BILANG bahagi ng proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na Aklat ng Bayan, sinsimulan nang isalin sa wikang Filipino ang mga akda mula sa iba’t ibang disiplina—pilosopiya, kasaysayan, antropolohiya—pati ang mga banyagang akda.

Ayon kay Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF, isa itong proyekto na nagtatampok sa kahusayan ng wikang Filipino at naglalayong makalikha ng tinatawag nilang“Aklatan ng Karunungan.”

“Kailangan maipakita na ang Wikang Pambansa ay magagamit sa iba’t ibang uri ng diskurso upang maipakita na [ang Filipino] ay isang wika ng karunungan at upang magkaroon ito ng maraming babasahin,” ani Almario.

Katuwang ang National Commission on Culture and the Arts, nauna nang nailathala ang mga libro ni Michael Coroza, associate professor sa Ateneo de Manila University at dating manunulat sa Filipino ng Varsitarian, na pinamagatang Napapanahong Panlipunang Pilosopiya at Ang Rebolusyong Filipino. Salin ang mga ito ng Contemporary Social Philosophy ni Manuel Dy at La Revolucion Filipina ni Apolinario Mabini. Nagtapos si Coroza ng pilosopiya sa Faculty of Arts and Letters.

Ilulunsad naman ngayong Hulyo ang akdang Ang Metamorposis ni Franz Kafka sa saling teksto ni Joselito de los Reyes, propesor sa Faculty of Arts and Letters ng Unibersidad.

“Itong mga klasiko, mga maaayos na akda, ay isinasalin sa wika nating sarili para mas marami ang makaintindi,” ani De los Reyes. “Layunin nito na bigyan tayo ng mas maraming magagandang babasahin.”

Para kay Coroza, higit sa aksesibilidad ang isa sa mga mabubuting maidudulot ng pagsasalin ng mga akdang banyaga sapagkat taglay ng mga akdang ito ang kahalagahang “pangkultura at pangsining” na kapupulutan ng aral ng mga Filipinong mambabasa.

READ
Proposing marriage on a merry yuletide night

Bagama’t hindi na bago ang pagsasalin ng mga akda sa bansa, partikular ang mga napapanahon o mga popular na kuwento katulad ng Twilight, Fifty Shades of Grey at Harry Potter, para kay De los Reyes, maiuugnay ang malaking bahagi nito sa ekonimokong aspeto, ngunit hindi dapat ikahon ang mga ito sa ganitong pagtingin.

Sa proseso naman ng pagsasalin, sumasangguni ang KWF sa mga kilala nang tagasalin, mayroong karanasan sa pagsasalin, mga kasama sa kanilang palihan ng pagsasalin at saka pinagsusumite sila ng limang pahina na salin upang matalos kung tama ang kanilang mga gawa.

Kasalukuyan na ring isinasalin sa wikang Filipino ang mga akdang katulad ng The Count of Monte Cristo ni Alexandre Dumas, War and Peace ni Leo Tolstoy,Don Quixote ni Miguel de Cervantes, at The Necklace at iba pang maiikling kuwento ni Guy de Maupassant, ayon kay Delos Reyes.

Higit sa pagsasalin ng mga banyagang klasiko, muling ililimbag ang mga katangi-tanging pag-aaral sa wika, panitikan at kultura sa Filipinas sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga mahuhusay na akda mula sa mga wikang katutubo, panitikang-bayan at iba pa bilang bahagi ng Aklat ng Bayan.

Pagdidiin ni De los Reyes, dapat pag-ukulan ng panahon ng mga Filipino ang pagbabasa lalo na ng mga akda na ilulunsad bilang Aklat ng Bayan.

“Hindi ito isasalin kung hindi karapat-dapat basahin,” aniya. “Para maging malusog ang ekonomiya ng paglalathala, bigyan ito ng pagkakataon, oras at kaunting pera.” Jasper Emmanuel Y. Arcalas at Erika Mariz S. Cunanan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.