SAAN nga ba nagmula ang bantog na rebulto ni Miguel de Benavides?

Nag-uugat ang kasaysayan ng monumentong ito ni Benavides noong ika-17 na siglo, kung kailan binalak ng mga Dominikano na gawing sementeryo ng orden at hardin ang bakanteng lote na noo’y hindi pa parte ng Unibersidad.

“Dahil sa balak na ito ng mga Dominikano, binili nila itong maliit na lupang ito noong 1627 hanggang sa binili rin nila ang isa pang lupa noong 1708 sa gilid ng gusali ng Colegio de Santa Rosa,” ani Jose Victor Torres, isang Tomasinong historyador at manunulat.

Dagdag ni Torres, tinangkang kunin ng mga Kastila ang lupang ito upang gamitin sa sariling pangangailangan ngunit hindi natuloy. Nanatiling bakante ang lote hanggang ika-19 na siglo at tuluyan nang binawi ng mga Dominikano upang maitayo ang rebulto ni Benavides.

“Dahil sa katagalan sa paglaan ng pondo para itayo ang monumento, natuloy lamang ang proyekto noong 1889 at itinayo na ito noong 1891,” ani Torres.

Kasabay ng pagtatayo ng rebulto ay ang pagkakaroon ng Plaza de Santo Tomas na ipinatayo sa lumang kampus sa Intramuros.

“Pangkaraniwan ang pagkakaroon ng plaza sa harap ng mga malalaking gusali sa Intramuros noong panahon ng Kastila bilang bahagi ng arkitekturang tropikal. Sa nagdaang taon, naging sentro ng mga aktibidades ng Unibersidad ang Plaza de Santo Tomas hanggang sa lumipat ang kampus sa Sampaloc,” ani Torres.

Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasabay ng paglipat ng kampus sa Sampaloc, naging bakanteng lupa ang plaza sa Intramuros at tinanggal na rin ang rebulto ni Benavides noong 1950’s.

READ
Healing hands of love

“Inayos ng Intramuros Administration ang plaza noong 1980’s at ito’y nanatiling isang parke sa loob ng distrito,” ani Torres.

Taong 2002, sa pakikipagtulungan ng Unibersidad at Intramuros Administration, isinaayos ang Plaza de Santo Tomas bilang paghahanda sa ika-400 na pagdiriwang ng Unibersidad.

“Isang replika ng monumento ni Benavides ang inilagay doon at naglagay din ng marker ng 53 na Tomasinong kabliang sa pumirma ng Konstitusyon ng Malolos noong 1899,” ani Torres.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang tumulong sa mga atletang Pinoy noong Olympics mula taong 1938 hanggang 1948?

Ipinanganak noong 1914 sa Pampanga, si Felicisimo Fajardo ay naging miyembro ng Philippine Basketball Team nang sumabak ito sa Olympics sa Korea noong 1938, Tokyo (1940), at sa London (1948). Naging coach at athletic director sa Unibersidad si Fajardo mula 1955 hanggang 1965 at hindi kalaunan ay naging coach at assistant professor sa University of the Philippines hanggang 1980.

Nagsimula ang pag-usbong ni Fajardo sa pagiging coach nang siya ay maatasan bilang coach para sa mga Pilipinong lalahok sa 1952 Olympics sa Finland. Matapos ito, siya’y naging national coach para sa Asian Basketball Conference na ginanap sa Taiwan noong 1963, Asian Basketball Conference sa Kuala Lumpur, Malaysia (1965), sa Asian Games sa Bangkok, Thailand (1966), at sa Philippine Youth Team (1972). Naging coach din siya ng mga kompanyang gaya ng San Miguel Brewery, Caltex Philippines Inc., Grepa Life Insurance, Meralco, Presto (CFC), Filsyn, at pangkat na Mariwasa sa PBA.

Nagkamit si Fajardo ng mga parangal, gaya ng First Filipino of International Referees sa Cambodia (1955), Special Award for Outstanding Services bilang pagiging coach ng mga manlalaro ng bansa sa World Olympic Games (1948 at 1952), at Scroll of Honor mula sa Philippine Olympic Committee bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon upang mapabuti ang palakasan sa Pilipinas sa kaniyang pagiging Most Outstanding Athlete in Basketball (1937 hanggang 1950). Iginawad din sa kaniya ng Unibersidad ang Certificate of Enrollment mula sa Alumni Sports Hall of Fame bilang pagkilala sa kaniyang naitulong sa pagpapaunlad ng larangan ng palakasan ng Unibersidad at ng buong bansa.

READ
UST fraternities condemn hazing rites

Pumanaw si Fajardo sa edad na 87 noong Agosto 2001.

Tomasalitaan

Kaluha (png.)—kambal

Halimbawa: Napakamalapit sa isa’t isa ng kaluha na sina Marta at Maria.

Sanggunian:

2010. UST 400 – a list of 400 for UST’s 400 years in 2011. Retrieved January 4, 2011 from http://www.ust400.com/mr_felicisimo_r_fajardo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.