MAGKAIBANG larangan ang medisina at sining, pero nagawa ng Tomasinong si Dr. Antonino Raymundo na pag-ugnayin ang mga ito.
Mula pagkabata, nagpamalas siya ng angking galing sa sining. Subalit hindi nagtagal ang kanyang pagiging visual artist sapagkat kinailangan niyang kumuha ng kursong medisina.
Sa halip na tuluyang isuko ang mithiing maging alagad ng sining, ginawang daan niya ang pagiging doktor upang lalong paunlarin ang kanyang talento sa sining ng pag-ukit. Hindi medisina ang pangunahing inasam ni Raymundo, kinuha at tinapos niya ito sa UST noong 1969 para maisakatuparan ang pangarap ng ama, bilang isang espesyalista sa anesthesiology.
Naglingkod siya sa ilang prominenteng institusyon gaya ng V. Luna Medical Center, Philippine Heart Center, at Cardinal Santos Medical Center. Nagpakadalubhasa rin siya nito sa Europa. Sa Hamburg, kinilala siya ng Arzte Kammer o physicians chamber bilang dalubhasa sa anesthesiology.
Dito niya naisipang sumali sa isang ceramic course na nagbigay sa kanya ng kaalaman sa paggawa ng mga plorera, baso, plato, at iba pang mga babasaging kagamitan na madali niyang naisaulo dala ng kanyang likas na pagkahilig dito. Sa muli niyang pagyakap sa sining, nagawa niyang pag-ibayuhin ang kanyang kakayahan dito gaya ng sa terra cotta, kung saan lumilikha siya ng mga iskultura ng iba’t ibang mga imahe ng mga tao at mga bagay.
Matapos ang 15 taon sa mundo ng medisina, dumating ang pagkakataon na kinailangan niyang mamili sa dalawang larangan.
Kinilala ng marami ang kanyang mga obra na makikita sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng Kamaynilaan. Halimbawa rito ang “Shrine of the Unborn Child” (Quezon City), “Mama Mary, Queen of Heaven and Earth” (Tagaytay City), “Bantayog ng mga Sanggol” (Plaza Miranda, Quiapo Church), “Papal Cross” (Sto. Rosario Parish Church. Pasig City), at “The Prodigal Son” (Spirit of Love Catholic Community, Quezon City).
Kakikitaan ang mga obrang ito ng relihiyosong tema na nagsisilbing inspirasyon ni Raymundo sa paghuhubog gamit ang kanyang malikhaing mga kamay. Patunay din ito ng kanyang pagiging Tomasinong may dugong Katoliko.
Tomasalitaan: igot (pangngalan) – kakuriputan, damot
Halimbawa: Kinaiinisan ng marami ang pagiging maigot ng mag-asawang nakatira sa malaking bahay.
Sanggunian: Catholic Digest, Agosto 2002