“Sa loob nating lahat ay may isang maliit na tao. Ang maliit na taong ito ang laging gustong pumunta sa likod, ang laging gustong makakita ng magic, ang mahilig sa mga misteryo at kabaliwan.” – Ricardo Lee, Trip to Quiapo

PABOR man o hindi ang marami, tuloy pa rin ang bridge program ng Department of Education.

Dinagsa na ang mga paaralan ng mga magulang na nagmamakaawa para sa kanilang mga anak. Wala rin namang magawa ang mga guro sapagkat direktiba ito ng nakatataas.

Kung susuriin ang walang katapusang usapan, hindi naman kasi ito ang sagot sa lumalalang krisis sa edukasyon.

Marami kasi sa mga guro, sumasahod nang hindi man lamang ginagampanan ang sinumpaang tungkulin kaya’t nakaaawa ang mga batang umaasa sa kanilang mga pangalawang magulang. Sa obserbasyon ko sa loob ng pitong taong pag-aaral sa isang pampublikong paaralan, masipag lamang sila kung may bisitang darating at magsusuri sa sitwasyon ng paaralan. Masuwerte naman ang mga nasa unang seksiyon dahil sila lamang ang nabibigyan ng pokus.

Nasa mga guro bilang pundasyon ng pag-aaral ang suliranin sa edukasyon, malaman lamang sana nila ang kanilang mahalagang responsibilidad para sa bayan at para sa lipunan.

Kahit ilang beses pang mag-bridge program ang mga mag-aaral, wala ring mangyayari habang paubos na nang paubos ang mga dedikadong guro na magpupuno ng kaalaman ng mga “pag-asa ng kinabukasan”.

Sino kaya ang dapat mag-bridge program?

* * *

Sa katatapos na “Tinig-Kabataan II: Pagtitipon ng mga Kabataan, Pagtalakay sa mga Isyung Panlipunan” na idinaos sa Bulacan, isang karangalan para sa akin ang maging isang speaker kasama ng ilan pang youth leaders.

READ
University reinforces Portuguese links

Naglabasan sa nasabing talakayan ang mga suliraning patuloy na bumabagabag sa lipunan ngayon, kasama na ang mga problema sa moralidad, ispiritwal, edukasyon, pulitika, at marami pang iba.

Hindi matatapos sa usapin lamang ang mga isyu. Kailangan ng pagkilos upang sugpuin ang mga kalaban, at ipakita sa lahat ang magagawa ng mga kabataang tulad natin. At higit sa lahat, iparinig ang ating mga pinagsama-samang “tinig” na magtatayong muli ng nawasak na istraktura ng lipunan.

* * *

Hindi pa man natatapos ang taon, nagsisipaghanda na ang mga pulitikong sasabak sa halalan ng 2007. Kitang-kita na ang kanilang mga paghahanda na tila panahon na naman ng “pabanguhan” at “pasikatan”.

Sa lalawigan pa lamang namin, punong-puno na ng balita ang mga pahayagan na halatang isinasabong na ang mga pulitikong may mga nakatagong balak.

Unahin muna sana ang paglilingkod sa bayan bago ang pansariling kapakanan. Huwag naman sanang mauwi sa lukbutan ang pondong nakalaan para sa proyektong pangkaunlaran. Malayo pa ang laban.

* * *

Natapos na ang kumulang dalawang buwan ng paglalayag ng mga youth ambassadors ng Ship for South East Asian Youth Program (SSEAYP). Kahit hindi ako kabilang sa programa, nag-iwan ito ng alaalang hindi kailanman malilimutan.

Nagpapasalamat ako sa aking naging kaibigan na si Kimlee Sreang, participating youth ng Cambodia para sa SSEAYP, para sa kaalaman ng pamumuno lalo na tungkol sa kaligayahan ng isang tao. Dahil sa iyo, maraming nagbago sa sarili ko.

Huwag kang mag-alala. Balang-araw, magkikita rin tayo at pagsisikapan kong makapasok sa SSEAYP tulad ng pangako ko sa iyo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.