NAPILI bilang isa sa mga punong hurado ng ika-19 na International Festival of Academic Choirs (IFAS) Chorale Competition si Prop. Fidel Gener Calalang, pinuno at konduktor ng UST Singers. Ginanap ang paligsahan para sa iba’t ibang kategorya ng mga koro mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 5 sa lungsod ng Pardubice, Czech Republic.

Inumpisahan ng IFAS ang kompetisyon ng mga koro noong 1968, ngunit idinaraos lamang nang taunan mula 1980. Kalahok sa pandaigdigang paligsahang ito ang mga mahuhusay na koro mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Austria, Alemanya, Australia, Estados Unidos, at Pilipinas. Sa taong ito, kung saan isa sa mga hurado si Calalang, nagkaroon ng kategorya para sa musika ng mga klasikong kompositor na sina Wolfgang Amadeus Mozart at Robert Schumann.

Ayon kay John Mendoza, pangulo ng UST Singers, pinili si Calalang bilang hurado ng kompetisyon ng IFAS dahil sa mga nakamit na pagkilala ng grupo sa nakaraang Mundi Cantat Festa Musicale sa Olomouc, Czech Republic.

“Kinilala ng IFAS ang pagkapanalo ng UST Singers ng limang gintong unang parangal at apat na 100 porsyentong marka sa Mundi Cantat Festa Musicale na naging malaking salik upang piliin ng nasabing organisasyon si Prop. Calalang,” ani ni Mendoza sa Varsitarian.

Ngunit hindi ito ang unang kompetisyon na nilahukan ni Calalang bilang isang hurado.

“Noong 2003, naging miyembro na rin siya ng international jury sa Wales International Choral Competition sa North Wales, United Kingdom. Dahil din ito sa parangal sa UST Singers bilang “1995 Choir of the World” ng Llangollen International Eisteddfod sa Denbighshire ng North Wales din,” ani Mendoza.

READ
Thomasians pray rosary with Pope Benedict XVI

Sa ilalim ng pangangasiwa ni Calalang mula 1992, nanalo ang UST Singers ng 45 unang gantimpala sa mga paligsahan sa loob at labas ng bansa. Hinirang siya bilang Most Outstanding Alumnus of UST for Performing Arts noong 2003.

Noong Abril at Mayo, si Calalang ang namuno sa UST Singers sa matagumpay na 12th International Concert Tour of Asia kung saan nagbigay siya ng panayam tungkol sa musikang Pilipino sa Taiwan.

Bukod sa pamamahala ng UST Singers, nagtuturo rin si Calalang ng Piano and Choral Conducting sa UST Conservatory of Music. Siya rin ang tagapangasiwa ng Conducting Department ng konserbatoryo.

Sa ngayon, nasa Mainz, Alemanya si Calalang bilang isa sa mga hurado at kalahok para naman sa 2006 Europa Cantat Festival and Choral Workshop.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.