MAHALAGA ang gampanin ng mga rehiyonal na panitikan sa pagpapayabong ng pambansang panitikan.
Ito ang naging sentro ng talakayan sa idinaos na taunang pambansang kumperensiya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) na pinamagatang “Rehiyonal na Panitikan bilang Pambansang Panitikan” noong ika-28, 29, at 30 ng Agosto sa Communication Auditorium ng College of Mass Communication, University of the Philippines (UP) – Diliman.
Pagsasalaysay ni Rosario Lucero, propesor ng Filipino sa UP, nagsimula ang muling pagkabuhay ng interes sa rehiyonal na panitikan sa pangangailangan ng mga mag-aaral ng panitikang Filipino na bumabalik pa sa kanikanilang mga probinsiya upang humagilap ng mga lumang teksto at akda.
“Naghanap sila sa mga baul ng mga akda kaya naman sumibol ang mga mananaliksik ng kultura at wika mula sa iba’t ibang rehiyon,” aniya.
Matatandaang umiral ang panitikang Ingles sa bansa hanggang sa mga huling taon ng dekada ’60 kaya naman napilitan ang mga mag-aaral noon ng panitikan na saliksikin ang kanikanilang mga sariling rehiyon para sa mga akdang tila nabaon sa limot nang dumating sa bansa ang panitikang banyaga.
Dagdag pa rito, naging malaking bahagi ang pagkakaroon ng Wikang Pambansa sa pag-usbong ng diwang makabayan ng mga Filipino na siya namang naging sanhi ng paglulunsad ng Philippine Studies.
Ayon kay Lucero, malaki ang naitulong ng pagtuklas ng mga manunulat sa mga rehiyonal na panitikan na siyang bumubuo sa malaking bahagi ng identidad ng bansa. Dahil dito, hindi na nakakulong ang mga Filipino sa Formalistikong paraan ng pagsusuri na tumutukoy sa nilalaman, kaanyuan o kayarian at paraan ng pagkakasulat ng akda. Nagsimulang maudyok ang mga mag-aaral na gumawa ng teorya at metodolohiya ng pagsusuri mula mismo sa mga akda, imbis na lapatan ito ng mga teorya na galing sa iba.
“Sa pagbabago ng kahulugan ng Wikang Pambansa, bumukas ang mas marahas, mas malikhaing paraan ng pagsusuri sa panitikang rehiyonal. Ang premaryang akdang pangrehiyonal ang naging batis ng metodolohiya ng pagsusuri,” ani Lucero.
Binanggit na halimbawa ni Lucero ang disertasyon ni Alvin Yapan, propesor ng Filipino sa Ateneo de Manila, na hinggil sa pagsusuri sa panitikang rehiyonal na may salin sa wikang Filipino.
Sa disertasyon ni Yapan, ginamit niya ang mga salin sa Filipino sa pagsusuri ng panitikang rehiyonal upang tukuyin ang dalumat at espasyo sa kontemporaneong panitikang Filipino na nag-ugat sa katutubong panitikan.
Pinabulaanan sa naturang disertasyon ang paratang na ang pagkamalilimutin ng mga katutubo ang sanhi ng paguulit-ulit sa epiko. Sinadya ito ng mga ninuno at isang uri ito ng kanilang paraan sa pagsusulat.
Pagbibigay diin ni Lucero, hindi na mahalaga kung paulit-ulit at magkakahawig ang balangkas ng panitikan mula sa iba’t ibang rehiyon. Ang higit na dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagpapayabong ng mga ito.
“Ang mga manunulat sa kani-kanilang rehiyon ay walang pananagutan. Sila ang may karapatang pumili kung ano ang kanilang isusulat, paano nila isusulat, saan sila susulat at lalo na sa anong wika sila magsusulat. Hayaan natin sila sa kanilang kalayaan,” aniya.
Ayon naman kay Joseph Salazar, tagapangulo ng Kagawarang ng Filipino sa Ateneo, ang didaktisismo—isang partikular na pilosopiya sa sining at panitikan na nagbibigay-diin sa ideya na ang iba’t ibang porma ng huli ay naglalayong makapagbigay ng impormasyon at katuwaan—ang salik na matagal nang nanggugulo at matagal pang manggugulo sa anumang pagtatangka ng tradisyong kritikal dito sa Filipinas.
Gayong malayo na ang narating ng ating panitikan na matagal nang kumakatha ng subersibong salita sa pagbubuo ng kamalayang pambansa, patuloy naman tayong minumulto ng didaktisismo—isang sining, agham, o pamamaraan ng pagtuturo.
“Patuloy ang pagpapatibay ng didaktisismo bilang salik sa tradisyong kritikal dito sa Filipinas ngunit ang didaktisismo ay hindi lamang isang puwersa na tumutukoy sa nakaraan ngunit mahalaga ring salik na nagpapalabnaw sa isang kolektibong kamalayan upang tanggapin ang kaniyang kawalan ng kapangyarihan,” ani Salazar.
Rehiyonal na panitikan sa mga pelikula
Binigyang-pansin din sa kumperensiya ang kaugnayan ng panitikan sa pelikula, maparehiyonal man o pambansa.
Ani Michael Coroza, associate professor sa Ateneo at kalihim pangkalahatan ng UMPIL: “[ang pelikula] marahil ang pinakapaboritong anyo ng sining ng maraming kabataan [sa panahon ngayon] kaya napakahalagang pag-usapan ang paksang ito.”
Paliwanag niya, marami sa mga manlilikha ng pelikula ang may paglingunang ginagawa sa mga teksto ng ating panitikan kaya posibleng ang huli ay nadadala na nila sa larangan ng pelikula.
Bagaman hindi na nalalayo ang pelikulang rural sa pelikulang lungsod sa pagtatagpo ng kanilang biswal na elemento, nananatiling magkasalungat ang dalawa.
Para naman kay John Iremil Teodoro, propesor ng Filipino sa Miriam College, nakatutulong ang mga pelikulang rehiyonal sa pagsusulong ng paggamit ng mga rehiyonal na wika.
“Ang mga pelikula mula sa mga rehiyon ay maaaring maging behikulo upang mag-ambag ang mga rehiyonal na wika sa pagbuo ng isang tunay na pambansang wikang Filipino,” aniya.