pa ng ilang mahahalagang hakbang pang-akademiko si P. Silvestre Sancho, O.P., dating rektor ng Unibersidad. Ipinatanggal niya ang limang pisong bayarin para sa araling Relihiyon at layon na mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa, pinagkalooban pa ng UST ng 50 porsyentong diskuwento ang mga pampublikong guro na nais kumuha ng kursong BSE. Ngunit naglaho ang katiwasayang ito nang dumating ang mga Hapones sa Pilipinas bitbit ang digmaan laban sa mga Amerikano.

Habang umiigting ang labanan sa Europa sa pagitan ng dalawang magkalabang puwersa, ang Axis at Alyansa, nakahanap ng kakampi ang Alemanya sa Asya, ang bansang Hapon, na noong mga panahong iyon ay nagsimula nang maghasik ng takot sa Tsina at Indo-Tsina. At sa takot na sumabog ang isang digmaan sa Asya, na kinaroroonan ng karamihan sa kanyang mga kolonya, nagsikap ang Estados Unidos na hadlangan ang masamang hangarin ng mga Hapones.

Naging sunod-sunod ang paglusob ng mga Hapones kung kaya’t humina ang puwersang Amerikano. Napilitan ang tropa ni Hen. Douglas MacArthur na ideklarang open city ang Maynila. Nangangahulugan ito na hindi na nila maipagtatanggol pa ang Manila at wala nang nagnanais humamon sa administrasyong militar ng mga Hapones.

Nang naging open city ang Maynila, napakaraming pagbabawal at paghihigpit ang ipinataw sa mga Pilipino. Ipinagbawal ang pagpupulong at pagsasagawa ng mga hakbang laban sa pamahalaan. At madalas, iisa lamang ang parusa sa sinumang mapatutunayang kapanalig ng mga bansang Alyansa at naglulunsad ng mga planong makasisira sa imahe ng administrasyong militar—ang pagkakabilanggo sa UST.

READ
'Lead by example,' youth urged

Ayon sa aklat na I Walked with Twelve UST Rectors ni Norberto de Ramos, hating-gabi ng Enero 3, 1942 nang magsimulang pumuwesto sa gate ng Unibersidad ang 12 sundalong Hapon. Idineklara bilang isang internment camp ang UST.

Naging mabilis ang paglaki ng bilang ng mga bilanggo sa kampo. Umabot ng 10,000 ang nadakip ng mga Hapon mula sa tatlong araw nilang pagsuyod sa Kamaynilaan. Halu-halo ang komposisyon ng mga nadakip, ngunit karamihan sa mga ito ay Ingles, Amerikano, at Pilipino.

Naging saksi sa mga pinagdaanang hirap ng mga bilanggo ang mga gusali ng UST, partikular na ang pangunahin nitong gusali kung saan ibinilanggo ang malaking porsyento ng mga nadakip.

Hindi naging makatao ang pagtrato ng mga sundalo sa mga nakapiit. Hindi regular ang rasyon ng pagkain at ipinagbawal ang pag-usap ng mga bilanggo. At nagnais mang tumulong ang mga pari, wala silang nagawa dahil sa kahigpitan ng mga bantay.

Samantala, isang kasunduan naman ang nilagdaan nina P. Alberto Lopez, O.P., kalihim ng UST, at Komandante Tsurami, pinuno ng internment camp sa Unibersidad, noong Hulyo 15, 1942. Napagkasunduan ng magkabilang panig na walang sinuman ang makapapasok sa mga ideneklarang reserbadong silid ng Unibersidad tulad ng Central Library, museo, mga laboratoryo, at ilang opisina, maliban na lamang kung may pahintulot mula sa Komandante, sa Rektor, o sa kalihim ng UST.

