MULA nang ipalabas ang Pinoy Big Brother (PBB) noong 2005, maraming mga Pilipinong manonood ang sumusubaybay sa buhay ng 12 kalahok na tumitira sa isang bahay sa loob ng 100 araw. Ngayong nasa ikalawang serye na ang tinatawag na “teleserye ng totoong buhay,” masasabi bang umaangkop nga ang palabas na hinango sa kanluraning konsepto sa kulturang Pilipino?
Unang lumabas ang Big Brother sa Netherlands noong 1999. Sa pamamagitan ng mga kamera, napapanood ng bawat tagasubaybay ang kanilang mga ginagawa at pinag-uusapan. Sa huling linggo ng pagpapalabas nito, bumoboto ang mga manonood sa pagitan ng apat na natirang kalahok, kung saan makakatanggap ang mananalo ng humigit-kumulang sa P6,000,000 premyo.
Hango sa nobelang 1984 ni George Orwell, nakikita ng pinunong tinatawag na “Big Brother” o “Kuya” ang lahat ng mga nangyayari sa isang pamayanan kung kaya may mga mga kamera ang bawat sulok ng bahay ng PBB. Kinuhang konsepto ng palabas ang hindi pagtago ng anuman ng mga housemates kay Kuya, mula sa mga pisikal na gawain gaya ng paggamit ng palikuran hanggang sa pagbubunyag ng mga saloobin ng mga kalahok gamit ang confession room.
Itinuturing na kontra sa karapatang pantao ang kawalan ng privacy ng mga kalahok at sa pagiging konserbatibo ng karamihan sa mga Pilipino. Bagaman mahilig ang mga Pilipinong pag-usapan ang mga personal na buhay ng iba, mahalaga pa rin sa atin ang privacy. Kabilang sa maliit na grupo ng mga liberal na Pilipino na handang “ipakita sa mundo” ang kani-kanilang mga buhay ang mga housemates na hindi talaga kumakatawan sa karamihan ng mga Pilipinong konserbatibo. Kaya nga pagiging “liberal” sa maraming bagay ang ilan sa mga tinatanong sa mga aplikanteng gustong makasama sa palabas.
Marami ring pinapagawa sa mga housemates na hindi naman kailangang gawin sa totoong buhay, tulad ng hindi pagbabawas sa loob ng ilang araw ng mga kalahok sa kasalukuyang serye.
Ayon na rin sa isang kalahok ng PBB Teen Edition na si Mike Lee, sa isang panayam sa Manila Standard Today, hindi totoong “teleserye ng totoong buhay” ang PBB. “Kailangang umarte ang mga kalahok sa paraang gusto ni Kuya o ng manonood,” aniya.
Marami ring eksena ang masamang halimbawa sa mga batang nanonood, lalo na kung hindi naipapaliwanag ng mga magulang sa kanilang mga anak ang ganitong mga eksena at situwasyon. Kasama dito ang eksena ng paghahalikan at sabay na pagligo ng magkasinatahang housemates. Hindi malayong isipin ng mga bata na karaniwang nangyayari sa buhay ang mga ginagawa ng mga housemates at maaari rin nila itong gawin. Sa katunayan, isinuspinde ng Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) noong 2005 ang pagpapalabas ng programa ng isang araw dahil sa pagpapakita nito ng mga maseselang eksena.
Ayon sa grupong Pro-Life Philippines sa unang serye ng PBB, “hindi katanggap-tanggap ang ilang gawain dahil hindi mag-asawa ang mga kalahok, at dahil dito nababaliwala ang relasyon ng dalawang taong kasal sa isa’t isa.”
Dagdag pa nila, nagbibigay ang palabas ng maling pagtingin sa mga kabataan hinggil sa sekswalidad. Halimbawa nito ang isang episode na kung saan pinag-usapan ng mga kalahok ang pambabaeng contraceptives at mga unang karanasan sa pakikipagtalik.
Ganoon din ang pagpapahayag ng pagmamahal ng isang lalaking kalahok sa kasama niyang babae kahit na may naiwang relasyon ang una sa labas. Nararapat bang mula sa isang palabas matutunan ng mga batang Pilipino ang tungkol sa mga bagay na ito?
Samantala, may ginagawa naman sa PBB na nagpapakita ng mga aral ng Pilipino na wala sa bersyon ng Big Brother sa ibang bansa. Kasama na ang pagkakaroon ng prayer room, pagdiriwang ng misa tuwing Linggo, at taimtim na pagdaraos ng Mahal na Araw na pinapakita ng pananampalataya sa kanilang buhay bilang mga Pilipino.
Makakatulong sa pagiging maka-Pilipino ang palabas kung magkakaroon pa ng masusing pagsusuri ng mga eksena bagi ito ipalabas at tanggalin ang ilang mga maseselang bahagi. Isaalang-alang sana ng mga taong nangangasiwa sa pagpapalabas ng PBB ang kanilang mga manonood dahil hindi angkop ang ilang mga aspekto nito sa kultura at sa mga tinuturing na kagandahang asal ng mga Pilipino. J. J. L. Ignacio