TINAGURIAN ang UST Central Library bilang isa sa mga pinaka-malaking silid-aklatan sa bansa. Subalit gaya ng isang umuusbong na halaman, nagmula rin ito sa isang munting binhi.
Bago sumapit ang dekada 80, isang bahagi lamang ng Main Bldg. ang aklatan. Kasama ng ilang mga tanggapan at kolehiyo, halos kalahati ng gusali ang nasasakupan nito.
Para sa pananaliksik at pag-aaral, dalawang silid na mayroong air-conditioning units ang nakalaan sa mga estudyante. Samantala, nahahati batay sa uri ng mga libro ang natitirang espasyo ng silid-aklatan
Noong una, pito lamang ang seksiyon ng aklatan: ang Physical and Biological Sciences, General Reference, Humanities, Social Sciences, Periodicals, Filipiniana, at Spanish. Hindi naglaon, naidagdag ang mga seksiyong Rare Books, Asian, Microfilms, at Religion noong 1968.
Sapagkat mangilan-ngilan lamang ang kasya sa silid-aklatan, lubhang mahirap bigyan ng kaukulang serbisyo ang mga mag-aaral. Isang libro lamang ang maaaring ipahiram kada estudyante sa kabila ng matinding pangangailangan. Gayunpaman, matatagpuan din sa mga piling kolehiyo ang ilan pang aklatan upang lubos na mapaglingkuran ang mga Tomasino at maiwasan ang pag-aagawan sa mga aklat.
Makikita ang mga angkop na sangay ng library sa mga gusali ng Faculty of Medicine and Surgery, Facultad de Derecho Civil, College of Commerce at Faculty of Arts and Letters, Faculty of Engineering at College of Architecture and Fine Arts, Graduate School, College of Nursing, Conservatory of Music, Faculty of Sacred Theology, UST High School, Education High School, Elementary School, at College of Education and Normal Schools.
Sa ngayon, wala nang maaaninag ni anumang bakas ng lumang silid-aklatan sa Main Bldg. Napalitan na ang dati nitong kinaroroonan ng mga tanggapan ng iba’t ibang kagawaran. Naglaho na rin ang ilang mga sangay sa bawat kolehiyo. Inilipat ang mga ito sa UST Central Library na pinasinayaan noong 1989. Naging mas makabago ang humalili sa lumang aklatan. Mayroon itong anim na maluluwag na palapag na pwedeng gamitin ng mas maraming estudyante.
Bagaman mayroon pang mga sangay na nananatili hanggang ngayon, mabibilang na lamang ang mga ito. Kabilang dito ang mga sangay sa Education High School, UST High School, UST Elementary School, sa Ecclesiatical Faculties Library, at sa College of Science at College of Nursing na kilala sa tawag na Health Sciences Library.
Dala rin ng makabagong teknolohiya, napalitan na ng Library Online Readers’ Network Zone (LORENZO) ang dating mga card catalogues. Hindi na mahihirapan sa paghanap ng mga aklat ang mga mag-aaral dahil na rin sa mga kompyuter sa bawat palapag. Maaari ring gamitin ang mga kompyuter para manaliksik sa internet.
Tomasalitaan: Samlang (pang-uri)—salaula; madumi
Halimbawa: Iwasang malublob ang mga paa sa baha sapagkat ang tubig nito ay masamlang.
Mga Sanggunian:
The Varsitarian (vol. 40)
UST Student Handbooks
The University of Santo Tomas in the Twentieth Century