SINO ang hindi hahanga kay Teodoro Valencia, ang Tomasinong kinilala bilang “Dekano ng Pamamahayag sa Pilipinas”? Bukod sa kanyang galing sa paggamit ng tri-media, naging mabuti rin siyang halimbawa sa pagtulong sa kapwa.

Nakilala si Valencia bilang isang taga-ulat at kolumnista sa mga pahayagan tulad ng Tribune, The Daily Standard, The Daily News, The Manila Events Mirror, Daily Express, The Bulletin Today at Manila Times. Sa lahat ng kanyang mga naging kolum, lubos na tinangkilik ang kanyang Over a Cup of Coffee na nailimbag sa Daily Express at Manila Times. Bukod sa pahayagan, naging komentarista rin si Valencia sa telebisyon at radyo, at noong dekada ‘70, naitalaga siya bilang pangulo ng Radio Mindanao Network.

Naging patnugot si Valencia ng balita sa Varsitarian noong ikalawang taon niya sa kursong Litt.B in Journalism sa UST noong 1932. Kasabay nito ang kanyang pagtatrabaho bilang apprentice sa Philippine Herald noong 1934, na nagsilbing silid-aralan sa paglinang ng kanyang talento sa pagsusulat.

Naitalaga naman siya bilang punong patnugot ng Varsitarian mula 1935 hanggang 1936 habang kumukuha ng kursong Edukasyong Pangsekundarya sa Unibersidad. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, naparangalan ang pahayagan bilang Best Edited College Newspaper Ward ng College Editor’s Guild.

Nang matapos ni Valencia ang dalawang kurso, nagturo siya sa UST at sa Colegio de San Juan de Letran kung saan naging pangulo siya ng faculty club.

Pagpanaw ni Valencia noong 1987, napagpasyahang ilunsad nina Jesus C. Sison at iba pang kapwa mamamahayag ang Teodoro F. Valencia Foundation, na nagdadaos ng mga programang tulad ng Teodoro F. Valencia Cup Search for Outstanding School Paper at Teodoro F. Valencia Lectures on Journalism and Mass Communication.

READ
UST's seismograph

Sa kabilang dako, hindi lamang sa larangan ng pamamahayag naging tanyag si Valencia. Tumulong din siya sa paglikom ng malaking pondo mula sa mga organisasyon sa loob at labas ng bansa upang matulungan ang mga institusyong tulad ng Philippine Educational Theater Association. Sa katunayan, humigit-kumulang sa P150 milyon na ang kanyang naiambag sa pagtulong sa mga kapus-palad na kababayan at kapwa niya mamamahayag. Sa tulong niya, naipatupad din ang pagpapagawa ng Hospicio de San Jose, Gaches Village at ang pagpapaganda ng Rizal Park.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, isang abogado si Valencia. Sa katunayan, ipinagtanggol niya ang kanyang sarili sa harap ng Korte Suprema noong kasuhan siya ng libelo ng dating Pangalawang Pangulong Emmanuel Pelaez. Subalit higit niyang pinili ang pagiging mamamahayag dahil aniya, mas nakakapanabik ang trabahong ito kaysa sa pag-aaral ng batas.

Sa higit 50 taon ng pagiging propesyunal na manunulat, pinatunayan ni Valencia na karapat-dapat siyang tawaging pambansang dekano ng pamamahayag dahil sa dami ng kanyang naiambag sa larangang ito at sa kanyang pagpapahayag ng pagkalinga sa kapwa. Lee V. Villanueva

Tomasalitaan:

Binutig (pangngalan) – kasinungalingan

Halimbawa: Hindi na siya pinagkakatiwalaan ng mga tao dahil sa pagkakalat niya ng binutig.

Sanggunian: The Varsitarian, Tomo 50, Blg 1, Enero 1978 at Over a Cup of Coffee

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.