IBA’T IBANG mga obra ng mga batikan at baguhang Tomasinong alagad ng sining ang ipinakita sa ikalawang pagsasama-sama ng iba’t ibang mga galeriya sa Pilipinas sa ManilArt 2010. Ito ay inorganisa ng Bonafide Art Galleries Association (BAGO) sa SMX Convention Center na idinaos noong Hulyo 29 hanggang Agosto 1.

Ang ginamit na piyesa bilang opisyal na larawan ng ManilArt 2010 ay ang obra ng UST Fine Arts alumnus na si Andres Barrioquinto na tinawag na “Crystal Gazer.”

Kabilang sa mga pintor na nagmula sa UST na sumali sa ManilArt ay sina Arturo Luz, Roberto Chabet, Lydia Velasco, Jomike Tejido at Anton Balao.

Lumahok din ang sikat na iskultor na si Ramon Orlina na kilala sa paggamit ng salamin bilang medium sa paggawa ng iskultura.

Ipinakita ang obra ng mga mag-aaral ng kursong Painting sa College of Fine Arts and Design na sina Frances Nicole “Biwan” Delos Angeles at Kevin “Gripo” Balboa.

Maaaring hindi painting

Ayon kina Jomike Tejido at Ramon Orlina, na parehong nagsipagtapos ng arkitektura, at Anton Balao na mula sa interior design ng UST, maaaring hindi kursong painting ang kunin ng isang artist para maging isang magaling na pintor o iskultor.

“Noon ay hindi pa ako sigurado sa aking major. Sinubukan ko lang ang pagpinta at doon na nagsimula ang aking pagiging pintor,” ani Balao.

Ayon sa kaniya, maaaring kalamangan pa nga ang pagpipinta habang nasa ibang kurso.

“Ang pagiging malikhain ng tao ay mas mahahasa kung ganito ang sitwasyon at baka madiskubre pa ng isang tao na ang tunay niyang talento ay nasa pagpinta,” aniya.

READ
'Student-centric' curriculum for Senior High School pledged

“Para ka kasing swiss knife, marami kang maaaring gawin at patunguhan sa iyong karera, at kung sakali mang hindi ka maging matagumpay sa isa, meron kang maaaring maging alternatibo,” dagdag ni Tejido.

Sa ikalawang taon ng ManilArt, mas madami ang dumalo at lumahok sa nasabing kumbensyon tulad ng inaasahan. Mula sa 40 ay naging 55 na galeriya ang nagpakita ng kanilang mga malikhaing piyesa na nagmula sa iba’t-ibang parte ng bansa.

Sa 55 na iyon ay humigit-kumulang 800 na piyesa ang ipinakita sa publiko mula sa mahigit 500 na pintor, iskultor at iba’t iba pang alagad ng sining.

Ang ManilArt ay isang matingkad na patunay na ang sining ng Filipino ay buhay na buhay. John Ernest F. Jose at Alyosha J. Robillos

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.