IBA MAN ang mundong ginalawan ni Santo Domingo, nananatili
siyang modelo ng payak ngunit mayabong na buhay-Kristiyano. Itinatag niya ang
pandaigdigang Order of Preachers (OP) na hanggang ngayon ay may malawak na
gampanin sa Simbahang Katolika, lalo na sa larangan ng edukasyon.
Isinilang si Santo Domingo de Guzman sa Caleruega, sa lumang
kahariang Kastila, taong 1170. Nagtapos siya sa Unibersidad ng Palencia at di naglaon
ay naging pari sa Katedral ng Osma. Noong 1203 ay isinama siya ng obispo ng Osma
sa isang misyong diplomatiko.
Sa bahaging timog ng bansang France ay nakita niya ang
masamang epekto ng heresiyang ikinalat ng sektang Albigenses — na nagturo na
ang pisikal mundo ay ubod ng sama at dahil dito’y si Kristo ay ‘di nagkaroon ng
katawang tao. Taliwas ito sa turo ng Simbahan na si Kristo ay Diyos na
nagkatawang-tao.
Upang labanan ang mga maling aral, itinatag niya ang Orden
ng mga Tagapangaral na binubuo ng mga paring prayle, madre, at laiko.
Inaprubahan ito ng Santo Papa Honorio III nuong 1216. Ikinalat ni Santo Domingo
ang kaniyang mga tagapangaral sa buong Europa simula 1217.
Sa kaniyang pangangaral, nakita niyang mabisa ang ehemplo ng
karukhaan sa kabila ng karangyaan na ipinakita ng ibang mga kleriko nuong
kaniyang kapanahunan. Naglakad siyang nakapaa upang mangaral sa mga bayan at
masiglang nakipagdebate sa mga kalaban. Sinasabing nakapagpagaling siya ng mga
maysakit at bumuhay ng mga patay.
Namatay si Santo Domingo noong Agosto 6, 1221, sa Bologna,
Italya. Sumunod sa yapak ni Santo Domingo ang mga santo ng Orden gaya nina Santo Tomas de Aquino at Santa Catalina de Sena. Kilala ngayon ng mga miyembro ng
tanyag na Orden bilang mga “Dominiko.”
Unang dumating ang mga anak ni Santo Domingo sa bansang
Pilipinas nuong Hulyo 20, 1587. Itinatag nila ang Unibersidad ng Santo Tomas,
ang pinakamatanda sa Asya, noong 1611.
Ipagdiriwang ng Orden ang ika-800 taong anibersaryo nito sa
2016.
(Litrato mula sa Wikimedia)