KINILALA ang isang Tomasinong manunulat bilang best coverage reporter sa larangan ng business journalism.
Pinarangalan ng Economic Journalists Association of the Philippines at Globe Telecom si Felipe Salvosa, manunulat ng Business World at dating punong patnugot ng Varsitarian noong ika-29 ng Setyembre, para sa kanyang natatanging pag-uulat ukol sa Department of Trade and Industry (DTI).
Nakatunggali ni Salvosa ang apat pang manunulat ng mga kilalang pahayagan sa bansa na kapwa nagsumite ng 30 published articles tungkol sa DTI. Ang mga lathalaing ito ang naging basehan ng mga hurado.
Ayon kay Salvosa, isa sa mga nakapagpanalo sa kanya ang kumpletong suporta ng kanilang mga patnugot sa Business World.
“We have the complete support of the desk,” ani Salvosa, na nagtuturo rin sa Faculty of Arts and Letters. “We don’t have sacred cows, we can write whatever we want.”
Sa isang taon na pagsusulat ni Salvosa sa beat na DTI, sinabi niya na hindi kailangang puno ng numero ang isang lathalain sa business. Ayon sa kanya, importante lamang na isulat sa simpleng salita ang lathalain upang mas maintindihan ang mga ito ng mga mambabasa.
Sinabi rin ni Salvosa na dapat maging masipag sa pangangalap ng impormasyon ang isang manunulat at huwag lamang dumepende sa press release.
“As much as possible, you must be able to get more value added to your own story so that when your story comes out in the newspaper the next day, your story is much more well crafted than those of your competitors,” sabi ni Salvosa.
Bukod sa karangalan, sinabi ni Salvosa, na nagtapos ng AB Economics, cum laude, at M.A. Economics sa UST, na nagbibigay din ng kagalakan ang pagkilala sa kanya.
“(The award) gives (me) a sense of satisfaction because (my) work is recognized not only by (my) peers but also by experts who read the newspapers,” ani Salvosa. April Dawn Jennifer C. Adriatico