WALANG kapararakan at nanlulusob. Iyan ang mga salitang naikabit sa “likhang-sining” ni Mideo Cruz na inilagay sa Bulwagang Juan Luna (main gallery) ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Umani ng samu’t saring reaksiyon at opinyon mula sa iba’t ibang sektor ang kolahe ni Cruz na nagtanghal ng mga hindi katanggap-tanggap na mga imahe nina Hesus at Birheng Maria, bukod sa iba pang mga panrelihiyon na imahe at kagamitan.
Una nang nagpahayag ng kanilang saloobin ang mga opisyal ng Simbahang Katolika na nagsabing ang mga gawa ni Cruz ay maituturing na kalapastanganan sa relihiyon at pananampalataya ng nakararaming Pilipino.
Matapos ang isang dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng CCP, mga artists na sangkot, at mga kinatawan ng Simbahan noong Agosto 5, nagbigay ng pahiwatig si Pangulong Bengino Aquino III sa mga Pilipino, lalong-lalo na sa mga dawit sa kontrobersiyal na isyu.
Ayon sa kaniya, kailangang makinig ng CCP sa mga hinaing ng masa, lalong-lalo na ng mga taxpayers dahil ang mga ito ang nagpapatakbo sa institusiyon, bilang ito’y nasa ilalim ng pangangasiwa ng estado.
Dagdag pa ni Aquino, kung 85 porsiyento ng mga nagbabayad ng buwis ang nainsulto sa “Poleteismo” ni Cruz, marapat lamang na ikonsidera ang pagpapatanggal ng mga ito sa CCP.
Hindi nagtagal, napagdesisiyunan ng pamunuan ng CCP na isara ang exhibit dahil na rin sa mga pagbabantang natanggap ng mga board member mula sa publiko. Kalaunan, nagbitiw sa kaniyang posisiyon ang visual arts director ng CCP na si Karen Flores.
Nagkaroon naman ng joint hearing sa Senado matapos ang paghahain ng reklamo laban kay Cruz at 11 na opisyal ng CCP, kasama ang kasalukuyang pangulo at dekano ng Conservatory of Music ng Unibersidad na si Raul Sunico.
Binuksan ng mga gawa ni Cruz ang malawakang talakayan at debate ukol sa diumano’y paglabag sa “freedom of expression” ng mga artist at ang wari’y isterikong reaksiyon ng Simbahan at ng mamamayan. Ngunit hindi naman maaaring sisihin ang mga ito sa kanilang mga naging reaksiyon sapagkat ang bawat isa mayroong iba’t ibang interpretasiyon sa mensaheng nais iparating ni Cruz sa kaniyang mga gawa. Kung sa iba, ito’y tahasang pagsasawalang-galang sa Katolisismo, maaaring para sa iba, isa itong pagsasalamin sa mga kasalukuyang kaganapan sa relihiyon.
Sakop ang gawa ni Cruz ng tinatawag na “self-reflexivity” sa art, kung saan binibigyang-kalayaan ang bawat isa na hatulan o bigyang-kahulugang ang inilatag na sining sa kanilang harapan batay sa nangingibabaw na mga paniniwala. Nagkataon na ang ikinabit sa pader ng CCP ay kontra sa panananalig na nakararami kung kaya’t umani ito ng mas maraming negatibong katugunan.
Bukod dito, isa sa mga tungkulin ng self-reflexivity ay ang pagbubunyag ng mga bagay o ideyang itinatago o itinatangging paniwalaan ng tao na magdudulot lamang ng shock o pagkabigla. Ika nga, ang gawa ni Cruz ay isang “shock art,” na isa sa mga natatanging katangian ng postmodern art.
Sa parteng ito, naging matagumpay si Cruz na ipamalas ang epekto ng ganitong uri ng sining.
