BAGAMAT may mga bumabatikos sa pagtatag ng Truth Commission upang siyasatin ang mga paratang laban kay Pangulong Macapagal-Arroyo, idiniin pa rin ng mga Obispo na isa itong paraan upang ituwid ang krisis pulitika sa bansa.

Lalo pang kailangan ang katotohanan ngayong lumantad si Michelangelo Zuce, dating empleyado sa Palasyo at pamangkin ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano. Di-umanong nakita ni Zuce na namigay ng pera mula sa jueteng ang Pangulo sa mga opisyal ng Comelec noong Enero 2004 upang dayain nila ang eleksyon ngunit tinanggihan ng Palasyo ang paratang.

Sinabi ni Bishop Deogracias Iniguez, obispo ng Kalookan at pinuno ng public affairs ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na kailangan ng paglilinaw sa mga isyu na kinakaharap ng Pangulo.

“It seems that she’s skirting the truth,” sabi ni Iniguez, ukol sa panukala ng Pangulo na baguhin ang Saligang-Batas habang nagsasawalang-kibo siya sa mga akusasyon. Nagpanukala ang Pangulo ng pagbabago ng Saligang-Batas sa state of the nation address niya noong Hulyo 25.

Subalit mismong mga kalaban sa pulitika ng Pangulo ang gumugulo sa tao, dagdag ni Iniguez.

“Aakusahan siya ng pandaraya ng mga kalaban ngunit sasabihin ng kanyang mga kakampi na hindi ito totoo,” ani Iniguez. “Hindi maaring magpatuloy ito dahil nalilito na ang tao.”

Isa lamang ang truth commission sa mga minungkahi ng CBCP upang ituwid ang krisis. Sinabi rin nito na hindi lihis sa Saligang Batas o sa Bibliya ang impeachment at pagbibitiw ng Pangulo.

Subalit sa kanilang pastoral letter noong Hulyo 9, hindi hiniling ng CBCP ang pagbibitiw ng Pangulo. Inulit ito ni Archbishop Fernando Capalla, arsobispo ng Davao at pangulo ng CBCP, kamakailan.

READ
General education courses standardized

“We are supposed to be moral guides, not kingmakers or kingbashers,” ani Capalla sa Philippine Daily Inquirer noong Agosto 3.

Sabi ni Capalla na nais niyang magkaroon ng “national reconciliation” kaya maari siyang mamagitan sa mga magkakatunggali sa pulitika. “If they want a retreat together, I can conduct it for them,” aniya.

Hindi sumang-ayon si UST Rektor P. Tamerlana Lana, O.P., na ang Malacañang ang magdesisyon sa pagbubuo ng truth commission.

“Hindi sana siya (ang Pangulo) ang pipili (mga kasapi),” ani Lana. “Sana ang CBCP na lang ang magmungkahi ng mga taong may integridad.”

Hindi sumang-ayon ang UST sa tawag na pagbitiwin ang Pangulo sa isang pahayag noong Hulyo 8. Bagkus, hiniling ng UST ang pagtatatag ng truth commission upang siyasatin ang mga paratang at parusahan ang mga nagkasala. Ipinaliwanag ng UST na kailangan ng isang independent truth commission dahil puno ng pulitika at kaguluhan ang imbestigasyon sa Kongreso. “There is a need to depolitize truth and truth-seeking,” sabi ng UST.

Umani ng mga kakampi ang Unibersidad sa pagtawag sa pagbuo ng isang truth commission. Kabilang dito ang CBCP at Bishops-Business Conference.

Mga hindi sang-ayon

Taktika lamang ng administrasyon ang pagtatatag ng Truth Commission upang ilayo ang usapin sa pinagmulan ng krisis-pulitika, ayon sa coordinator for Social Sciences ng Faculty of Arts and Letters.

“Ngayon, mas pinag-uusapan na ang truth commission at pag-aamiyenda ng Saligang Batas, kaysa sa wiretapped conversations,” sabi ni Reynald Trillana, propesor ng Political Science.

