NAKAKAWILI pala’ang magpalipad ng saranggola. Sa unti-unting paghatak ng malakas na hangin, tila sumasayaw ang iba’t ibang mga klay at hugis nito sa kalangitan.

Ngunit mahirap pala’ng paliparin ito. Sabi ng iba, nasa hangin daw ang laban. Kung gaano ito kalakas, ganoon din daw kataas ang lipad ng saranggola. Pero para sa akin, hindi ko na pinapansin pa ang sabi-sabing iyon. Wala akong pakialam kung mahina ang hangin, basta ang mahalaga madala ko ang saranggola sa kalangitan.

Buong umaga ko itong hinahatak paitaas ngunit wala pa ring nangyari. Lagi na lamang itong nahuhulog sa lupa. Matagala akong pinagpawisan at may mga oras na talagang nawalan ako ng pag-asa. Titigil na sana ako nang napatingin ako sa langit at muling nakita ang iba pang makukulay na saranggola.

Nang tumagal, nakaangat na rin ang aking saranggola. Bukod sa hangin, natuklasan kong kinailangan din pala ang lakas ng loob upang makalipad ito kasama ng iba pang saranggola sa itaas. Nakalulungkot ding isiping tila giyera ang nangyayari sa may kalangitan. Bukod sa naglalabang hangin at puwersa mula sa saranggola, tila mga sundalong kung lumaban ang mga saranggola sa isa’t isa. Pataasan at pabonggahan ang isinisigaw ng mga ito sa bawat hampay ng kanilang mahahabang buntot.

Tulad ng inaasahan, maraming naghamon sa akin. Dahil sa pagpupursige, natalo ko ang karamihan. Bagaman baguhan, hindi ko akalaing may ibubuga rin pala ako. Mga putol na pisi na lang ang nakita kong bumabagsak sa lupa. Ang natirang nakalutang sa langit—dalawang saranggolang sumasaliw sa hampay ng bawat isa. Ngunit lingid sa kaalaman ko, kabilang din pala siya sa mga saranggolang nais pigilan ang paglipad ko sa minimithing langit.

READ
Ang Plaza de Santo Tomas sa Intramuros

Ngunit hindi rin ako lagging lumalaban. Alam kong di ko kakayanin ang labanan kaya mabilis kong hinahatak ang saranggola nang makaiwas sa pagkatatalo at kahihiyan.

Dumating sa puntong tila maliit na tuldok na lamang ang nakikita ko sa saranggola. Paubos na rin ang makapal na rolyo ng pising nakatali rito sa pag-akyat nito sa kalangitan. Napakalakas ng hangin sa oras na iyon. Tila sinisindak ng hangin ang saranggola ko; nanakot at nagbabadya. Pilit kong tinatangay ang bawat ikot ng makapal na rolyo ng pisi.

Hindi ko tuloy malaman ang gagawin sa pisi. Ang sakit isipin na sa lahat ng aking paghihirap at nalampasan, talunan din pala akong maituturing kung mapapatid ito.

Sa tunay na buhay, hindi ko alam kung dapat ba akong bumitaw o lumaban. Nakakapagod na kasi minsan ang pagsunod sa kalikasan kaya ginugusto kong bumigay na lang sa lakas nito. Ano rin ba naman ang kahalagahan ng paglaban kung alam kong matatalo rin ang saranggola ko sa huli?

Tulad ng lahat, dinadala ng munting saranggola an gating mga pangarap sa himpapawid. Kahit alanganin ang paglipad nito sa langit sa ngayon, ipagpapatuloy ko pa rin ang nais kong gawin at pipiliting matupad ang mga nais mangyari. May mga pagkakataong bigla na lang akong mawawalan ng tapang hanggang naiisipan kong tumigil, sumuko, at pabayaan ang lahat-lahat kahit na sinasabi ng iba na sayang.

Sayang na kung sayang, pero sa ngayon, magpapatalo na ko sa hangin na tumatangay sa aking saranggola. Masakit na ang pagbaon ng pisi sa aking kamay at unti-unti ko nang nararamdaman ang pagpatak ng dugo.

READ
First and last

Mahirap labanan ang mas malakas sa akin at nawawalan na rin ako ng dahilan para hawakan ang pisi ng saranggola. Gusto ko mang manatiling nakahawak, hindi ko rin kakayanin. Mas mabuti pang pakawalan ang isang bagay na pinaghirapan kaysa naman pabayaan kong bigyan ako nito ng kalungkutan.

Galit na ang hangin at malapit na akong bumitaw. Sayang man o hindi, kailangan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.