Isa sa mga katangian ng wikang Filipino ay nagbabago, ngunit kung titignan ang sitwasyon nito sa Unibersidad ng Santo Tomas, kahiya-hiyang wala itong pagbabago.

Ang totoo, hindi lamang sa survey ng Asiaweek nahuhuli ang UST kundi pati na rin sa pagtataguyod ng ating sariling wika.

Matagal ng adhikain ng Varsitarian, kaisa ng maraming Tomasinong manunulat at guro sa Filipino, ang pagsusulong sa kabukod na Kagawaran ng Filipino sa UST. Sa katunayan, nauwi lang sa wala ang limang taong ginugol ng Varsitarian sa pangangalampag sa kinauukulan lalong-lalo na sa Kagawaran ng mga Wika dahil sa walang habas na pagsasa-isang tabi ng mga kinauukulan sa naturang mungkahi at sa baluktot na pangangatwiran ng mga opisyales ng Kagawaran ng mga Wika ng mga nagdaang taon tungkol sa pangangailangan ng kabukod na Kagawaran ng Filipino.

Malaon nang ipinatutupad ang Bilingual Policy ng 1974 ngunit tila walang nakauunawa sa mga kinauukulan kung para saan ang paggamit ng wika sa paaralan. Inaakala marahil nila na ang pagkakaroon ng kahiwalay na kagawaran ng Filipino ay hindi na kailangan dahil ito na ang ating kinagisnan. Ang hindi nila batid, mas mahalagang aral din ang isang tao sa kanyang wikang ginagamit para magbigay daan sa mga pagbabago.

Kung titignan ang kasalukuyang kaso ng mga kabataang Amerikano, alam nila ang wikang Ingles dahil sinasalita nila ito ngunit kung ito ay ipapasulat sa kanila mali-mali na ang baybay at balarila.

Sa kasalukuyan, ang mga bansang Amerika at Britanya ay umaangkat pa ng mga guro sa Pilipinas para pagturuin sa kani-kanilang mga bansa ng Ingles.

READ
Futuristic learning

Kung tutuusin pamana lang sa atin ng mga Amerikano ang wikang Ingles noong tayo ay sinakop nila. Ang mga Amerikanong Thomasites ang nagpakilala nito sa mga Pilipino kasabay ng pagsisimula ng public school system sa bansa.

Hindi nakakapagtaka na sadyang magagaling ang mga Pilipino sa wikang Ingles—bukod pa sa pagiging pangatlong bansa sa mundo na gumagamit ng Ingles bilang pangalawang wika—dahil ito ay lubos na pinag-aaralan sa mga paaralan at talagang pinagtutuunan ng pansin ng mga kinauukulan sa pagdidisenyo ng mga curricula sa paaralan.

Huwag sana tayo mahulog sa patibong na tulad ng sa kanila.

Mula nang mabuwag ang dating Kagawaran ng Filipino sa UST na itinatag ng bantog na linguwista at tinaguriang “Ama ng Varsitarian” na si Jose Villa Panganiban, nahimpil na ang lahat ng pagsulong at pag-unlad ng wikang Filipino sa Unibersidad.

Matagal nang idinadahilan ng Kagawaran ng mga Wika ang kakulangan ng mga guro sa Filipino para bumuo sa kagawaran. Ang mahirap unawain ay ang tila kakulangan ng pagkilos at paghahanda mula sa mga kinauukulan at sa bumubuo mismo ng nasabing kagawaran.

Dalawa sa mga mabigat na suliranin ngayon sa Unibersidad ay ang kawalan ng maganda at de-kalidad na mga aklat sa Filipino katulad ng sa Retorika at Panitikan at ang mahinang kurikulum dahil sa kawalan ng kabukod na kagawarang titingin, mag-aaral, at gagabay sa pagtuturo at pagpapaunlad ng wikang Filipino sa Unibersidad.

Ngayong binigyan na ng kumpletong awtonomiya ng Commission on Higher Education (Ched) ang UST para makapagbuo ng sarili nitong curricula at iba pang pribilehiyong nauukol sa akademiko, wala na dapat iba pang dahilan ang Kagwaran ng mga Wika para ipagpaliban o isantabi na lamang ang panukalang magkaroon ng kahiwalay na Kagawaran ng Filipino.

READ
USTFU receives much awaited benefits

Sa kasalukuyang estado ng wikang Filipino sa Unibersidad, masasabing hindi sapat ang tamang kaalaman ng mga guro dito bukod pa sa kakulangan ng magagandang aklat, kaya tuloy ang mga estudyante ay hindi nahihikayat na payabungin ang wikang Filipino.

Marahil sa isang banda, tama lang na pag-ibayuhin pa ng Unibersidad lalong-lalo na ng Kagawaran ng mga Wika ang pagtuturo at pagpapayabong sa wikang Ingles. Ngunit, dapat sigurong pakatandaan ng mga kinauukulan na dapat lang sa isang Pilipino ang mas pag-ibayuhin pa at mas pagtuunan ng pansin ang pag-aaral sa tamang paggamit at lalo pang payabungin ang wikang Filipino.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kahiwalay na Kagawaran ng Filipino, matatalakay at mapag-aaralan ng mga bubuo rito ang kanilang mga ituturo at paraan sa pagtuturo—mula sa mga aklat, hanggang sa pagrerebisa ng curricula na dapat sana noon pa ginawa.

Kung mananatili ang kasalukuyang sistema, hindi mabibigyan ng nararapat na pansin ang mga pangangailangan ng wikang Filipino sa Unibersidad. Mananatili pa ring may nakasalak sa daloy ng pagyabong ng wika at sa halip na ito ay mapagbuti—tulad ng ginagawa ng UP, La Salle, PNU, at Ateneo na may kanya-kanya ng kabukod na Kagawaran ng Filipino—lalo pa itong mapag-iiwanan at mabubulok na lamang.

Samakatuwid, taon-taon, libo-libong Tomasino ang nagtatapos ng may kakulangan sa kaalaman sa wikang Filipino.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.