LUMABAS sa pagkukuro na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Faculty of Civil Law, Alliance of Concerned Thomasians (Act-Now), Legal Management Society, at mga partidong pulitikal na Lakas Tomasino at Alyansa ng Kristiyanong Lakas (Aklas), na walang iisang posisyon ang mga Tomasino.
Ayon kay Christer Gaudiano, presidente ng Lakas Tomasino, mahalaga na may paninindigan ang mga mag-aaral.
“Lahat tayo nagnanais ng pagbabago subalit bago sana tayo lumabas sa kalye at humingi ng pagbabago, baguhin muna natin ang ating mga sarili,” ani Gaudiano.
Mungkahi naman ni Glenn Romano, Secretary-General ng Act-Now, na kailangang kumilos at magsalita ang mga mag-aaral upang malaman ang katotohanan.
“Hindi lang tayo dapat mga miron kasi kinabukasan natin ang nakasalalay dito,” sabi ni Romano. “Kung ano man ang ating mga pinaniniwalaan, dapat (tayong) magsalita para (mapalabas) natin yung katotohanan.”
Subalit diniin ni Gemaine Pormento, kinatawan ng Aklas, kailangan ding makinig sa mga eksperto at magnilay-nilay sa mga pangyayari upang hindi madala sa “popular choice.”
“Kailangan natin magkaroon ng rason para mabigyang tuwid ang ating mga pinaniniwalaan,” aniya.
Samantala, sinabi ni Art Diaz ng Legal Management Society na dapat ding bigyang pansin ang mga positibong ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Macapagal-Arroyo at huwag lang puro batikos.
“Huwag tayong maging mapusok; tignan muna natin ang mga benepisyo na kayang ibigay ng administrasyon,” ani Diaz.
Iginiit naman ng isang propesor mula sa Faculty of Arts and Letters (Artlets) na ang pananaw ng tao ang tunay na problema ng bansa.
Ayon kay Edmund Tayao, propesor ng Political Science sa Artlets, importante ang pagtitiwala ng mga tao sa gobyerno.
“Kapag walang tiwala ang tao sa gobyerno at sa mga kinatawan nito, mahihirapan tayong sumunod sa mga nakapaloob dito,” ani Tayao, isang resource person sa pagpupulong.
Aniya kailangang kapulutan ng aral ang mga nangyayari sa ating bansa kung pagbabago ang ating ninanais.
Ang naturang pagpupulong na inorganisa ng Batas Tomasino noong Hulyo 22 ang unang pormal na pagtitipon ng mga estudyante upang ipahayag ang kanilang pananaw sa kasalukuyang estado ng bansa.