AYON sa datos, 12 porsiyento ng bilang sa buong bansa ay nagsisiksikan sa Metro Manila. Kulang pa sa 3 porsiyento ng kabuuang 205,000 km na road systems sa buong bansa ang nasa Metro Manila, ngunit halos 30 na bahagdan ng mga sasakyan sa buong bansa ay nakarehistro rito. Dito pa lamang ay makikita na ang bigat ng problemang pantrapiko sa Metro Manila—malaking bilang ng mga mamamayan, malaking bilang ng mga sasakyan, at hindi sapat na daan para sa lahat ng ito.

Sa isang pag-aaral ng National Center for Transportation Studies (NCTS) noong Hunyo lamang, nakasaad na sa loob ng sampung taon, aabot sa P1.513 trilyon ang nasasayang sa pagkaipit ng mga mamamayan sa trapiko sa Metro Manila. Umaabot sa P4.212 bilyon ang halaga ng gasolinang nasusunog sa trapiko taun-taon, samantalang nasa P137.519 bilyon ang halaga ng oras na nasasayang na dapat sana ay nagugugol sa pagtatrabaho. Ang mga numerong ito, dagdag pa ng araw-araw na daing ng mga motoristang naiipit sa usad-pagong na trapiko ang ilan sa mga konsiderasyon sa pagpapatupad ng bus ban sa lungsod ng Maynila sa bisa ng Resolution No. 48 noong ika-16 ng Hulyo.

Ayon sa alkalde ng lungsod na si dating pangulong Joseph Estrada, ang pagregula sa pagpasok ng mga city at provincial buses, at pagbabawal sa mga bus na walang terminal sa Maynila ang nakikitang solusyon ng konseho upang maibsan ang mabigat na trapiko sa lungsod. Ipinagbabawal din ng resolusyon ang pagsasakay at pagbababa ng pasahero kung saan-saan. Ang mga ito ay maaari lamang sa mga nakatakdang terminal.

READ
Habi ng pag-ibig

Sa kabila ng magandang intensyon ng alkalde, batikos ang inabot ng pagbabawal ng mga bus sa lungsod ng Maynila mula sa mga apektadong commuters, mga bus operators at kalapit-lungsod.

Sa loob lamang ng 30 minuto, humigit-kumulang na 40 na mga bus ang naharang sa pagpasok sa Maynila sa unang araw ng implementasyon ng ban noong ika-23 ng Hulyo. Libu-libong commuters, karamihan ay estudyante mula Quezon City, ang napilitang bumaba sa Welcome Rotonda at mag-abang ng masasakyan sa España Boulevard. Nagdulot din ng matinding pagsisikip ng trapiko sa ilang bahagi ng Quezon City ang ipinatupad na ban.

Sa kabi-kabilang reklamong natanggap ukol sa ipinatupad na ban, nararapat lamang na suriin ang tunay na ugat ng problema na nagtulak sa pagpasa ng resolusyon na ito.

Sa pagsisiyasat na isinagawa ng lokal na pamahalaan, natuklasan na nasa isang libo ang mga bus na bumabagtas sa Maynila samantalang 166 lamang sa mga ito ang may terminal sa lungsod. Kinukwestiyon din ni Vice-Mayor Isko Moreno kung tugma ba ang dami ng bus sa bilang ng mga prangkisang ibinigay ng LTFRB sa Maynila.

Nagbigay-daan ito sa pagka-buko ng mga pandarayang ginagawa ng mga operator sa kanilang mga prangkisa, partikular sa pag-gamit ng kanilang prangkisa sa hindi naaayong linya.

Nakakatawa na lamang isipin na kung sino pa ang may pinakamalakas na “aray,” siya pa ang dahilan ng problema sa bandang huli.

Tuluyan pa nating himayin ang problema sa sistema.

Sa kabila ng pag-anunsiyo ng suporta ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa ipinatupad na bus ban sa lungsod ng Maynila, kinatigan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang mga bus operators, na ayon kay Moreno ay maaaring “colorum” o ilegal din naman.

READ
Pag-alala kay Arturo Tolentino

Ang pagtutol ng LTFRB sa ban ay pagpapakita lamang ng pagsuporta nito sa anumalyang ginagawa ng mga operators. Dahil kung tutuusin, ang LTFRB ang may mandating kontrolin ang mga transport groups na pinangangasiwaan nito sa Maynila, isang bagay na hindi nito nagagawa.

Sa halip na tumutol ay dapat pa ngang magpasalamat ang LTFRB sa ginawang aksiyon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pag-ganap sa tungkulin ng regulatory board.

Nagbigay-daan ang ban upang masala ang mga bus sa Maynila, at muling mabuksan ang usapin sa mga butas ng sistema.

Kinakailangan na ng LTFRB na gumawa ng agarang solusyon upang panagutin ang mga sumusuway sa kanilang mga itinakdang alituntunin.

Ang pagpapatupad ng ban na ito ay isang maliit na parte lamang ng malakihang pagbabago na nakikita ng bagong pamunuan ng lungsod para Maynila. Ang mga pagbabago at pagsasaayos na ito ay napapanahon lamang, lalo’t may mga panukalang ilipat na ang kabisera ng bansa, marahil dahil na rin sa ilang taong kapabayaan sa lungsod na nagdulot ng pagkasira nito. Napakadali tuloy makalimutan na ang minsan itong tinaguriang “Paris of the East.

Nawa ay kasabay ng mga pagbabagong ito ang pagbabago na din natin sa ating mga maling gawain, maging motorista man o commuter. May karapatan ang mga mamamayan na makinabang sa mga daan na nailatag dahil sa mga buwis na kanilang binabayaran. Sa bandang huli, silang mga nagbayad ng buwis para mai-latag ang mga daan na ito ang tunay na hari ng kalsada.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.