MAS MAIINTINDIHAN na ng mga Filipinong mambabasa ang mga naging kilalang “Young Adult Fiction (YA)” na mga nobela na nasa wikang Ingles sa pamamagitan ng pagsasalin nito sa wikang Filipino.
Noong 2012, unang inilathala ang lokal na bersyon ng Twilight na pinamagatang Takipsilim ng Precious Pages Corporation (PPC), ang naglimbag ng mga kilalang nobelang na pangkaraniwang tungkol sa mga kuwentong pag-ibig. Ang naturang libro ay isinalin ni Armine Rhea Mendoza, isa sa mga manunulat ng kumpanya.
Sa panulat ni Stephen Mayer, unang lumabas ang Twilight sa publiko noong 2005. Umiikot ang kuwento tungkol sa pagmamahalan nina Bella Swan, isang tao, at ni Edward Cullen, isang bampira. Ang nobela ay ang pinakaunang libro sa Twilight Saga. Ang ginawang pelikulang nagsabuhay sa kuwento ang naging hudyat ng pagsikat ng mga akda ni Mayer.
Hindi nagtagal, inilathala rin ng PPC ang lokal na salin ng New Moon, ikalawa sa mga seryeng nobela ni Mayer, na pinamagatang Bagong Buwan.
Ayon kay Segundo Matias Jr., pangulo ng PPC, dalawang taon pinag-isipan ng kumpanya kung kanilang ilalathala ang Takipsilim dahil marami na ang nakabasa ng mga librong ito sa orihinal nitong teksto. Ngunit ang popularidad din ng mga librong ito ang nagtulak sa kumpanya na ilimbag ang pagsasalin ng Twilight at New Moon.
“Madaling maipagbibili ang mga librong ito. Ang mga nobelang ito ay nagawan na ng ‘adapted films’ kaya nga naman mas madaling maiintindihan ng mga taong nais basahin ang mga ito,” ani Matias.
Samantala, inilabas din ang ilan pang mga nobelang isinalin sa wikang Filipino tulad ng The Hunger Games, isa pang sikat na seryeng isinulat naman ni Suzanne Collins.
Ang seryeng ito, na isinapelikula hindi kalaunan, ay tungkol kay Katniss Everdeen, naging kalahok sa isang paligsahan kung saan 24 na mga kasali ay dapat nasa 12 hanggang 18 na taong gulang. Upang manalo sa kumpetisyon ay dapat magpatayan ang mga manlalaro hanggang isa na lamang ang matitira. Nailabas din ang lokal na edisyon ng dalawa pang sunod na libro sa serye ni Collins, ang Catching Fire at Mockingjay.
Maliban pa rito, naglabas rin ang kumpanya ng iba pang mga nobelang isinalin sa wikang Filipino tulad ng mga naging kilalang akda nina Nicholas Sparks, Danielle Steele, Nora Roberts at Sidney Sheldon.
Pinakabago sa mga inilabas na pagsasalin ang Harry Potter and the Sorcerer’s Stone, ang unang libro sa serye ni J. K. Rowling na tumatalakay sa mga paglalakbay ng batang wizard na si Harry Potter sa Hogwarts, isang eskuwelahang nagtuturo ng mahika.
Ibinebenta ang mga naisaling libro sa halos kalahating presyo ng orihinal na librong nasa wikang Ingles sa mga tindahan ng libro.
Para kay Romula Baquiran, tagapangulo ng Filipinas Institute of Translation at isa ring manunulat, ang pangkariniwang ginagamit ang “pop translation” sa pagsasalin ng mga naturang YA ng mga nobela dahil ang mga naturang libro ay mas tinatangkilik ng mga kabataang mambabasa.
Ang pop translation ay ang paggamit ng wikang di-pormal, isang antas ng wikang madalas ginagamit. May mga salitang nanatiling nasa wikang banyaga upang mas maunawaan ng mga mambabasa.
“'Young romantic love, adult sexual lives o fantasy ay sapat na motivation para bumili ng medyo mura at maganda namang produkto,” ani Baquiran. “Mayroong din namang naipakitang bahagi sa mga imahinasyon ng mga Pilipino sa mga kuwento ng Twilight at (Fifty) Shades of Grey. Ipinipresenta rin itong mga kuwento sa wika na malapit sa kanila: Filipino na may paminsan-minsang budbod ng Taglish.”
Sinabi ni Matias na nakatatangap din siya ng mga papuri mula sa mga mamimili, dahil mas naiintindihan na daw nila ang mga librong dating mabibili lamang sa Ingles. Ngunit hindi naman ito nawawalan ng mga kritiko, lalo na sa mga social networking sites.
“May mga kritiko, oo, pero hindi ko naman sila pinapansin hanggang sa nakapaglalabas kami ng mga dekalidad na mga libro,” ani Matias.
Para naman kay Baquiran, kahit may ilang pagkakamali sa paggamit ng ilang mga idiyoma, maayos naman sa kabuuan ang mga pagsasalin. Aniya, hindi naman siya nababahala na masasapawan ang lokal na panitikan sa pagulpot ng mga pagsasaling ito.
“Ang lokal na panitikan ang nakakaimpluwensiya sa dayuhang panitkan sapagkat iniaakma ng mga negosyante ang kanilang mga produksyon ng mga mga libro base sa istilo ng lokal na pagsasalin. Ibig sabihin, pinag-aaralan ng mga kumapnya ang literary tradition ng mambabasa at naka-highlight ito sa kanilang pinipiling uri ng mambabasa,” ani Baquiran.
“Hindi makakapasok ang salin kapag masyadong ‘foreign’ ang dating. May overlapping sa istilo ng pagsusulat at ang magkahawig ang makapapasok sa repertoire of competencies ng mambabasang Filipino na siyang dahilan ng kanilang pagbili sa libro. In other words, walang masyadong epekto ang isinaling libro, in a literary way,” dagdag pa niya.
Wikang Kastila
Bukod sa mga popular na libro, naisalin na rin ang ilan sa mga aklat sa wikang Kastila.
Isa na rito ang Like Water for Chocolate, ang unang nobela ni Laura Esquivel.
Unang inilimbag sa Mexico noong 1992 at pinamagatang Como Agua Para Chocolate, ang nobela ay umiikot sa hinahadlangang pag-iibigan nina Tita de la Garza at Pedro bunga ng tradisyong hindi maaaring mag-asawa ang mga bunsong babae dahil sila ang dapat mangalaga sa kanilang ina hanggang sa ito’y mamatay.
Unang isinalin sa Ingles ang nobela ni Esquivel noong 1995, at isinapelikula din noong 1992.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang paglilimbag ng mga klasikong nobela. Ayon kay Matias, ilalathala din nila sa mga susunod na buwan ang One Hundred Years of Solitude (Cien Años de Soledad) ni Gabriel Garcia Marquez at The House of the Spirits (La Casa de los Sspiritus”) ni Isabel Allende. John Joseph G. Basijan