SA KABILA ng mahigpit na pagbabawal sa pagsali sa mga kapatiran, alam ninyo bang minsan rin itong pinahintulutan ng Unibersidad?

Sa katunayan, noong Oktubre 1971, naitatag ang Konseho ng Kapatiran (Council of Fraternities) sa Unibersidad na kinabibilangan ng Gamma Sigma Epsilon, Magna Xi Omicron, Upsilon Beta Sigma at Beta Rho Upsilon na binuo ng mga organisasiyong pangmag-aaral ng Engineering, Architecture, Science at Liberal Arts.

Napagkasunduan ng konseho na bumuo ng “student militia” kabilang ang mga kinikilalang kapatiran sa Unibersidad upang tumulong sa pangangalaga ng seguridad at pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng Unibersidad at maging sa pagitan din ng mga kapatiran.

Layon din nitong magkaroon ng maayos na relasyon ang mga kapatirang hindi kabilang sa konseho, at iulat sa nararapat na awtoridad ang mga ilegal na gawain tulad ng paggamit ng droga.

Alinsunod sa batas ng Unibersidad, lumikha ng isang konstitusiyon at bumuo ng isang lupon ang mga kapatiran na inaprubahan nina Joey Lopez para sa Gamma Sigma Epsilon, Victor Molina para sa Magna Xi Omicron, Jimmy Geroche para sa Upsilon Beta Sigma at Danny Mendoza para sa Beta Rho Upsilon.

Saksi rito si Arsobispo Leonardo Z. Legaspi, O.P., ang kauna-unahang Filipinong Rektor ng Unibersidad, kasama ang mga rektor at propesor na sina Robert Yap-Diangco at Hermenegildo Ramos.

Sa kasalukuyan, ang Alpha Phi Omega na lamang ang kinikilalang kapatiran sa loob ng Unibersidad. Sina Bise Presidente Jejomar Binay at dating Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang ilan sa mga sikat na personalidad na kabilang sa 90-taong gulang na kapatirang ito.

Tomasino Siya

Nakamamangha ang Tomasinong si Laura Suarez Acuzar pagdating sa kaniyang kalinangan sa larangan ng Accountancy at mga naitatag niyang organisasiyon sa loob ng Unibersidad.

Ipinakita ni Acuzar ang kaniyang kahusayan simula pa noong nag-aaral siya sa Unibersidad ng BS Accountancy at sa kniayang paagtatapos bilang magna cum laude. Tumanggap din siya ng Rector’s Award for Academic Excellence sa kaniyang pagtatapos noong 1962.

Nanilbihan si Acuzar sa Sycip Gorres Velayo and Co., isa sa mga pinakarespetadong accounting firm sa Filipinas, bilang International Audit and Business Advisory Partner at tagapangasiwang direktor ng departamento ng Business Risk and Consulting Service mula 1986 hanggang 2001. Naging miyembro rin siya ng Audit Committee ng Board of Directors nito mula 2002 hanggang 2008.

Isa siya sa mga nagtatag ng UST College of Commerce Almuni Foundation, Inc. noong 1992. Inilunsad din niya ang Meritorious Award, parangal para sa mga indibidwal na nakapag-aral sa Unibersidad na hindi bababa sa dalawang taon ngunit hindi nakapagtapos dito. Isa rin siya sa mga nag-ambag ng pondo para maipatayo ang kasalukuyang Buenaventura Garcia Paredes, O.P. Building. Jolau V. Ocampo

Tomasalitaan

Lowat (png)–maitim na bilog sa ilalim ng mata ng maysakit o ng hindi nakatulog.

Hal.: Paniguradong mababawasan ang aking lowat sa pamamagitan ng mahabang pahinga.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo XLIII Blg. 14, Oktubre 1, 1971

2014 TOTAL Awards Souvenir Program

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.