HUWAG mong kausapin ang hindi mo kakilala.

Ito ang paalala ng UST Security Office sa mga mag-aaral noong pagbubukas ng klase upang maiwasan ang mga krimen sa loob at labas ng Unibersidad.

Isa ngayon ang “budol-budol” sa mga modus operandi na madalas gamitin sa pananamantala ng mga mag-aaral.

“Gumagawa [ang mga miyembro ng budol-budol gang] ng isang kwento. Sangkot [umano ang bibiktimahin] sa isang fraternity na nagkaroon ng problema at kailangan nitong magpaliwanag. [Pagkatapos] nilang makuha ang estilo, makukuha na rin nila iyong tiwala ng estudyante,” ani Joseph Badinas, security commander ng UST.

Apat na araw bago opisyal na magsimula ang pasukan sa Unibersidad noong nakaraang buwan, nabiktima si Aljune Buotan, mag-aaral mula sa College of Education, ng tatlong miyembro ng budol-budol gang sa kanto ng De la Rosa at Dalupan na ilang metro lamang ang layo mula sa UST.

Pauwi na si Buotan nang may isang lalaking nagpakilalang kagawad ng barangay. May kasama ang umano'y kagawad, na nag-anyaya kay Buotan na sumama dahil kahawig umano niya ang hinahanap nilang suspek na nanghipo raw ng isang babae. “Pumunta [kami] sa isang lugar [kung saan] ipapakita sana iyong mga retrato ng mga nakabastos daw doon sa babae,” ani Buotan.

Nang makarating sa sinasabing lugar, isa pang kasabwat na nagpakilalang mag-aaral ng UST ang lumitaw at nagpatunay na madalas niyang nakikita si Buotan sa Unibersidad.

“Hiningi nila yung gamit ko, i-surrender ko daw ‘yung mga gadgets ko, wallet ko,” ani Buotan, dahil bawal raw ang mga naturang bagay sa pupuntahan nilang lugar.

READ
Digital ID opposed

“Nakatingin ako sa mata nila. Kung ano ‘yung sinasabi nila, ginagawa ko. Hindi ko alam kung bakit ko naibigay ‘yung buong bag ko.”

Maliban sa mga gamit na pang-eskwela, natangay ng mga suspek ang isang Ipod Touch, tatlong cellphone, at salapi na nagkakahalaga ng P5,150.

Sa loob ng UST?

Taong 2007 naman nang mabiktima ng budol-budol sa loob ng Unibersidad si Evangeline Timbang, isang propesor ng College of Tourism and Hospitality Management.

Aniya, nagpakilala umano na dati niyang mag-aaral ang isang lalaking nag-aabang sa harapan ng gusali ng Albertus Magnus. Nagawa umano nitong makuha sa tingin si Timbang na kaagad niyang nakapalagayang-loob dahil na rin sa pagbabanggit ng mga pamilyar na pangalan ng umano ay kanyang “ka-batch.”

“This guy was trying to enter the building and the guard did not allow him because he cannot show a valid ID. Ako ‘yung naging ID niya,” ani Timbang.

Nadala pa niya ito sa isa sa kaniyang mga klase at ipinakilala sa kaniyang mga estudyante.

Makalipas ang ilang oras ay lumapit ang isa sa kaniyang mga mag-aaral sa naturang klase, at itinanong kung napasaan ang lalaki dahil nanghiram daw ito ng cellphone.

Tinawagan ni Timbang ang dalawang numero na ibinigay sa kaniya ng lalaki ngunit hindi gumana ang mga iyon.

“Doon ko na-realize na na-biktima ako. And because of that, I have to replace [my student’s] cellphone,” aniya.

Ngunit taliwas sa paniniwala ng karamihan na gumagamit ng hipnotismo ang budol-budol gang, ang pakiramdam na tila ginagawa ang kahit anumang iutos ng suspek ay dala lamang ng takot.

