GALIT ako sa mga eroplano. Pinaparamdam ng mga ito na napakalayo ng mga lugar sa isa’t isa kahit na ang lahat ay nasa ilalim ng iisang langit. Kaya kapag nakakakita ako nito, sinisipol ko na lang ang sikat na kanta ni John Denver tungkol sa mga eroplano.
Subalit hindi lamang ako ang naiinis sa mga bakal na ibon na ito, kundi pati ang aking kaibigan. Pinapaalala kasi nito sa amin kung paano nasira ang relasyon ng aming mga pamilya. Ito ang dahilan kung bakit hindi kami naniniwala sa long distance relationship.
Dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa, nagkahiwalay ang mga magulang ng aking kaibigan. Kakauwi lamang ng kanyang tatay galing Japan nang biglang may kumatok sa bahay nila at nagsisigaw sa labas nang “Reynald-san! Reynald-san!” Malas lang talaga at ‘yung tipong nang-aalam ng address at naghahabol ng customer kapag nabuntis pala ang napili ng tatay niya. Wedding anniversary pa man din ng mga magulang niya noong araw na ‘yun. Sa kaso ko naman, ang relasyon ko sa aking ama ang nasira nito. Isang OFW sa Dubai ang aking tatay at dahil dito ay hindi kami naging malapit sa isa’t isa. Nagsimula ito noong hindi ako sinipot ni ‘tay para sa boy scout awarding ceremony. Lahat ng kaibigan ko ay nilagyan na ng badge ng kanilang mga tatay samantalang ako, si ate lang ang kasama. Sayang at best scout pa man din ako noon na talagang pinaghirapan kong makamit. Ganoon din noong graduation ko sa elementary at pati sa high school. Lagi siyang wala noong nanganagilangan ako ng ama.
Subalit ngayon, may mas importante pa akong dahilan kung bakit ayaw ko sa mga eroplano: hindi pa rin ako sinasagot ng aking kaibigan kahit halos dalawang taon ko na siyang nililigawan! Lilipat na raw ang pamilya niya sa ibang bansa matapos niyang magkolehiyo. Pero kahit alam ko na ito, naniniwala pa rin ako na kaya kong baguhin ang isip niya, kung gagamitin ko lang ang mga tamang diskarte.
* * *
Makinis na mukha, kulot at mahabang buhok, bilugang mga mata, pranka, palatawa, at higit sa lahat, palangiti – iyan ang aking matalik na kaibigan. Kaya naman kahit parang naghahamon ng away ang mukha ko ay hindi ko maiwasang magustuhan siya.
Pareho kasi kami ng daan pauwi. At kahit minsan lang kami makapag-usap, pinapaganda niya lagi ang araw ko. Kung kaya bago matapos ang araw, pakiramdam ko lagi akong lumulutang sa ere.
Matatandaan ko pa noong hindi pa kami gaanong kalapit sa isa’t isa, naglalagay ako ng mga post-it notes sa upuan niya na may nakasulat na mga love quotes tuwing umaga, imbes na mag-aral ako para sa pagsusulit namin sa Algebra. Halimbawa: “Gaano man kataas ang lipad ng isang eroplano, babagsak at babagsak din ito. Sana ganoon ka rin sa akin.” Nakita niya ito at napangiti ng kaunti at matapos ay aarte na parang walang nangyari. Dahil sa may pagkatorpe ako, wala na akong maipakitang mukha sa kanya matapos ng klase. Nabansagang “Don Jologs” tuloy ako ng aking mga kaibigan dahil dito. Ngunit ng lumayon, naumay rin siya sa ganitong klaseng taktika kaya naisipan kong magpalit ng plano.
