SA LOOB ng mahigit sa dalawang taon kong pananatili sa Varsitarian, ilang beses din akong nagkaroon ng pagkakataong makatagpo ng mga taong nag-iwan sa akin ng mga karanasang hindi ko malilimutan. At ang mga aral at alaala ng mga karanasang ito ang isa sa mga itinuturing kong gantimpala ng aking pagiging isang manunulat.

* * *

Noong Disyembre, 1999, gumawa ako ng isang artikulong nagtatampok sa mga pulubing nasa paligid ng UST. Dito ko nakilala sina Lola Eden, Aling Pacita, Mary Ann, at ang mga batang sina Lito, Jestres, Johnson, at Jovelyn.

Hanggang ngayon, hindi pa rin nabubura sa isipan ko ang walang-kapagurang pagtataas nila ng kanilang palad sa tuwing may dumaraang estudyante sa harapan nila. Kung minsan, hinahabol pa nila ang mga ito upang makahingi lamang ng kaunting baryang maipambibili nila ng kahit na anong pantawid-gutom. Ginagawa nila ito sa kabila ng matinding init na dala ng sikat ng araw o panganib sa lansangan tuwing sumasapit ang gabi.

Naaalala ko pa nang minsang lumapit sa akin si Jestres habang naglalakad ako sa Dapitan ilang araw bago mag-Pasko. Ang sabi niya, huwag ko raw kalilimutan ang regalo niya. Iabot ko raw ito sa Pasko dahil naroroon lang naman daw siya sa araw na iyon. Iyon na ang huling beses na nakita ko siya.

Hindi ko na rin nakita ang mga kasama ni Jestres na sina Lito, Johnson, at Jovelyn, at maging ang noo’y nagdadalantaong si Mary Ann. Wala na rin sa dati niyang puwesto si Lola Eden noong huli akong dumaan sa overpass ng España. Samantalang, hanggang ngayon, madalas ko pa ring makitang nakatayo at nanlilimos sa isang sulok ng gate sa Dapitan si Aling Pacita.

READ
Benipayo urges moral renewal

* * *

Isang taon na ang nakalilipas mula nang magpunta ako sa Payatas noong Hulyo, 2000. Wala akong partikular na pangalang natatandaan mula sa nasabing karanasan. Ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang dinatnan kong kalunos-lunos na kalagayan ng mga biktima ng pagguho ng bundok ng basura.

Hindi ko alam kung paano nasisikmura ng mga biktima ang lugar na tinitirhan nila. Umaalingasaw ang amoy ng basura at halos magkasingdami lang ang bilang ng mga tao at langaw. Nagsisiksikan din ang mahigit sa 600 na pamilya sa evacuation center, ang Lupang Pangako Elementary School. Makikita sa mga mukha ng mga naroroon ang kagustuhan nilang umalis sa lugar na iyon. Ngunit, ayon sa mga kuwento nila, wala silang ibang maaaring puntahan kung kaya’t nananatili sila roon.

Hanggang sa pag-alis ko sa Payatas, nakakapit pa rin sa akin hindi lamang ang amoy ng lugar na iyon kung hindi maging ang nakalulungkot na karanasang ibinahagi sa akin ng mga biktima ng trahedya ng basura.

* * *

Naging masaya naman ang pakikipanayam ko sa mga nagwagi ng Ika-16 na Gawad Ustetika noong Pebrero, 2001. Binubuo nina Eric, Sonny Boy, Kristoffer, Pamela, Christine, Sheila, Randell, at Rosmon ang nasabing grupo.

Naging mas madali para sa akin ang unawain sila dahil sa isa rin akong estudyante at manunulat na tulad nila. Nakatutuwang isipin na nagagawa nilang hatiin ang oras nila sa pagsusulat at pag-aaral. Alam ko na hindi ito madali lalo na kapag malayo sa kursong kinukuha mo ang malikhaing pagsulat.

Nakalulungkot nga lamang malaman na pakiramdam ng iba sa kanila ay hindi gaanong nahuhubog at nabibigyang-halaga ang kakayahan nila bilang mga manunulat dito sa Unibersidad. Gayunpaman, determinado sila at nais pa rin nilang ipagpatuloy ang kanilang pagsusulat dahil sa naging bahagi na ito ng kanilang buhay.

READ
Smoke-free UST

Hanggang ngayon, nakikita at nakakausap ko pa rin ang iba sa kanila. Nakasama ko sa Ikalawang UST National Writers’ Workshop si Eric. Kung minsan, dumadalaw at nagpapasa ng mga gawa nila sina Kristoffer, Randell, Sonny Boy, at Rosmon sa Varsitarian. Samantalang isa nang manunulat ng Literary Section ng Varsitarian si Sheila ngayon.

* * *

Ilan lamang ang mga nabanggit ko sa mga taong naging bahagi sa madalas kong tawagin na “paglalakbay” ko bilang isang manunulat. Maliit lang ang mundo at alam ko na muli kong makakatagpo ang ilan sa kanila balang-araw. Inaasahan ko na sa muli naming pagtatagpong iyon, muli rin akong mabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng panibagong karanasan na hindi ko malilimutan.

* * *

Mayroon din akong mga kahilingan para sa kanilang lahat—nawa’y magkaroon ng katuparan ang mga hinahangad nila: masagana at bagong buhay para kina Lola Eden, Aling Pacita, Mary Ann, Lito, Jestres, Johnson, at Jovelyn; tulong mula sa bagong administrasyon upang muling makapagsimula ang mga taga-Payatas; at mas mahaba pang “paglalakbay” para kina Eric, Sonny Boy, Kristoffer, Pamela, Christine, Sheila, Randell, at Rosmon.

* * *

Naging madalas ang pagbuhos ng malakas na ulan nitong mga nagdaang araw. Sa tuwing dumarating ang ganitong panahon, hindi ko maiwasang umupo na lamang sa isang tabi at mag-isip. Madalas, singdami ng patak ng mga ulan ang mga bagay na pumapasok sa aking isipan—ilang masasayang alaala ng aking kabataan, mga pangakong hanggang ngayo’y hindi pa rin nagkakaroon ng katuparan, at higit sa lahat, mga kaibigang palaging naririyan at kailanma’y hindi ako iniwanan.

* * *

Sa inyong nakasama ko noong tag-ulan, sana ay makasama ko pa rin kayo ngayong narito na ang balangaw.

READ
Hospital tower scrapped

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.