Samantala, ayon kay dating Court of Appeals Justice Oswaldo Agcaoili, walang batayan sa Saligang Batas ang pagtatayo ng isang truth commission. Idinagdag pa niya na walang judicial power ang komisyon.

READ
Pagkakaisa ng relihiyon at agham

“Hindi maitupad ang mga rekomendasyon sa komite,” ani Agcaoili, propesor sa Political Law sa Faculty of Civil Law. Bagkus, hindi ilegal ang pagtatatag ng komisyon, sabi niya.

Sa isang panayam sa Inquirer, ipinaliwanag ni Vice-Rector for Academic Affairs Dr. Armando de Jesus ang posisyon ng Unibersidad, na aniya’y kumakatawan sa sentimyento ng middle class, kung saan kabilang ang karamihan sa 32,000 estudyante ng UST.

“Kadalasang silent majority ang middle class kaya dapat pakinggan ang kanilang sentimyento,” ani De Jesus, isang sosyolohista. “Mas maraming mawawala sa kanila. Ayon sa kasaysayan, kung saan tumungo ang middle class, doon tutungo ang bansa.”

Sinabi ni Agcaoili na dapat mangibabaw ang batas sa lahat ng panahon.

“Maari lamang matanggal ang Pangulo sa pamamagitan ng konstitutional na paraan,” aniya. “The President can either be impeached or succeeded by the Vice-President in case she resigns.”

Samantala, payo ni Trillana na sumailalim ang Pangulo sa impeachment at antayin na lang ang mga mangyayari mula doon.

Pumayag ang Pangulong Macapagal-Arroyo sa pagbuo ng truth commission kamakailan alinsunod sa rekomendasyon ng CBCP ngunit inulan ng batikos ang Malacañang mula sa iba’t ibang sektor at sa oposisyon.

Sinabi ng Pangulo, sa kauna-unahang press conference niya mula noong lumabas ang wiretapped conversations sa publiko, na inihahanda pa ng kanyang mga tauhan ang kautusang administratibo na bubuo sa truth commission.

Inihayag din ni Ignacio Bunye, tagapagsalita ng Pangulo, na kukuha ng basbas ang kautusan sa Kongreso upang pagtibayin pa ang kapangyarihan ng komisyon.

Samantala, tinawag ng pangulo ng militanteng Akbayan Citizens’ Action Party na “moot at academic” ang pagbuo ng komisyon sa isang forum noong Hulyo 21 sa Thomas Aquinas Research Center.

READ
Thomasian virtuosos play for the children of Concordia

Ayon kay Ronald Llamas, maganda ang intensyon ng pagbuo ng Truth Commision ngunit hindi ito ang agarang solusyon sa krisis-pulitika na kinakaharap ng bansa.

“Alam na natin ang katotohanan, ang usapin ngayon ay kung ano ang gagawin natin sa katotohanan na ‘yan,” aniya.

Dagdag pa ni Llamas, lantad na sa publiko ang katotohanan tungkol sa “Garci Tapes” nang maglahad si Presidente Arroyo ng televised apology noong Hunyo 6.

Isinaad naman ni Prop. Randy David, kolumnista ng Philippine Daily Inquirer, ang naging karanasan ng apartheid government ng South Africa sa pagbuo ng isang truth commission. Nilayon ng komisyon ang pagbabalik ng dignidad ng mga mamamayan matapos pabagsakin ang apartheid government.

“Kinakailangan ang katotohanan upang remedyuhan ang mga sugat na tinamo ng civil society,” aniya. “Ngunit binuo ang komisyon matapos ang krisis.”

Sinabi naman ni Llamas na mahalaga na maintindihan ng mga tao, lalo na ng mga kabataan, ang kanilang karapatang politikal.

“Nawawalan ng respeto ang kabataan sa pulitika,” ani Llamas. “Akala nila ang pulitika ay kumakatawan sa mga pulitikong meron ang bansa.” Edsel Van D.T Dura, Miko L. Morelos, at Czeriza Shenille S. Valencia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.