Kung dati ay Chocnut at lanzones ang pinapansuyo ng mga nanliligaw, sa kaso ko naman ay mamahaling Chupachups. Sa kasamaang palad, dahil naniniwala sa kasabihang all for one and one for all ang kanyang barkada, kinailangan ko rin bigyan ang pito pa niyang kaibigan na naging dahilan ng pagkain ko sa mga karinderya tuwing tanghalian. Ngunit dahil dito ay nagawa kong gawing kasabwat ang ilan sa mga kaibigan niya bilang mga tracking device at mga adviser ko para makuha ko ang mga kinakailangan kong impormasyon tungkol sa kanya. Iyon nga lang hindi ko pala ito maasahan. Noong minsan, napagkasunduan namin ng isa niyang kaibigan na kunwari ay mapapadaan ako sa kinakainan ng barkada nila at aalukin ako ng isa niyang kaibigan. Subalit huli na nang malaman kong tinaguan ako ng dapat sana ay kasabwat ko matapos ng nasabing insidente. Tinext niya ako na napag-utusan lang rin daw siyang iligaw ako. Subalit hindi pa rin ako sumuko.
Kinulit ko lalo siya sa text. Kinakamusta ko siya kahit tatlong oras ko pa lang siyang hindi nakikita. Tinanong ko kung kumain na ba siya, anong kinain niya, anong ginagawa niya, sinong kasama niya at kung nasaan ba siya. Minsan nagre-reply, kadalasan hindi. Isang araw nalaman kong nagpalit pala siya ng network, at dalawang linggo na pala akong huli sa balita.
Dumating ang Disyembre. Binigyan ko pa siya ng malaking teddy bear at mga rosas noong Christmas Party namin na tinanggap naman niya. Pagkatapos ng party, biglang kumatok ang isa sa mga prof na kaibigan ng aking nililigawan. Nagpasalamat ang prof sa aming klase dahil binigyan raw siya ng malaking stuff toy galing sa Blue Magic. Gumuho ang mundo ko noon. Naghanap ako ng alak noong gabing ‘yun subalit sinabi ko lamang sa aking sarili na hindi ako susuko.
Minsan, sumugod pa ako sa abot-tuhod na baha pabalik ng klasrum namin para lang kunin ang Hola Amigos! ko para maibigay sa kanya. Nalaman ko kasing nawala ang kanya at kailangan niya ito bukas. Hindi kasi nagpapapasok ang aming La Maestra ng mga estudyante na wala ang librong ito, kaya naman pumunta pa ako sa dorm niya at ibinigay ang “libro ng kakilala ko.”
Malugod niya akong pinasalamatan at nilibre sa isang fast food chain pagkatapos niya itong kunin sa akin. At sa unang pagkakataon nakapag-usap kami ng matagal habang isinasawsaw ko ang aking libreng fries sa aking sundae. Kinabukasan, absent ako dahil ako naman ang walang libro.
Medyo gumaan na ang loob niya sa akin magmula noon. Subalit hanggang ngayon ay magkaibigan lang kami. Okay na muna ‘yun. Pero nitong nakaraan, pakiramdam ko ay lalo akong nagiging mas malapitsa kanya.
* * *
Friday the 13th kahapon, anibersaryo ng paghihiwalay ng mga magulang niya. Kung kaya bilang pampalubag-loob, nagbakasakali akong imbitahan siyang maglakad sa parke ngayong Single Awareness Day, at sa nakapagtatakang pangyayari ay agad-agad siyang pumayag. Ito na kaya ang hinihintay ko? Malapit ko na kaya marating ang langit?
Sa pagkakaalala ko, naisip namin na huwag na lang tawaging Valentine’s Day ang araw na ito dahil, una, hindi namin kilala kung sino si Valentine, at pangalawa, sa tingin namin na mas maraming tao ang malungkot kaysa sa masaya sa araw na ito, ayaw lamang nilang aminin.
Pakiramdam ko ay naka-jackpot ako sa lotto nang pumayag siyang makipag-date, at sa SAD pa talaga, sa kondisyong maglalakad-lakad lang kami sa parke.
Matapos nang klase, inabangan ko na siya sa labas ng building namin. At nang magkita ay naghanap muna kami ng mapagkakainan ng meryenda.
Kakaiba ang ligayang nadama ko noon. Nginingitian niya pa ako habang kinakain namin ang mga saging con yelo. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya kaya nginingitian ko na lang siya pabalik. Dumiretso na kami sa parke pagkatapos.
Subalit nang naroon na kami, tumahimik siya, kahit na kanina lang ay masaya naming pinaguusapan ang mga kaklase namin.
