ALAM ba ninyo na mayroong hostel sa USTe?

Ito ang Domus Mariae International Residence, isang dalawang palapag na gusaling matatagpuan sa pagitan ng Gymnasium at Publishing House at nasa pamamahala ng Treasurer’s Office.

Katulad ng isang dormitoryo, nagsisilbing bahay-panuluyan sa mga taong malalayo sa kanilang mga tahanan ang hostel. Mga kabataang estudyante ang madalas gumagamit nito.

Ayon kay George Cuevas, tagapangasiwa ng Domus Mariae, itinatag ito noong kalagitnaan ng dekada 90. Noon, nasa ikalawang palapag ng lumang Publishing House ang hostel. Bagaman nasa ibaba nito ang palimbagan, hindi naman ito nakasasagabal sa mga estudyante dahil hindi maingay ang mga makina at air-conditioned ang mga silid ng hostel. Nagkaroon lamang ito ng sariling gusali nang ipagiba ang lumang Publishing House at itinatayo ang gusali ng Beato Angelico.

Ani Cuevas, orihinal na nakalaan lamang ang Domus Mariae sa mga dayuhang mag-aaral ng Unibersidad, subalit noong nagsara ang isa pang dormitoryo malapit sa ospital, pinahintulutan na ring makapasok dito ang mga Pilipinong estudyante. Sa kasalukuyan, mayroong 21 babae at 13 lalake na umuupa sa Domus Mariae.

Kabilang sa mga kagamitan ng hostel ang 19 na air-conditioned na silid, kung saan 14 ang nakalaan sa mga umuupang estudyante. May dalawang silid para sa mga kasangkapan sa kusina, dalawang guest rooms, at isang TV room. Mayroon ding guwardiyang nagbabantay 24 oras upang mapangalagaan ang kaligtasan ng 34 na estudyanteng umuupa rito. Ito raw ang ipinagkaiba sa Domus Mariae sa mga karaniwang dormitoryo, ani Cuevas.

Ngunit may kamahalan din ang pag-uupa sa Domus Mariae. Aniya, nagkakahalaga ng P6,600 hanggang P9,000 kada buwan ang renta.

READ
McCann study: Filipino youth today more 'conservative'

Hindi man mapapantayan ang pagtira sa sariling tahanan, nakakatulong ang mga bahay-paupahan tulad ng Domus Mariae upang higit na mapadali ang buhay ng mga estudyanteng malalayo sa kanilang mga tahanan. Ruben Jeffrey A. Asuncion

Tomasalitaan:

Abong – isang maliit na kubong yari sa kugon at talahib at nagsisilbing bahay-pahingahan ng mga magsasaka sa bukid.

Halimbawa: Maraming makikitang abong sa mga palayan.

Sanggunian: George Cuevas, at UST Freshman’s Kit

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.