NASA 8.4 milyon o 19.34 porsiyento lamang sa humigit kumulang na 23.9 milyong kabataan ang nagparehistro para bumoto sa presidential election noong 2004. Masasalamin sa pag-aaral na ginawa ng National Institute for Political Studies na matamlay ang mga kabataang Filipino pagdating sa partipasyon sa eleksyon.

Marami ang hindi nagpaparehistro tuwing sasapit ang eleksyon marahil dahil sa mabagal, nakaiinip at palpak na proseso nito.

Dahil nalalapit na ang mid-term elections sa Mayo, tinangka kong magparehistro sa aming distrito tatlong araw bago ito tuluyang isara noong Disyembre 31. Doon ko naranasan ang mahabang pila at masingitan ng mga may kakilala sa loob ng opisina. Sa kasamaang palad, isa ako sa mga hindi umabot sa 300 na makakaya nilang irehistro dahil lamang sa kakulangan sa computers na ginagamit nila!

Kinailangan ko pang bumalik kinabukasan ng alas-tres ng madaling-araw para lang mauna sa pila at maghintay ng halos limang oras bago tuluyang magbukas ang pook talaan ng alas-otso ng umaga.

Kapos din naman ang kampanyang ginagawa ng mga awtoridad sa gobyerno at paaralan para maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagboto at araw ng pagpaparehistro.

Sa UST, natapos na lamang ang pagpaparehistro bago pa makapagdaos ng isang voter’s awareness forum ang Faculty of Arts and Letters sa pakikipagtulungan ng Social Research Center noong Ika-7 ng Enero. Mas makatutulong sana ang isang voter’s forum kung idinaos ito bago pa matapos ang pagpaprehistro dahil aanhin pa ang mga natutunan ng estudyanteng dumalo dito kung hindi siya nakapagparehistro upang makaboto?

Ayon nga kay Samuel Yu, isang propesor at tagapamahala ng Center for Southeast Asian Studies sa National Sun Yat-Sen University sa Taiwan, lubos na masasalamin ang demokrasya sa isang lipunan kung higit nitong napaiigting ang partisipasyon ng nakararami sa sistema ng pamamahala.

READ
CFAD students dominate Student Ad Congress

Isang nakikita ring dahilan ng hindi pagrehistro at pagboto ng maraming kabataan ang kawalan ng tiwala sa proseso ng eleksiyon. Ang isyu ng dagdag-bawas, talamak na pagbili ng boto, at iba pang kagaya nito ang nakapagpababa sa kredibilidad hindi lamang ng Commission on Elections, kundi sa proseso mismo ng halalan.

Kagaya na lamang ng pag-aaral na isang karapatan, isang responsibilidad ang pagboto na kailangang gampanan. Isang boto nga lamang iyan pero ano na lamang ang mangyayari kung lahat ng 8.4 milyong kabataan ang may ganitong mentalidad kagaya nang nangyari noong 2004? Higit sa isang karapatan, isang tungkulin ang pagboto na makapagtatakda sa hinaharap ng ating bayan. J. L. G. Aguilar

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.