Pagkawala ng búhay ng mga wika, sagipin, buháyin

0
10818

TAON-TAON ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika sa ating bansa. Iba’t ibang paraan ng pagkilala sa wikang Filipino ang ginagawa. Ngunit lingid yata sa kaalaman ng iilan ang katotohanang hindi lamang iisang wika ang dapat ipagdiwang tuwing Agosto.

Isang pamanang pangkultura o intangible heritage ang wika–isang kayamanan. At ayon sa Atlas ng mga Wika ng Filipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), naitalang mayroong 130 na katutubong wika sa bansa. Nakalulungkot lang na ilan dito ay nanganganib nang mawala.

Sa datos ng KWF, limang wikang katutubo na ang maituturing na patay: Inagta Isarog ng Camarines Sur; Ayta Tayabas ng Tayabas, Quezon; Katabaga ng Bondoc Peninsula, Quezon; Agta Sorsogon ng Prieto Diaz, Sorsogon; at Agta Villa Viciosa ng Abra.

Apat sa mga wikang katutubo sa bansa ang sinasalita na lamang ng higit sa 100 katao: Arta ng Nagtipunan, Quirino na 11 na lamang ang nagsasalita; Inata ng Cadiz, Negros Occidental na mayroon na lamang 30 na nagsasalita; Inagta Iraya ng Buhi, Camarines Sur na 113 na lamang ang nagsasalita; at Ayta Ambalá ng Subic, Zambales na 125 na lamang ang nagsasalita.

Mayroon pang higit sa 10 mga wikang katutubo sa bansa ang nanganganib mamatay.
Hindi na dapat pang itanong ang dahilan ng pagkamatay ng mga wika dahil simple lamang ang sagot dito–hindi na ito binibigyang-pansin. Sa madaling salita, hindi na napangangalagaan ang mga yamang ito.

Pero dapat maunawaan ng lahat na mayroon pang magagawa upang masagip ang mga wikang ito. Kaugnay rito ang ilang programa na isinasagawa ng KWF upang mailigtas ang mga wika sa panganib na pagkamatay.

Una, ang “Lingguwistikong Etnograpiya ng Filipinas” na isang proyektong pagdodokumento ng iba’t ibang aspekto ng wika. Pangalawa, ang “Bantayog-Wika” na pagdadambana ng mga wika sa mga lugar upang maipakita ang pagbibigay-halaga sa yamang ito. Pangatlo, ang “Bahay-Wika” kung saan tinuturuan ang mga batang nasa edad 2-4 na taon ng mga magulang upang maisalin ang sinasalitang wika.

Ilan lamang ito sa mga pagsisikap upang mapangalagaan ang mga wika. Marahil, maraming hindi nakaaalam na may mga ganitong proyektong isinasagawa para sa mga wika. O baka naman, marami ang walang pakialam sa pagkamatay ng mga wika.

Hindi dahil nakasaad sa Konstitusyon na ang Komisyon ang dapat na magsikap na pangalagaan ang mga wika sa bansa ay pababayaan na lamang natin na sila lamang ang kumilos. Sa katunayan, hindi naman ganoon karami ang kasapi ng KWF. Hindi sapat ang kanilang bilang upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga wika sa bansa.

Ayon na mismo kay Virgilio Almario, sa mga tao magsisimula ang pag-unlad ng mga wika. Walang silbi ang mga proyekto na kanilang isinasagawa kung ang mismong ang mga taong nagsasalita ng mga wikang ito ang hindi nakikiisa.

Hindi rin naman maitatago na may mga bumabatikos sa mga proyektong isinasagawa ng Komisyon. Hindi naman talaga maiiwasan ang pagtatalo sa wika–usaping politikal man o kultura. Pero, kung sa tingin ng ilan ay hindi epektibo at progresibo ang mga hakbang na ginagawa, mas mainam siguro kung magbibigay sila ng suhestiyon para sa problema at hindi lang puro negatibong salita.

Sa kahit ano naman kasing pagsubok ng bansa, hindi mawawala ang iba’t ibang opinyon kaya nagkakaroon ng pagkakahati sa mga ideya. Isang resulta nito ang pagkakawatak-watak ng mga tao. At hindi ito dayuhan sa usapin sa wika.

Pero ayon kay Almario, sa kaniyang Ulat sa Estado ng Wika ngayong taon, dapat maunawaan ng lahat na ang wikang Filipino ay hindi lamang nakabatay sa iisang wikang katutubo bagkus sa iba’t ibang wika sa bansa.

Isa ring wikang katutubo ang wikang Filipino.

Kahit iba’t ibang wika ang sinasalita ng bawat kapuluan sa Filipinas, hindi dapat mawala sa atin na isa tayong bansa at hindi dahilan ang pagkakaiba sa wika para hindi magkaisa.

Huwag na sana nating paabutin na madagdagan pa ang mga wikang namamatay o nanganganib. Magsimula na sana sa ating ang inisyatiba para ito ay mapangalagaan. Alisin na rin ang diskriminasyon sa wika. Magsaliksik, makialam, at magsalita.

Ang panganganib sa mga wika ay hindi lamang sa bansa kung hindi pati na rin sa buong mundo. Kaya idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) ang taong ito bilang International Year of Indigenious Languages. Sa pagdiriwang na ito, matatak sana sa kaisipan ng bawat isa ang seryosong usapin sa pagkamatay ng mga wika.

Hindi lang sana sa buwan ng Agosto makita ang pagtangkilik sa wikang pambansa at iba pang wika sa bansa. Huwag sanang umabot sa punto na pagluluksa sa mga wikang namatay ang maging usapin sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Taon-taon tayong nagdiriwang ng buwan ng wika. Taon-taon din sana tayong magpahalaga sa lahat ng wika na hindi lang natatapos sa Buwan ng Wika.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.