Sa kabilang banda, nabigo man ang mga Hapones na sakupin bilang kampo ang kabuuang 21 hektaryang lupain ng UST, 75 porsyento naman ang kanilang inokupahan. Iilan lamang ang mga gusaling naiwan sa pamamahala ng Unibersidad. Bukod sa mga nabanggit na reserbadong silid, ang kapilya, ang Father’s Residence, Central Seminary, UST Press, gymnasium, at swimming pool na lamang ang naiwang kontrolado ng UST. At ang P. Noval gate lamang ang tanging inilaan ng mga Hapones para sa mga mag-aaral at empleyado ng UST.

READ
Closing time

Hindi man kabilang sa mga nakapiit, naramdaman ng buong Unibersidad ang kalupitan ng puwersang Hapones. Hindi naipatupad ang pantay na karapatan sa pagitan ng hukbong Hapones at administrasyon, na nakasaad sa nilagdaang kasunduan. Nagmistulang isang laruang de-susi ang administrasyon ng paaralan.

Ayon kay de Ramos, ang pagbubukas ng mga opisina ng Rektor at iba pang opisyal ng UST ay nakaayon sa kagustuhan ng mga Hapon. Maging ang napagkasunduang pagpapanatili sa normal na sistema ng klase at opisina ay hindi rin naipatupad. At dahil sa kaguluhan, partikular na ang pagputok ng digmaan noong December 8, 1941 sa Pasipiko, ipinatigil ni Pangulong Manuel Quezon ang pagpasok ng 4,675 na mag-aaral maliban na lamang ang mga nasa huling taon na at mga kabilang sa tatlong Ecclesiastical Faculties ng Theology, Canon Law, at Philosophy. Umabot din sa 457 guro at empleyado mula sa iba’t ibang tanggapan ng Unibersidad ang nawalan ng trabaho.

Noong Nobyembre 1942, tanging Medisina at mga kursong pre-medical na lamang ang binuksan. At tulad ng inaasahan, may kondisyon pang kaakibat ang hakbang na ito. Iniutos ng hukbong Hapones na gawing bahagi ng kurikulum ng mga kursong pre-medical ang anim na yunit sa Nippongo.

Nagpatuloy ang mahigpit na pamamalakad ng mga Hapones sa Unibersidad mula Enero 4, 1942 hanggang sa mga huling araw ng Enero,1945. At naging salamin ang UST sa kalupitan ng hukbong Hapones sa kabuuan ng bansa.

Samantala, bilang pagtupad sa binitiwang pangako sa kauna-unahan nitong kolonya, bumalik sa Pilipinas ang mga Amerikano, sa pamumuno ni Hen. Douglas MacArthur, noong Pebrero 3, 1945. Ipinagpatuloy nila ang naiwang digmaan sa mga Hapones.

READ
Triumvirate of young artists

Mula sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipinong matagal nang naghihintay sa kanilang pagbabalik, agad na tumuloy ang mga sundalong Amerikano sa UST upang palayain ang mga bilanggo. Ngunit hindi ito naging madali dahil lumaban ang mga Hapones. At dahil sa malaking bilang ng hukbo at makabagong kagamitan, napabagsak ng puwersa ni MacArthur ang mga Hapones. Noong Setyembre 2, 1945, opisyal na ideneklara ng hukbong Hapones ang kanilang pagsuko.

Sa paglisan ng hukbong Hapones sa UST, napag-alaman ng administrasyon ang pagkawala ng mahahalagang aklat at zoological collections sa museo na kinalauna’y nadiskubreng ipinadala ng mga Hapones sa kanilang emperador bilang regalo.

Bilang pasasalamat sa pagtatapos ng digmaan, isang misa sa kapilya ng UST ang ipinagdiwang noong umaga ng Setyembre 9, 1945 sa pamumuno ng Vice Grand Chancellor nitong si P. Tomas Tascon, O.P. Naging isang napakalaking piyesta ang naganap na misa sa dami ng dumalo nito na kinabilangan ni MacArthur at ng hukbo nito—isang pagdiriwang na patuloy na inaalala hindi lamang ng mga beterano ng digmaan, kung hindi ng bawat Pilipino hanggang sa kasalukuyang panahon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.