INIHALAL ang ilang Tomasino bilang miyembro ng executive council ng Pambansang Lupon sa Wika at Salin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura (NCLT-NCCA) para sa taong 2020 hanggang 2022.
Tatayong pinuno si Michael Coroza na isang premyadong makata at dating patnugot ng Filipino ng Varsitarian.
Si Coroza rin ang tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.
Naihalal naman bilang kalihim si Alvin Ringgo Reyes na tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad.
Kalihim din siya ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF).
Ayon kay Reyes, isa sa mga pinagpaplanuhan ng komite ang paggawa ng source book tungkol sa pag-aaral pangwika at pagsasalin.
Mananatili namang miyembro sa ikalawang termino si Imelda de Castro na dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad. Isa rin siyang associate researcher sa National Research Council of the Philippines.
Inihalal din na miyembro ng executive council si Jonathan Geronimo na guro sa UST Senior High School. Bahagi siya ng lupon ng direktor ng PSLLF at kasaping tagapagtatag ng Tanggol Wika.
Mahalaga ang papel ng NCLT sa alinmang kategorya ng pagsasalin, pagsasaliksik at pagtataguyod ng Wikang Filipino. Ito rin ang komite na nangunguna sa pagpapalaganap ng komprehensibong programa sa wika at pagsasalin sa bansa.