HINIKAYAT ni dating UST Rektor P. Rolando de la Rosa ang mga guro ng Unibersidad na pagtibayin ang kanilang integridad sa pagtuturo dahil hindi lamang sila nagtatarabaho upang mai-angat ang kanilang pamumuhay kundi gampanin nila na mahubog ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng kanilang pagtuturo.

“Hindi lamang kayo namamahala sa pagpapalaganap ng kaalaman ngunit mahalaga rin na matulungan ninyo ang mga estudyante na mapalawak ang kanilang kakayahang umunawa bilang tao,” ani De la Rosa.

Ayon kay De la Rosa, dating chairman ng Commission on Higher Education, napansin niyang naghahangad ng malaking kabayaran ang karamihan sa mga guro sa Pilipinas.

“Ang mga guro sa Europa ang mga propesyunal na tumatanggap ng pinakamataas na sahod samantalang hindi naibibigay sa mga guro sa Pilipinas ang karangalang nararapat sa kanila,” ani De la Rosa sa “Ethics of Teaching” forum noong Hulyo 28 sa Martyrs Hall.

Iminungkahi ni De la Rosa sa mga propesor ng Unibersidad na maglathala ng kanilang sariling pamantayang moral sa pagtuturo upang maitaguyod ang “fraternal correction” sa mga kapwa-guro.

“Sa Faculty Code na nailathala noong 1971, dalawang talata lamang ang nailaan sa pamantayang moral ng pagtuturo kaya iminumungkahi ko na magkaroon kayo ng isang revised version ng inyong code of ethics,” ani De la Rosa sa forum na inorganisa ng UST Center for Campus Ministry (UST-CCM) at Faculty Thomasian Volunteers (FTV). “Sa pamamagitan nito, magkakaroon kayo ng basehan upang maiwasto ninyo ang inyong mga sarili at mapalago ang diwa ng ’professionalism’ sa inyong kolehiyo.”

Itinatag ang FTV noong nakaraang taon ng Hulyo sa ilalim ng UST-CCM upang mapagtibay ang aktibong pagsali ng mga guro sa mga programang komunidad ng Unibersidad.

READ
The first globe-trotter

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.