NAGING masaya ba ang taong 2006 para sa mga Pilipino?

Hindi maikakaila ang pagkadismaya ng marami sa takbo ng pamumuhay sa bansa kung babanggitin ang ilang mga hindi kanais-nais na mga pangyayaring naganap sa nagdaang 11 na buwan tulad ng dayaan sa board exams ng Narsing noong Hunyo, ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino sa isyu ng Charter Change, ang “Wowowee” stampede na kumitil ng 74 buhay, ang mga nasalanta ng bagyong Milenyo at Reming, at ilan pa.

Madaling maalala at banggitin ang mga ito dahil nailatag sa mga front pages ng mga iba’t-ibang pahayagan ang lahat ng mga balitang nabanggit. Ngunit kung tatanungin mo ang iyong katabi ngayon kung ano ang mga nangyaring maganda ngayong taon para sa bansa, mauuna niyang banggitin muna siguro ang pagkapanalo ni Manny Pacquiao, susundan ng dalawa o tatlo pang naisip na iba, at mauubusan na siya ng masasabi pagkatapos.

Sabihin na nating nakalimutan na niya ang mga nangyari nang mga nakaraang buwan, ngunit malaki rin ang posibilidad na hindi nagbabasa ng diyaryo o maalam sa balita ang tinanungan mo.

Sino ba ang makakaalala o makakapansin sa mga estudyante ng First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH), isang maliit na eskwelahan sa syudad ng Tanauan sa Batangas, na nagwagi kamakailan lamang sa 2006 World Robot Olympiad na ginanap noong Nobyembre sa China? Nanaig ang Pilipinas sa 20 bansa na lumahok sa timpalak tulad ng Russia, Singapore at Japan na kilala sa kanilang makabagong teknolohiya.

Sino nga ba ang nakakaalala na umangat ang halaga ng piso laban sa dolyar ngayong taon matapos ang limang taon? Kumawala ito sa P50 na barikada sa pagkatapos ng limang taon.

READ
Let them see cake

Agaran na ring ipinapatupad ni Pangulong Arroyo ngayong Disyembre ang Senate Bill (SB) No. 1745 at ang kaakibat nito na House Bill 3315, o ang Human Rights Victims Compensation Act, kung saan mabibigyan ng bayad-pinsala ang mga naging biktima ng human rights violation noong panahon ni Marcos.

May mga ilang estudyante ang nagbabasa ng diyaryo—ngunit front page (o sports page lamang). Kaya nga’t walang saysay ang pagod ng ating mga guro na turuan tayong maging mapanuri sa mga pangyayaring humuhubog sa ating bansa kung hindi natin sinusuri at iniintindi ang mga pangyayari sa atin.

Ngayon, naging masaya nga ba ang taong 2006 para sa atin? Mauunawaan lamang natin ang sagot kung bubuklatin pa natin ang mga diyaryo ng mas madalas at mababalitaan pa ang mga ibang istorya gaya ng mga estudyante ng FAITH.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.