HABANG lumalaki ang interes ng mga Pilipino sa teknolohiya at makabagong kagamitan, unti-unting napapabayaan ang heritage sites na nagdala sa atin noon ng dangal at pagtatangi. Bilang mga Pilipino, responsibilidad natin na alagaan ang heritage sites na ito na sumasalamin sa mayamang kultura at kasaysayan natin.
Heritage conservation ang naging tema ng simposyum ng United Architects of the Philippines (UAP) Kalayaan-100 Chapter kasama ang UAP Student Auxiliary-U ST noong Hulyo 20 sa audio-visual room ng Beato Angelico Bldg.
Ayon kay Maria Cristina Turalba, arkitekto at may-akda ng Philippine Heritage Architecture Before 1521 to the 1970’s, mahalaga ang heritage conservation dahil ang mga gusaling tulad ng simbahan ng San Agustin ang nagpapakita ng ating pagka-Pilipino.
“Ito ang pisikal na paalala ng ating pinagmulan at ng kultura ng ating bayan,” aniya.
Sa kasalukuyan, mayroong limang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage Sites ang Pilipinas. Kasama dito ang mga simbahang baroque ng Iloilo, Ilocos, at Intramuros gaya ng San Agustin; ang bayan ng Vigan; ang Hagdan-Hagdang Palayan ng Banawe; ang subterranean river sa Puerto Princesa; at ang Tubbataha reef marine park sa Palawan. Mayroon ding 28 na lugar sa Pilipinas, tulad ng Chocolate Hills sa Bohol, na nasa pansamantalang listahan ng World Heritage Sites ng UNESCO.
Pinoprotektahan ng UNESCO ang mga lugar na ito, at ang iba pang World Heritage Sites sa ilalim ng mga patakarang ginawa sa Convention Concerning the Protection of the World Cultural and Natural Heritage noong 1972. Isang halimbawa ang patakarang nagsasabing maaaring humingi ng pinansyal na tulong ang isang bansa sa pagsagip sa isang World Heritage Site na nanganganib.
Tinalakay din ni Turalba sa simposyum ang arkitektura sa Pilipinas bago at ng dumating ang mga Kastila, at sa panahon ng mga Amerikano.
Pamanang arkitektura
Ayon kay Turalba, ang vernacular period bago dumating ang mga Kastila ang panahon ng katutubong arkitektura tulad ng bahay kubo na gumamit ng kawayan, yantok, at iba pang katutubong kagamitan. Nang dalhin ng mga Kastila ang Katolisismo sa bansa, higit na napagyaman ang arkitektura sa paggamit ng batong materyales.
“Kasama ng Katolisismo ang pagmamahal sa arkitektura, ang mga pari ang mga arkitekto noong pahahong iyon,” paliwanag ni Turalba.
Itinayo ng mga Kastila ang mga batong simbahan na nagagamit pa rin hanggang ngayon.
Matapos ang pananakop ng mga Kastila, dinala naman ng mga Amerikano ang makabagong arkitektura sa bansa. Itinayo noong panahong ito ang mga gusaling pampamahalaan tulad ng Post Office at Legislative House sa Maynila. Ito din ang panahon ng art deco na nagdala ng mga gusaling tulad ng Metropolitan Theater sa Maynila,
Makabagong arkitekto
Naniniwala si Turalba na importante ang tamang pag-uugali na dapat sundin ng mga arkitekto upang makapaglabas ng mahusay na trabaho.
“Bilang mga arkitekto, gagawa kayo ng mga gusali na tatagal at makikita ng mga susunod na henerasyon at ng buong mundo. Kung mali ang ginawa, makikita iyan ng lahat, pero kung tama at maganda, magiging monumento ang mga iyon habang buhay,” ani Turalba.
Natalakay din ang isyu ng pagpapagiba sa mga lumang gusali sa Maynila, at ang ideya ng adaptive reuse o ang paggamit ng mga lumang gusali sa bagong paraan na hindi sinisira ang mga makasaysayang tampok nito.
“Magaling ang mga Pilipino pagdating sa adaptive reuse. Likas na sa atin ang paghanap ng bagong gamit sa mga bagay na hindi na napapakinabangan,” aniya.
Ang simposyum ang una sa serye ng mga simposya na ihinahanda ng UAP Kalayaan-100 Chapter sa ilalim ng temang “Architects for Awareness and Action.” Tungkol sa mga napapanahong paksa ng arkitektura tulad ng health care design and maintenance at computer rendering tips & techniques ang mga susunod na simposya. Nakatakdang maganap sa Setyembre ang pangalawang simposyum. C. A. M. Tobias