HINDI biro ang pagbibigay ng pangalan sa mga bagong tuklas na halaman. Kailangang sumailalim ang mga ito sa masusing pagsusuri upang tiyaking nababagay ang pangalang ibibigay sa kanyang deoxyribonucleic acid (DNA) sequence o ang pagkakasunod ng kemikal na bumubuo ng DNA.
Pangunahing hangarin ni Dr. Grecebio Jonathan Alejandro ng College of Science ang pagsasaayos sa pagkakagrupo ng mga bulaklak sa pamilyang Rubiaceae, isang uri ng halamang kape. Nakasentro sa plant systematics o ang pagbibigay ng pangalan sa mga halaman ang kanyang pag-aaral. Mahalaga ito upang maayos ang pagsusuri sa iba’t ibang uri ng halaman.
Noong isang taon, ipinangalan ni Alejandro sa UST ang Mussaenda ustii, isang bagong uri ng halamang kape.
“Isang kilalang uri ng Rubiaceae ang Mussaenda na nalilinang sa iba’t ibang harding botanikal dahil sa maganda at matagal ang pagyabong ng mga bulaklak na ito,” ani Alejandro sa Varsitarian.
Bilang pagkilala sa mga kontribusyong ibinigay niya sa larangan ng taksonomiya, iginawad kay Alejandro ang Outstanding Young Scientist Award ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya at National Academy of Science and Technology noong Hulyo 13 sa Manila Hotel.
Sa tulong ng Unibersidad, nagtapos ng Ph.D. si Alejandro sa University of Bayreuth sa Bavaria, Germany noong Mayo, 2005. Ang kanyang disertasyon tungkol sa Rubiaceae ang nagbigay daan sa pagtataguyod ng bagong genus na Mussandeae.
Yamang Pilipinas
Maraming klase ng bulaklak ang tumutubo sa Pilipinas, dahilan upang tagurian tayong isa sa mga hotspots ng mga halaman sa mundo. Ngunit hindi napagtutuunan ng pansin ang talaan ng mga bulaklak ng Pilipinas. Pinag-aaralan ni Alejandro ang Rubiaceae upang makatulong sa pagbabago’t pagsasaayos nito.
“May malawak na pinagkukunan ng iba’t ibang uri ng mga halaman ang Pilipinas na bumubuo sa apat na porsiyento ng halaman sa mundo,” ani Alejandro. “Ngunit sa kasalukuyan, kakaunti pa lamang ang mga nailathalang dokumento ukol dito.”
Sa pag-aaral ni Alejandro, may 80 uri ng Rubiaceae sa Pilipinas. Kinakailangang ilarawan ang grupo ng mga halaman ayon sa Description Language of Taxonomy, isang madaling paraan ng pagtala ng datos ng mga halaman na gumagamit ng kompyuter. Nagbigay si Alejandro ng bagong pagsusuri tungkol sa Rubiaceae sa Pilipinas at dito nataguyod ang bagong genus na Bremeria mula sa Mussaenda.
“Wala pang masyadong komprehensibong tala ng iba’t ibang uri ng halaman sa Pilipinas,” ani Alejandro, mananaliksik sa Research Center for Natural Science (RCNS). “Tanging iilang siyentipiko lamang ang nagtatala ng mga uri nito.”
Sa pagsusuri ng DNA ng halaman, napag-alaman niyang polyphyletic ang Mussaenda o iba-iba ang pinagmulan sa loob ng pamilya ng Rubiaceae.
Nailathala na ang pag-aaral na ito sa American Journal of Botany noong 2005 at nailahad ni Alejandro sa Willi Hennig Society Meeting 2003 sa Paris at sa ika-pitong pulong ng Gesellschaft für Biologische Systematik sa Germany. Kasali si Alejandro sa iba’t ibang organisasyong internasyonal tu lad ng American Society of Plant Taxonomists, Botanical Society of America, at International Association of Plant Taxonomists.
Inaayos na ni Alejandro ang paglilimbag ng pagbabago sa species-level ng Mussaenda ng Pilipinas. Kasama rito ang limang bagong species at isang bagong grupo ng Mussaenda. Ginagawa niya ang pag-aaral na ito sa RCNS.
Sa ngayon, patuloy pa rin sa pag-aaral ng Rubiaceae ang guro kasama ang kanyang mga estudyante sa College of Science at Graduate School. Balak niyang maglimbag ng gabay-talaan ng mga larawan ng iba’t ibang Rubiaceae ng Pilipinas.
Kasama na si Alejandro sa mga matatagumpay na nagtiyagang pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng pangalan sa mga halaman. Kakaunti lang ang taong pumapasok sa larangan ng plant systematics, ngunit dahil sa mga katulad ni Alejandro, nabibigyang pagkilanlan ang ating mga halaman.