GAMIT ang molekular na datos, ipinakita ng isang mananaliksik ang mga katangian ng isang di-pangkaraniwang halaman sa isang seminar sa Thomas Aquinas Research Complex noong Agosto 30.
Sa “Pandaigdigang Pagkakaiba ng Mussaenda (Mussaendeae: Rubiaceae) hango sa Pananaliksik ng ITS at trnT-F ‘sequence data’”, ipinakita ni Dr. Grecebio Jonathan Alejandro ng Department of Biological Sciences sa College of Science na nagmula sa Africa ang Mussaenda, isang tropical na halamang namumulaklak na pinag-aralan niya sa iba’t ibang unibersidad sa Germany.
Sa ITS at trnT-F, mga makabagong paraan ng pag-aaral base sa molekular na datos, natuklasan ni Alejandro ang mga katangian ng halaman, na kalapit ng ibang halaman sa Africa, na makapagsasabi ng tunay nitong pinagmulan.
Samantala, sa “Mga Uri ng Nephentes sa Pilipinas,” tinalakay ni Prof. Rosie Madulid, chair ng Department of Biological Sciences, College of Science, ang 19 sa 89 na uri ng mga nephentes o pitcher plants, uri ng halamang nanghuhuli ng mga insekto, na matatagpuan lang sa bansa.
Gamit ang morpolohiya, ang pag-aaral sa istraktura ng isang halaman, bilang klasikal na paraan ng sistematikong pananaliksik, naipakita ni Madulid ang mga uri ng Nephentes at ang mga katangian nito na siyang angkop sa kalikasan ng Pilipinas.
“Matututunan sa panayam tulad nito ang kahalagahan ng ugnayan ng klasiko at modernong pag-aaral, maging ang pagkakaroon ng kaalaman sa iba pang aspeto ng mga halaman maliban sa kung ano ang nakikita natin, at maging ang kaalaman na walang dalawang organismo ang eksaktong magkapareho,” ani Madulid. Laurence John R. Morales