READ
Sustaining an advocacy to extend medical aid to the poor

“[During] hypnosis, you are not going to do something against your will,” ani Rosalito de Guzman, propesor ng sikolohiya sa College of Science. “Kapag naunahan na [kasi] ng takot at stress, hindi na nakakapag-isip rationally.”

Para kay De Guzman, ang mga miyembro ng budol-budol gang ay may “glib tongue” o may natatanging galing sa panghihikayat.

Ayon kay SPO3 Genesis Aliling, officer-in-charge ng Special Investigative Board ng Manila Police District Station 4, may dalawa pang kilalang modus operandi na ginagamit sa pambibiktima ng mga mag-aaral maliban sa budol-budol.

Isa na rito ang “frat-frat” kung saan may tatlong lalaki na lalapit at pagbibintangan ang biktima na isa itong miyembro ng fraternity na may atraso sa kanilang kasapi. At upang maiwasan ang sakitan, dadalhin lamang nila ang biktima sa isang tagong lugar at pilit na kukunin ang mga gamit nito.

Sa modus na “laglag-barya,” sasadyain ng mga suspek ang paglaglag ng barya upang mapilitan ang biktima na pulutin ito. Sasamantalahin ng mga suspek ang pagyuko ng biktima at kukunin ang mahahalagang gamit nito. Kung lumaban ang biktima, tututukan nila ito ng patalim.

Ani Badinas, tumataas ang kaso ng budol-budol sa tuwing pagbubukas ng klase. May tatlong kaso ng budol-budol ang naitala kaagad sa Security Office noong Hunyo, na pawang naganap sa paligid ng kalye ng P. Noval.

Mga freshmen ang madalas na mabiktima dahil madali silang malinlang at wala pang hustong kamalayan sa komunidad na ginagalawan nila, aniya.

“Every time may case kami, agad naming itinatawag sa PNP Sampaloc District para ma-respondehan agad,” ani Badinas.

READ
Investing in business education

“May mga pagkakataon din kasing nagpapabaya ang mga mag-aaral sa kanilang personal na gamit,” aniya. “Madalas, mahilig silang maglabas ng gadgets nila [sa pampublikong lugar].”

Ang pagkakaroon ng ospital at simbahan sa Unibersidad ay dahilan upang makapasok ang mga masasamang loob, dagdag niya.

“Hindi naman namin sila pwedeng pigilan [pumunta sa ospital at simbahan],” ani Badinas. “Kapag ginamit nila ‘yung simbahan [bilang dahilan], at pagkatapos ng simba, iikot na sila [sa loob ng campus].”

Bilang paalala sa mga mag-aaral noong pagbubukas ng klase, nagpamahagi ang Security Office ng mga leaflet na naglalaman ng mga pamamaraan upang maiwasang mabiktima ng krimen, at listahan ng mga numerong dapat tawagan sa oras ng panganib.

Maliban pa rito, sumali ang Security Office sa freshmen orientation ng bawat kolehiyo at fakultad upang personal na mabigyan ng paalala ang mga bagong mag-aaral ng Unibersidad.

Ngunit para sa ilang mag-aaral, hindi pa rin sapat ang seguridad sa Unibersidad. Ayon kay Ma. Nikka Policarpio, isang Journalism senior, pabagu-bago ang sistema lalo na sa pagpapapasok ng mga tao sa loob ng Unibersidad.

“Hindi consistent yung mga guwardiya. ‘Yung ibang [guwardiya] papasok lang nang papasok. ‘Yung iba mahigpit,” aniya.

Ganito rin ang pananaw ni Izra Mae Dominique Caalim, isang third year Nursing student.

“Dito mismo sa loob, tulad sa car park, may nananakawan pang mga mag-aaral. Kung sinu-sino na kasi ang mga nakakapasok dito,” ani Caalim. Cez Mariela Teresa G. Verzosa at Yuji Vincent B. Gonzales

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.