Sinubukan kong basagin ang katahimikan. Hiniritan ko siya ng mga linyang galing sa mga nabasa niyang libro. Sa kasamaang palad, hindi ako magaling mambola gamit ang mga linya ng mga pirata, batang salamangkero o, higit sa lahat, lalakeng bampirang aktibo sa umaga na daig pa si Superman. Sinubukan kong itugma ang aking mga aksyon na tulad sa mga eksenang pinapanuod niya sa telebisyon. Kung isa itong Koreanovela, dapat kanina pa bumabagsak ang mga dahon habang naglalakad kami, nakatingin sa langit at nag-uusap kung mas masarap ba ang noodles kaysa sa sweets, subalit hindi ganoon ang nangyayari.
Tumingin ako sa paligid at naghanap ng inspirasyon upang masabi ko na sa kanya ang bagay na matagal ko nang pinagkakaingatan.
Maganda ang mga daanan, mga lumang upuan at mga nagliliwanag na fountain dito ngunit halos kalbo ang mga puno sa parkeng ito. Kaya naman hindi talaga posible ang hinahangad kong eksena. Isa lang ang nakita kong bagay pagtingin ko sa kahel na himpapawid: isang eroplano. Napasipol na lamang ako. Nakita niya rin ito at natulala ng ilang saglit.
“Kailangan ba talagang madalas kayong magkita ng minamahal mo sa isang relasyon?” tanong niya sa akin.
“Oo, siguro. Kung hindi, maaaring mandaya ang isa sa pares. Alam mo naman, ang tao ay tao. Marami siyang kahinaan.” sabi ko.
“Akala ko ba, love conquers all?” patawa niyang itinanong.
Nagtawanan kami. Akala ko na sa langit na ako.
“Alam mo ba kung paano lumilipad ang mga eroplano?” tanong niya.
“May tatlong bagay na nagpapatakbo ng mga eroplano: ang makina, ang piloto at ang hangin. Kinaikailangan mahusay magpatakbo ang piloto dahil hindi lamang ang buhay niya ang nakataya. Kailangan rin na maganda ang uri ng makina dahil walang silbi ang husay ng piloto kung hindi ito maayos. Hindi mahalaga kung sino sa atin umuupong piloto o kung sino ang aandar bilang makina, hindi makakalipad ang eroplano kung walang hangin. Kung kaya, tinataya ng mga pasahero ang buhay nila sa isang elementong hindi nila mapanghahawakan,” paliwanag ko. Makatapos, nanahimik kami ng ilang saglit.
“Sabi nga nila, mas mataas ang lipad, mas masakit ang bagsak. Mas pipiliin kong lumipad ng mababaw kaysa sa bumagsak sa lupa.” Biglang nawala ang aking malaking ngiti. Natulala ako, hindi ko alam kung bakit niya ‘to sinasabi sa akin pero alam ko na kung saan ito papunta.
“Sorry, pero kailangan ko nang umalis bukas,” malungkot niyang sinabi. Alam ko rin naman na posibleng mangayayari ito, pero hindi ko na inakalang bukas na. Alas-sais ng hapon daw ang flight nila kinabukasan, at maaaring hindi na siya bumalik. Buwisit na mga eroplano.
At tuluyan na akong naiwan sa ere. Lumapit siya sa akin, hinawakan ang aking mga kamay at bumulong siya ng malinaw at mabagal.
“Maraming salamat sa iyo,” at pagkatapos ay ngumiti siya sa bagsak na tingin ko.
Nag-crash landing ako. Hindi pala ako makakaligtas mula sa pinakatatakutang bagyo.
“Gusto ko sanang malaman mo na hindi naman mahalaga kung saan papunta ang sasakyan mo, kung hindi paano ka naglakbay.” maluha-luha niyang paliwanag.
At sa pagkakaintindihang ‘yun, nagpaalam kami sa isa’t isa.
Bumalik ako kinabukasan sa pasyalan. May hangover pa yata ako. At sa gitna ng tahimik na hapon na ‘yun, may nakita nanaman ako sa himpapawid. Napasipol ako. At pagkatapos ay naalala ko ang mga huli niyang sinabi sa akin.
“At least, naniniwala na kami ngayon sa mga bumabalik na hanging amihan,” sabi ko.