NAKAHAIN na ang mga tungkulin, gawain, at hangarin para sa kinabukasan ng Unibersidad bago pa man umupo bilang ika-94 na rektor ng UST si Padre Ernesto Arceo, O.P. Hindi biro ang mga salik na ito sapagkat sa pagsasaganap sa mga ito, nakasalalay ang inaasahang pagkakamit ng UST ng pinapangarap nitong maging isa sa mga pinakatampok na unibersidad sa Asya pagpasok ng taong 2011.

Matatandaang sa installation rites ni Padre Arceo, noong Nobyembre ng nakaraang taon, malinaw niyang binanggit sa kanyang pambungad na pananalita na sisimulan niya ang pagtataguyod ng mga adhikaing nakasentro sa academic at moral excellence. Matapos lamang ang ilang buwan ng pamumuno bilang rektor ng Unibersidad, marahan ngunit maraming pagbabago ang naisakatuparan ni Padre Arceo sa kanyang pamamalakad sa UST.

Isa sa mga pangunahing agenda ng termino ni Padre Arceo ang patuloy na pagpapahusay sa academic performance ng Unibersidad. Tinutukoy rito ang pagpapanatili ng mataas na antas ng UST sa mga licensure examinations at ang pagpapayabong sa mga programang may antas na Center of Excellence (COE) at Center of Development (COD).

Ngayong taon, nagtala ng sunod-sunod na matataas na passing rate ang UST sa mga board examinations tulad ng sa Narsing (98%), Pharmacy (91%), Arkitektura (72%), at Nutrisyon (80%). Kumpara noong isang taon, halatang nagpapakita ng malaking pag-unlad sa pagkuha ng pagsusulit para sa lisensya ang UST.

Maraming hamon ang kumakaharap sa bagong rektor. Isa na rito ang pagpapatuloy ng mga programa sa UST na nahirang nang COE at COD. Naglalayon ang Commission on Higher Education na magdeklara uli ng mga COE and COD kung kayat ang dating nang programa ng UST na COE at COD — tulad ng Panitikan, Pilosopiya, Musika, Fine Arts, Arkitektura, Narsing, Medisina, at Kemistriya (pawang mga COE) at ng Biolohiya (COD) — ay kailangang kumaharap uli sa bagong pagsusubok. Karamihan naman ng mga programa ng UST ang kasalukuyang sinusuri ng mga accreditors na magbibigay ng resulta sa Setyembre.

READ
Lupang pinako

Kasama rin sa mga dapat bigyang pansin ni Padre Arceo ang pagpapa-ibayo ng kultura ng pananaliksik sa Unibersidad. Bago nanungkulan si Padre Arceo bilang rektor, bumaba ang bilang ng mga proyektong pinondohan para sa pananaliksik mula 200 hanggang 161 noong 2005. Hindi maaaring talikuran ni Padre Arceo ang responsibilidad na palalimin pa lalo ang kultura ng pananaliksik sa Unibersidad ngayon pang nananalo sa mga patimpalak ang mga saliksik na galing sa UST at pati na rin ang mga aklat na nalimbag ng UST Publishing House.

Bilang tugon rito, pinag-aaralan ni Padre Arceo ang katangian ng mga research universities sa Asya tulad ng sa Taiwan. Sa nakaraang taon, 98 porsyento ng 123 gurong mananaliksik sa UST ang may masteral at doctorate degrees at 53 research works ang nailathala ng Unibersidad sa lokal at internasyonal na peer-reviewed journals. Nakatutuwa ring isipin na naging bahagi sa pag-akda ng mga ito ang mga mahuhusay at matatalinong estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo.

Malaking hamon din kay Padre Arceo ang patuloy na paglaki ng populasyon ng mga mag-aaral sa Unibersidad. Sa nakaraang entrance examinations, humigit kumulang sa 40,000 libong nagtapos ng mataas na paaralan ang gustong makapasok sa Unibersidad. Ngunit dahil sa kakulangan ng silid-aralan, kasangkapan, at iba pang salik, kinailangang salain ang dami ng mga aplikante sa 10,000.

Masusing pinag-aaralan ni Padre Arceo kung paano mas epektibong magagamit ang yaman at kakayahan ng Unibersidad sa pagpapalawig ng bilang ng mga imprastrakturang makatutulong sa pagtataas ng kalidad ng edukasyon. Sa ngayon, halos lahat ng mga silid-aralan sa buong Unibersidad ay mga multi-media rooms na, at halos lahat rin ng mga kolehiyo ay mayroon ng mga audio-visual rooms. Pinaigting din ang Internet services sa UST kasama na rin ang paghahatid ng wi-fi technology sa loob ng kampus. Inaaabangan na rin ang pagsisimula sa konstruksyon ng isang mas pinalawak at mas modernong multi-purpose gym ngayong Oktubre.

READ
Students join initiative vs 'pork'

Higit na mahalaga sa lahat ng mga tungkulin ni Padre Arceo ang pangangalaga sa magandang reputasyon ng Unibersidad bilang isang Katolikong institusyon at tagapagtaguyod ng Kristyanong moralidad at kagandahang-asal. Sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga gawain ng Institute of Religion at Campus Ministry tulad ng outreach projects, recollections, at youth conventions, naipapakita ni Padre Arceo ang kanyang kapasiyahan sa sarili sa pagtupad sa nakaatang na misyon sa kanya na pag-ibayuhin ang paghahatid ng UST ng maka-diyos na uri ng edukasyon.

Sa kabuuan, masasabing kapuri-puri ang naging panimulang taon para kay Padre Arceo bilang pinuno at patriarko ng UST. Kung tutuusin, marami pang panahong bubunuin sa posisyon si Padre Arceo at marami pang bagay ang kailangang pagtuunan niya. Mahalagang ibigay ng komunidad ang lahat ng uri ng suportang kaya nilang ibahagi sa rektor dahil ang lakabayin patungo sa inaasam na estado ng pangkalahatang tagumpay ay may kahabaan pa at malaki ang maitutulong ng lahat ng Tomasino sa pagsungkit nito.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.