Dalawampung taon na ang nakalipas magmula nang unang patunayan ng Simbahang Katoliko na ‘di lang sa pangangasiwa ng banal na Misa at mga sakramento naiipapakita ang paglingkod nito sa bayan. Mabanggit lamang ang People Power Revolution sa bansa, maaalalang muli ang mga panahong nagtipon-tipon ang mga pari, mga madre, at mga seminarista, kasama ng mga mamamayan, sa loob ng apat na araw hangad ang iisang adhikain.

Ayon kina P. James Alamillo, O.P., kura ng Santissimo Rosario Parish, at P. Pablo Tiong, O.P., direktor ng Center for Contextualized Theology and Ethics, kapwa nakasaksi sa mga pangyayari noong February 1986, tunay na naging saligan ng inspirasyon at pagkakaisa ng mga tao ang Simbahang Katoliko.

“Malaking bagay ang naitulong ng pagdarasal noong mga panahong iyon lalung-lalo na sa mga tao dahil ito ang naghikayat sa kanila para manindigan at lumaban. Walang ibang pinanghawakan ang mga tao kundi ang pananampalataya nila sa Diyos,” ani Alamillo, seminarista sa Dominican House of Studies sa Sto. Domingo Church noon.

“Akmang-akma ang pagdarasal ng rosaryo noong mga panahon iyon,” ani Tiong, na nagmula rin sa naturang seminaryo. “Sapagkat alam ng nakararami ang pagdarasal ng rosaryo, maraming tumutugon. Nagkakaroon tuloy ng pagkakaisa ang mga tao sa pagdarasal.”

Ang panawagan ni Sin

Tulad ng ibang mga mamamayan, hindi agarang sumama ang Dominican Student Brothers, ang komunidad ng mga seminarista ng Sto. Domingo Church, sa mga kilos-protesta laban sa pamahalaan. Ngunit nang makita ang pangangailangang palitan ang administrasyon, ipinahayag ng yumaong Jaime Cardinal Sin sa gabi ng Pebrero 22, 1986 sa Radio Veritas, ang kanyang panghihikayat na magtipon-tipon ang sambayanan upang suportahan ang rebolusyon at tuldukan ang pamumuno ng isang diktador. Ang pakiusap ni Sin ang nag-udyok upang makialam at manindigan ang mga mamamayan sa kabila ng kanilang mga alinlangan.

READ
Times Higher Education survey 'erroneous'

“Partly active at partly contemplative kasi ang mga Dominikano,” ani Alamillo. “Ang panawagan noon ni Cardinal Sin ang naghikayat sa amin para magtungo sa EDSA at sama-samang harapin ang anumang maaaring mangyari.”

Dinala nila ang replikang imahen ng Nuestra Señora de La Naval sa pagpunta nila sa Malacañang sa ikatlong gabi ng rebolusyon. Ayon kay Alamillo, nagsilbi itong inspirasyon para sa kanila at sa mga tao habang kasagsagan ng kaguluhan.

“Sinisimbolo ng imahen ang katotohanang kasama namin ang Mahal na Ina sa aming pakikipagsapalaran sa lahat ng oras,” dagdag pa ni Alamillo.

Kasiyahan sa kabila ng kaguluhan

Sa kabila ng magulong sitwasyon, nagmistulang fiesta ang pagtitipon ng mga tao sa EDSA mula sa iba’t ibang sulok ng Maynila at maging sa mga karatig-bayan sa gitnang Luzon.

“Kahit na magulo ang sitwasyon, nagdaragsaan pa rin ang mga tao,” ani ni Tiong. “Hindi mo maintindihan kung may gulo kasi parang may pyesta. May mga nagdadala ng pagkain para sa lahat.”

Ayon kina Alamillo at Tiong, inabot ng magdamag ang barikada ng taumbayan sa kalye ng Santolan na kalapit lamang ng Camp Crame at Camp Aguinaldo.

“Pagdating ng umaga, sabay-sabay rin kaming kumain na parang magkakapatid. Parang festive yung atmosphere. Kahit may tensyon na nararamdaman yung mga tao, nagkakaisa pa rin sila,” ani Alamillo.

Maliban sa pagkakaisang ipinamalas ng mga tao, ang panahon na rin mismo ang nagdikta upang magtagumpay ang makasaysayang People Power Revolution.

“Everything fell into their proper places,” ani Tiong. “Maliban sa panawagan ni Cardinal Sin, ang sariling kagustuhan ng mga tao na makialam, ang mga militar na tumiwalag sa gobyerno at ang mismong sitwasyon ang dahilan kaya’t naging matagumpay ang rebolusyon.”

READ
Artlets dean elected lay Dominican chief

Ang taimtim na pananalangin ng Rosaryo ng taumbayan ang pinaniniwalaang sanhi ng tagumpay ng unang People Power Revolution na naging tagumpay din ng mga Pilipinong Katoliko. Ang EDSA 1 ang nagpakita sa mundo kung gaano kaaktibo ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas hanggang sa pagtugon sa socio-political na problemang kinahaharap ng bansa. Kris P. Bayos

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.