Gayunpaman, kung titignan sa konteksto ng isang social theory na tinatawag na “institutional theory of art,” maituturing na hindi tunay na likhang-sining ang inihandog ni Cruz sapagkat tinawag lamang ito na “art” dahil ito’y inilagak sa CCP, isang institusiyon ng estado. Subukan mong ilagay ito sa bangketa, masasabi mo pa bang ito ay sining? Marahil titignan mo na lamang ito sa perspektibo na ito’y tila isa lamang likha ng isang taong nagrerebolusiyon o may sukdulang pagtangging tanggapin ang relihiyon.
Hindi maikakailang isa rin itong direktang pag-atake ng estado sa relihiyon sa kadahilanang ang exhibit kung saan napabilang ang gawa ni Cruz ay inisponsor ng CCP. Bukod dito, ang mga tagapagtanggol nito at kritiko ng Katolisismo ay tila nagmumula sa mga sangay ng gobyerno at unibersidad na pinatatakbo ng estado.
Hindi kaya’y sinamantala ng mga ito ang pagkakataon upang batikusin at hamunin ang Simbahan dahil sa matindi nitong pagsalungat sa ihinahaing Reproductive Health bill?
Ang lahat ng ito ay mga agam-agam na sana'y naiwaksi kung sinunod lamang ng liderato ng CCP ang hiling ng mga nagprotesta na alisin ang "Politeismo" dahil inaalipusta nito ang relihiyon. Subalit nagmatigas si Emily Abrera at laban sa nakararaming sentimyento ng pamunuhan ng CCP, nagdesisyon siyang mag-isa na ipagpatuloy ang eksibit. Hindi niya pinansin ang mga protesta dahil ito'y galing lamang sa mga Kristiyano at walang alam sa sining diumano. "Are we still in the vise of religion?" aniya. Sa kaniyang mga binigkas makikita ang kaniyang malaking pagkiling laban sa relihiyon. Para sa isang taong nagtataguyod ng sining, mukhang labis siyang insensitibo.
Nang tuluyan nang maisara ang eksibit dahil na rin sa hiling ng Malakanyang, sinisi nina Abrera ang mga "security threats" laban sa "Politeismo" at CCP.Para sa isang institusyon na nasa ilalim ng Presidente, na commander-in-chief ng bansa, mukha yatang duwag ang CCP sa pagsulong ng tinataawag nitong "creative freedom for the artist." Ni hindi nito tinanggap na ang pagsasara ay dulot na rin sa mga reklamo ng manonoood na ang "Politeismo" ay atake sa relihiyon na hindi dapat sinusuportahan ng estado. Hindi. Ang kailangan lang ng CCP ay mapanatili ang "security." Ito'y klasikong ilustrasyon ng pasismo. At iyon ang aming punto. Biglang-bigla, lahat ng mga institusyon ng estado–CCP, UP at iba pa–ay biglang nagtaguyod ng kalayaan ng artista maging sa pag-atake ng relihiyon. Hindi ba kahambugan at kakulangan ito ng "self-reflexivity"? Hindi ba ito asal-pasista?
Kung kayat tayong lahat ay mag-ingat sa sining at mga nagpapanggap na alagad nito: ang handog nila'y makinang na sining sa labas subalit sa loob ay kamay na bakal!
edi dapat harangin ang mga likhang nakakainsulto sa tao kahit pa ito ang gustong sabihin ng gumawa?
paano na yung freedom of expression bilang isang karapatang pantao? hindi ba dapat galangin din ang panig ng lumikha ng sining at huwag lang ipilit ang sa mga nasaktan? hindi ba hindi ito “demokratiko” kung ang masa ay sarado sa mga diskurso sa mga taong masining?
pero kung ipipilit ng masa na demokratiko ang pagharang sa mga sining na ganito na sumisimbolo sa mga saloobin ng mga lumikha, hindi na naiba ang masa sa mga pamahalaang hindi demokratiko dahil ang demokrasya ay kalayaan sa kahit anong bagay
huwag ipilit ang gusto mo sa iba dahil maga-away lang kayo sa huli. at sa pagkaka-alala ko, wala pang sining na ang layunin ay ipilit ang kung ano ang nasa isip ng lumikha.