IPINAGDIRIWANG ng Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) ngayong Marso ang ikalawang taon nang pagkakatatag nito, sa pamamagitan ng pagdaraos ng kauna-unahang Linggo ng IPEA na ginanap mula Marso 4 hanggang 9.

Bilang pagkilala sa mga naiambag nito sa Unibersidad, sinubukang balikan ng Varsitarian ang maikling kasaysayan ng musmos na institusyon.

Ayon kay Prop. Rogelio Obusan, in-house editor ng Publishing House, higit na nabigyang halaga ang programang pampalakasan ng UST sa ilalim ng pamamahala ni Rektor P. Juan Labrador, O.P.

Noong 1965, ipinagdiwang ng Rektor ang ika-354 na anibersaryo ng Unibersidad kasama bilang isa sa kanyang mga panauhing pandangal ang tanyag na Tomasinong boksingero na si Arsenio Lacson na nang lumao’y naging alkalde ng Maynila.

Ang naturang pangyayari at ang ipinamalas na pagpapahalaga ni P. Labrador sa mga usaping pampalakasan tulad ng basketball, softball, at swimming sa kanyang termino ang higit na nagpalapit sa kanya sa mga Tomasino.

At makalipas ang 36 na taon, kasabay ng pagbabago ng ilang kagawaran at kolehiyo sa Unibersidad, ang Departamento ng PE ay humakbang rin tungo sa isang mahalagang pagbabago.

Dahil sa iisa lamang ang namumuno sa kagawaran ng palakasan sa UST, maraming suliranin ang umusbong. May ilang nagsasabi na masyadong pinagtutuunan ng pansin ang mga programa para sa mga manlalaro ng Unibersidad kung ikukumpara sa araling physical education (PE).

At bilang tugon sa mga problemang ito, binuo sa pangunguna ng dating Punong-guro ng UST Pay High School na si P. Emerito De Sagon, O.P ang IPEA.

Ayon kay P. de Sagon dahil sa pagkakatatag ng institusyon, higit na napagtuunan ng pansin ang dalawang mahalagang bagay¾ang araling PE ng mga mag-aaral sa ilalim ni Prop. Felicitas Francisco at mga proyektong pampalakasan, partikular para sa mga manlalaro ng UST na pinamumunuan naman ni Prop. Felix Michael Silbor.

READ
Cyber-teaching

Itinatakda ng programang pang-manlalaro ng institusyon na kukuha ng mga araling kinakailangan para sa unang dalawang taon sa IPEA ang mga manlalaro na nasa unang taon pa lamang ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

At dahil sa ipinapamalas na kahusayan mula pa sa pagkakatatag nito, naniniwala ang direktor nitong si P. de Sagon sa posibilidad na umangat ang antas nito at tuluyang maging Kolehiyo sa mga susunod na taon, katulad ng nangyari College of Human Kinetics ng Unibersidad ng Pilipinas na departamento lamang noon.

“Soon we may be able to offer such courses as Bachelor in Sports Managament or Sports Psychology. It’ still up in the air but we will study about the courses we can offer,” ani ni P. De Sagon.

Noon po sa amin

Kung isports ng mga unibersidad sa Kamaynilaan ang pag-uusapan, marahil dalawang samahan ang agad na maiisip ninuman–ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at ang National College Athletics Association (NCAA.)

At dahil hiwalay ang sistema ng bawat isa, naging kapana-panabik para sa mga mag-aaral ng mga kasaping kolehiyo’t unibersidad ng UAAP at NCAA ang pagtatagpo ng mga ito noong Disyembre 1968.

Sa ginanap na “best-of-three dream series” sa Loyola Center sa Quezon City naglaban ang mga piling manlalaro ng dalawang samahan kung saan kabilang sa koponan ng UAAP ang mga Tomasinong sina Virgilio Abarrientos, Lawrence Mumar, Maximo Laurel at Gorge Lizares.

Naging mainit ang labanan matapos makahabol ang koponan ng NCAA sa ikalawang bahagi ng laro sa kartang 99-89. Ngunit hindi hinayaang ng UAAP na makaungos ang katunggali.

READ
Thomasian scientist wins Asian prize

Sa sunod-sunod na puntos ng mga Tomasinong sina Laurel at Lizares sa huling bahagi ng laro, nakopa ng UAAP ang kampyonato laban sa NCAA.

Tomasino Siya

Hindi matatawaran ang kontribusyon ng mga Tomasino sa larangan ng Parmasya at isa na rito si Teresita Nalagan-Tumangan.

Isinilang sa Maynila noong Disyembre 4, 1935, nagtapos bilang cum laude si Tumangan ng Bachelor of Science in Pharmacy sa UST noong 1955. Nakapagtapos din siya ng kursong Medical Technology sa UST noong 1967. Habang kumukuha siya ng non-academic Louie Allen management course, natamo niya na may markang meritissimus ang kanyang master’s degree sa Pharmacy mula sa UST noong 1972. Nakakuha rin siya ng ilang yunit sa doctorate degree ng Industrial Pharmacy sa Unibersidad ng Pilipinas.

Sa loob ng 20 taon, nagturo si Tumangan sa Unibersidad at naging isa siya sa mga senior researcher sa Unibersidad. Naging direktor din siya ng Quality Assurance and Development ng Winthrop-Stearns Inc. sa Amerika mula 1976 hanggang 1981, kung saan hinirang siya bilang pinakamahusay na direktor.

Sa pagkakatuklas niya ng microorganism-paecylomyces fussiporous-producing antibiotics, natanggap niya ang kauna-unahang PMA-Abbott Research Award para sa “Novalichin, an Antifungal Antibiotic” mula sa UST Research Center.

Sa pangunguna niya, naitayo ang product development division ng Sterling Drug International sa Pilipinas.

Bukod sa pagtuturo at pananaliksik, naging aktibo rin si Tumangan sa iba’t ibang propesyonal at sibikong samahan. Naging pangulo siya ng Hospital Overload Philippines, ingat-yaman ng Lingard International, at direktor ng Philippine Society for Quality Control.

Naging pangulo rin siya ng Quezon City Jayceerettes, pinuno ng Ladies Auxiliary Brigade, at pangalawang pangulo ng UST Faculty of Pharmacy Alumni Association.

READ
Breaking the real score about Santa Claus

Noong 1981, pinarangalan siya ng UST Alumni Association bilang isa sa mga natatanging miyembro nito at napabilang rin siya sa Talaang Pandangal. Bukod dito, hinirang din si Tumangan bilang Outstanding Pharmacy Alumna ng UST at natamo rin niya ang Achievement Award mula sa QC Jayceerettes.

Sa kasalukuyan tumatayo si Tumangan bilang chairman of the board at chief executive officer ng MACET Inc. sa Pilipinas. Nangungunang distributor ang MACET ng mga gamot at iba pang suplay pangkalusugan sa mga pamahalaang lokal ng bansa.

Tomasalitaan:

Patno (Pangngalan) – karampatang parusa; ganti sa ginawang masama

May nakalaang patno sa sinumang susuway sa alituntunin ng kanilang samahan.

Mga sanggunian:

Thomasian Who’s Who 1982

Prop. Rogelio Obusan, In-house editor. UST Publishing House.

The Varsitarian. A Smashing Year One. Special Sports Supplement. Marso 24, 2001.

The Varsitarian. UAAP routs NCAA. Tomo 40, Blg. 19. Disyembre 10, 1968. Rose A. Jabeguero at Dexter R. Matilla

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.