SINASABING bahagi ng ugaling Pilipino ang pagiging masayahin sa gitna ng matinding kalungkutan at sandamukal na problema.
Ngunit para sa akin, hindi dahilan ang pagiging Pinoy kaya parati pa rin akong masaya kahit malungkot o problemado na ang iba. Sadyang hindi lang ako likas na emosyonal.
Noong nakaraang linggo, nagpunta ako at aking mga kaklase sa Bataan para sa aming huling bakasyon bago ang pagtatapos ng aming pagsasama sa kolehiyo,
Nanikip ang dibdib at sinipon ang karamihan ng aking mga kaklase sa kakaiyak at kahahagulgol, habang ako ay tuyong-tuyo pa rin ang mata at tahimik lamang na nakaupo’t nakikinig sa kanilang pagninilay-nilay.
Hindi sa nababaduyan ako sa ginagawa nila; hindi ko lang talaga makuhang malungkot. Sa katunayan, napag-isip-isip ko pa ngang ako ang baduy dahil hindi ako nakikisali sa kanilang pag-aalala ng mga nakaraan. Imbis na isipin ko ang aming mga masayang pinagsamahan, mas naisip ko pa ang mga natambak kong gawain sa aming pag-uwi.
Ilang beses na akong nasabihang manhid at walang pakialam dahil sa aking hindi pagiging emosyonal. Marami na ang nainis sa akin, anila sarili ko lamang daw ang iniisip ko.
Hindi ko naman gusto at sinasadyang bastusin ang pakiramdam ng ibang tao, hindi ko lang talaga makuhang makisimpatiya at maramdaman ang dapat maramdaman sa mga panahon ng kalungkutan at pagdadalamhati. Minsan iniisip ko na lang na dulot ito ng paniniwala ko na may mga bagay talagang sadyang nangyayari.
Nagtataka at naiinggit din ang iba dahil tila wala raw ako parating problema. Kapag nagkakaroon ng mga nagbabahagi ng problema sa aming magkakaibigan, ako ang laging walang sinasabi, hindi dahil sa wala, ngunit dahil hindi ako yung tipo ng tao na sasabihin ang problema niya sa iba. Mas pinipili ko itong kupkupin at itago na lamang sa dulo ng aking damdamin.
Parati ko rin kasing iniisip na daragdag lang ang mga problema ko sa mga pinoproblema ng iba kapag sinabi ko ang mga ito sa kanila. Naniniwala rin ako na wala namang saysay ang pag-iyak o pagmukmok sapagkat hindi na nito mababago o maibabalik kung ano ang mga nangyari na.
Sa totoo, kung naiinggit sa akin ang iba dahil sa aking laging masayang disposisyon, doble ang pagkainggit ko sa kanila dahil naipapakita at nailalabas nila ang kanilang tunay na nararamdaman. May mga pagkakataong hinihiling ko na sana mas naging emosyonal ako. Kung puwede lang talagang makipagpalit ng tear glands.
Gustuhin ko mang maiyak katulad ng pag-iyak ng iba, hindi ito madaling gawin para sa kalagayan ko. Naiiyak lamang ako kapag marami akong nakikitang umiiyak, kaya’t hindi ko pa rin masasabing pagpapakita iyon ng aking tunay na emosyon. Tila nanghiram lang ako ng emosyon ng iba.
Tulad nga ng kasabihan, hindi pagpapakita ng kahinaan ng pagkatao ang pagiging emosyonal. Sa katunayan, pagpapakita ito ng katapangan at lakas ng loob na ihayag sa mundo ang tunay na nararamdaman. Isang bagay na hindi madaling gawin para sa iba.
Hindi dapat ikahiya ng ilan—Pilipino man o hindi—ang kanilang pagiging emosyonal. Dahil lingid sa kanilang kaalaman, may ibang tao na naiinggit sa kanila. Ibang tao na iniisip kung kailan muling papatak ang kanilang luha na dulot ng tunay at hindi hiram na emosyon.