Hindi na naman nanalo ng kahit isang gintong medalya o kaya kahit isang medalya ang Pilipinas sa Olympics.
Kung ihahambing sa mga karatig-bansa natin sa Timog-Silangang Asya, napag-iwanan na ang Pilipinas. May kanya-kanya nang gintong medalya ang Indonesia at Thailand na mga katunggali ng Pilipinas sa Southeast Asian (SEA) Games.
Bago 1996 Atlanta Olympics, tulad ng Pilipinas, hindi pa rin nanalo ni isang gintong medalya ang Thailand. Ngunit sa 1996 Olympics, nakakuha na ang Thailand ng isang ginto—sa boksing. Dati-rati, malayung-malayo ang lamang ng Pilipinas sa Thailand sa palakasan. Pero, dati ‘yun.
Sa katatapos na Olympics sa Athens, nakadalawang gintong medalya ang Thailand. Samantala, walang nakuha ni isang medalya ang Pilipinas na huling nakapag-uwi ng medalya noong Atlanta Olympics, kung saan nakuha ni Mansueto Velasco, Jr. ang isang pilak sa boksing.
Hindi lang sa Olympics nangangamote ang Pilipinas. Pati na rin sa Asian Games at SEA Games.
Kung noong unang mga pagsasagawa ng Asian Games, lumalampas ng 10 ang nakukuhang ginto ng Pilipinas, ngayon, hirap na hirap na makakuha man lamang ng isang ginto.
Halimbawa na lang ang basketball na isang paboritong libangan ng mga Pinoy. Kung matatandaan, huling nakuha ng Pilipinas ang ginto sa naturang laro noong dekada 70. Simula noon, silver medal (noong 1990) na lamang ang pinakamataas na nakamit ng mga Pinoy.
Sa larong basketball pa lamang, makikita na talagang napag-iiwanan na tayo. Mukhang sa SEA Games na lang tayo maghahari sa basketball.
Pero kahit na tuluy-tuloy ang pagbagsak ng performance ng Pilipinas sa mga naturang palaro, hindi pa naman huli ang lahat para ayusin ang lumalalang estado ng palakasan sa bansa.
Sa aking pananaw, ang mga opisyales na walang pakialam at walang alam sa mga larong pinamumunuan nila ang pinakamalaking problema ng mga atleta sa Pilipinas.
Kung matatandaan, mga ilang taon lamang ang nakakaraan, pinag-awayan ng dalawang kampo kung sino ang dapat mamuno sa Basketball Association of the Philippines, na siyang governing body ng laro sa Pilipinas na umaasikaso sa pagpapadala ng mga basketbolistang Pinoy sa mga palaro.
Isa lamang iyan sa mga halimbawa na pinasok na rin ng maduming pulitika ang palakasan sa bansa na tunay na nakaapekto sa mga atletang Pinoy.
Siguro, kailangan na ring tingnan ng mga namumuno sa Philippine Sports Commission kung saang mga laro may malaking pag-asa ang mga Pilipino na mamayani. Sa ganitong paraan, magagamit nang mabuti ang patuloy na lumiliit na pondo para sa palakasan. Napakawalang kuwenta nga naman kasi kung magpapadala pa ang Pilipinas ng mga atleta na kitang-kita namang walang kapaga-pag-asang manalo. Sa huli, tayo rin ang nakakatawa.
Totoo ngang mas madaling sabihin kaysa gawin ang mga yaon, pero hindi rin naman kalabisan kung susubukan.