ISANG Tomasino ang muling inatasan ni Pangulong Macapagal-Arroyo upang maging bagong hepe ng media relations sa Malacañang.
Pinalitan ni Isabel De Leon, A.B. Journalism alumna at dating news writer ng Varsitarian, si Carmen “Ching” Suva, isa ring Tomasino, na muling babalik sa pagsusulat sa Manila Bulletin bilang senior reporter matapos siyang magretiro noong Hulyo.
Pawang nagpalit lamang ang dalawa ng posisyon dahil isa ring senior writer si De Leon sa nasabing pahayagan.
“But it will be hard to fill Ma’am Ching’s shoes. She’s already an institution in Malacañang,” sabi niya.
Ayon kay De Leon, ang kanyang karanasan bilang Malacañang reporter ang naging basehan ng Pangulo kung bakit siya nailuklok sa kanyang kasalukuyang posisyon.
Naging assistant presidential spokesperson siya ni Pangulong Macapagal-Arroyo noong 2001. Nagsilbi rin si De Leon bilang deputy presidential spokesperson mula 2001 hanggang Hulyo 2004 sa ilalim ni Rigoberto Tiglao na dating presidential spokesperson. Dahil sa kanyang bagong posisyon, isa na siyang undersecreteary o pangalawang kalihim.
Nagsulat si De Leon sa Manila Bulletin mula 1986 bilang isang police reporter. Noong 1992, naging beat reporter sa Malacañang hanggang 2001.
Malaki rin ang naitulong ng kanyang pagiging Tomasino sa kanyang trabaho, ayon kay De Leon.
“Being a Thomasian and being a former Varsitarian staffer molded me into the person I am now,” aniya.
Wala pang mga kongkretong plano si De Leon bilang bagong undersecretary, ngunit sinabi niyang tinutuloy niya ang paraang mapalapit lalo ang administrasyon sa publiko.
“Basically, our job is to take care of the media people and feed them with information about the admi0nistration,” ani De Leon. “We want the President to be more accessible to the media people and to the public.”
Nagturo rin siya sa Faculty of Arts and Letters ng News Writing at Press Ethics and Libel Laws mula 1994 hanggang 2002.
Naging punong patnugot naman si De Leon ng The Flame, ang opisyal na student publication ng Faculty of Arts and Letters, mula 1984 hanggang 1986, at kasama siya sa mga nagtatag ng The Journalese, ang newsletter ng UST Journalism Society.
Ngunit bilang presidential appointee, hindi tiyak ang haba ng termino ni De Leon bilang undersecretary.
Bukod kina De Leon at Suva, maraming Tomasino na ang nanilbihan bilang undersecretary ng naturang opisina, tulad nina dating Senador Francisco Tatad at Diego Cagahastian, kapwa dating manunulat sa Varsitarian.