MUKHANG desidido ang UST na gawing tuluyang environment-friendly ang buong pamantasan.

Sa kasalukuyan, UST lamang ang pinakamalaking Unibersidad sa bansa na may patakaran laban sa lahat ng uri polusyon – tubig, lupa at hangin. Kalulunsad lamang ng Sewage Treatment Plant at Solid Waste Disposal System na linangan ng lahat ng domestikong dumi ng buong UST nitong Agosto.

Matatandaan din na sunod-sunod ang mga programa para lalong mapatibay ang imahe ng UST bilang hingahan o “green lungs” ng Maynila. Matapos ilunsad ang magarbong Botanical Garden na may pinakamaraming koleksiyon ng halaman sa buong Maynila noong isang taon, heto nama’t isang grandiyoso, o di kaya’y ambisyosong programa ang sumalubong sa mga Tomasino kamakailan lamang – ang “Smoke-free Campus.” Bagamat inulan din ng batikos ang kampanyang ito laban sa paninigarilyo sa loob ng kampus, matagumpay naman daw ang naturang kampanya. Oo nga naman, nawala na ang mga Yosi-kadiri sa loob ng UST.

Saan napunta? Hayu’t nagkukumpul ang mga mala-pabrikang Tomasino sa lahat ng labasan ng España, Dapitan, Lacson at P. Noval. Di kaya lalu pang nakasira sa imaheng hinuhubog ng administrasyon ang sarili nitong programa? Kung nais ng UST na maging ganap na “smoke-free,” hindi lang sa loob ng pamantasan dapat magkalat ng sangkaterbang plaka ng “UST IS A SMOKE FREE CAMPUS.” Hindi rin naman masisi ang mga naninigarilyo sapagkat wala nga namang Starbucks o Seattle’s Best na malapit sa UST na pwedeng gawing tambayan. Siguro’y dapat bigyan-pansin din ng patakaran ang mga bangketa sa paligid dahil karamihan pa rin sa mga Tomasino ay hindi makaintindi.

Ika nga ni Albert Einstein, “If you can’t explain it to a six-year-old, you don’t understand it yourself.”

READ
"Hounds of war"

* * *

Para sa mga Tomasino, mas nakakatakot palang magkasakit lalu na habang nasa loob ng UST.

Noong mga nakaraang linggong sunod-sunod ang mga pag-ulan at pagbaha, naging laganap din ang iba’t ibang uri ng sakit. Isa ako sa mga minalas na dinapuan ng dalawang magkaibang sakit. Kampante naman ako dahil mayroon namang Health Service na pwedeng puntahan sa ganitong mga pagkakataon subalit ang ikinagulat o ang ikinasama ng loob ko ay ang uri ng serbisyong makukuha dito.

Nang hingin ko ang aking medical record sa clerk, binigyan niya ako ng isang metikulosong tingin na animo’y hindi pasyente ang kaharap niya. Sinundan pa ng sarkastikong tanong ng: “Di ba kagagaling mo lang dito noong isang linggo?”

Sa sobrang sakit ng ulo at pata ng aking katawan, hindi ko na lang pinansin iyon. Pero mas malaking perwisyo pa pala ang naghihintay nang papuntahin at paghintayin ako ng mahigit isang oras sa labas ng Silid 112 sa loob ng Health Service para lamang pabalikin pagkatapos ng tanghalian. Pagbalik ko, bibigyan lang pala ako ng reseta (read: paracetamol) at pauuwiin.

Maaaring exclusive ang nangyaring iyon sa akin pero sa apat na taon ko dito sa Unibersidad, hindi na rin ito bago. Marami na rin akong narinig na parehong kaso. Hindi naman siguro masamang lubusin ang mga serbisyong laan para sa mga estudyante. Anupat nagbabayad ang mahigit 30,000 Tomasino ng P1000 para lang sa medikal at dental kada taon kung di rin naman mapapakinabangan nang ayos.

* * *

Isa lamang ang hangad nating mga estudyante habang naririto pa tayo sa pamantasan – ang makuha ang pinakaasam nating diploma sa araw na tayo’y maglalakad suot ang kulay ng ating kolehiyo sa ibabaw ng pinakamagarang itim na telon. Marahil ay napaka-aga pa para pagbulay-bulayan ang tungkol sa bagay na ito ng pagtatapos ngunit para sa mga katulad kong nasa ika-apat na taon, masasabing ang taong ito na ang pinakamahabang byahe sa buhay kolehiyo sapagkat ika nga sa Ingles, every second counts.

READ
Integridad sa pagtuturo, dapat pagtibayin

Minsan, sa ating mga kagyat na pagmumuni-muni bilang mga anak ni Santo Tomas, pumasok na ba sa ating balintataw kung bakit tayo narito’t gumagapang sa pag-aaral? Kung bakit kailangan nating maghirap ng ilang taon sa institusyong ito samantalang mayroon namang mga institusyon kung saan “mas madaling mabuhay?”

May mga bagay na mahirap makamtan sapagkat napakaraming lubak ang kailangang daanan at lampasan. Subalit anumang hirap ay hindi pansin ng sinumang alam ang kanyang paroroonan at tiyak ang kanyang ginagawa. Nais ko lamang ibahagi ang kasabihang paulit-ulit ko nang pinag-iisipan: “Kung ayaw, maraming dahilan; kung gusto, maraming paraan.”

Subalit hindi lahat ng nais natin ay daan tungo sa tagumpay. Hanggang ngayon, binabangungot pa rin ako ng kursong aking kinuha nang tanggapin ko ang pagkakataong mag-aral sa pamantasang ito. Gayunpaman, may mas malaking pilosopiyang gumagabay habang narito hindi lamang ako kundi malamang sa maraming katulad ko na nagkamali, naligaw at nagtagal, ito ay ang paniniwalang may mas maliwanag na landas sa dulo ng madilim na kuweba.

Ika nga, “Success is measured not by how much effort a person gives but the path he takes.”

* * *

Carpé diem!

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.