MIKROBYO na kaya ang susi sa mas malinis na kapaligiran?
Isang pananaliksik ng mga mag-aaral na nagtapos ng Microbiology noong taong 2009 ang pinarangalan ng Outstanding Scientific Paper Award ng National Academy of Science and Technology ng Department of Science and Technology (DOST) para sa taong ito.
Sa pagsasaliksik nina Llewelyn Moron, Jeremy Torres, Christine Cardenas at Ana Guzman na “Dye Decolorization Activities of Marine-Derived Fungi Isolated from Manila Bay and Calatagan Bay, Philippines,” napatunayan ang kakayanan ng mga marine-derived fungi sa paglilinis ng mga maruruming anyong-tubig sa bansa.
“The marine-derived fungi used in the study were isolated from seawater, marine sediments and living seagrasses in the marine ecosystem,” ayon sa panayam kay Moron.
Ipinakita sa pag-aaral ang kakayahan ng fungi na tanggalin ang pamamalagi ng dye sa pamamagitan ng tube agar overlay method, kung saan ang agar ay maaring pamuhayan ng fungi para sa kanilang pagpaparami.
“Inilagay namin ang agar sa loob ng test tube. Mayroong sapat na sustansiya ang agar para patubuin ang fungi,” ani Moron. “Nakapatong sa ibabaw ng agar ang dye at kapag nawala ang kulay nito, ibig sabihin na-degrade ito ng fungi.”
Tatlong kulay ng dye ang ginamit sa pag-aaral—ang Congo red, brilliant green at crystal violet.
Binigyang-diin ni Moron ang kahalagahan ng katangian ng mga marine-derived fungi na magtanggal ng presensya ng mga dye dahil maaari itong magdulot ng pinsala sa kalikasan at sa mga organismong namumuhay dito.
“Maraming industriya ang gumagamit ng dye sa mga produkto nila at iyong mga waste [products] nito na idini-dispose sa [katubigan] ay may kasama pa ring dye,” aniya. “Napakaimportante ng treatment dahil kapag na-dispose ito sa mga dagat nang hindi napoproseso, mayroong posibilidad na masira ang ecosystem dahil mayroong mga chemical compound na maaaring makapinsala maging sa iba pang organismo sa lugar na iyon.”
Ayon sa kanilang pag-aaral na nailathala sa Philippine Journal of Science noong Disyembre 2011, ang mga mikrobyo ay magandang alternatibo sa paglilinis ng kontaminadong kapaligiran sapagkat ito ay mas mura at mas epektibo kumpara sa paggamit ng kemikal na mabibili sa merkado. Altir Christian D. Bonganay