(Kuha ni Camille Abiel H. Torres/ The Varsitarian)

PATULOY na isinusulong ng Tanggol Wika ang pagpapanatili ng asignaturang Filipino sa kolehiyo dahil ayon sa grupo, may mga unibersidad na tuluyan nang tinanggal ang asignatura o departamento.

Ayon kay Prop. Roberto Ampil, dating tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa UST at miyembro ng Tanggol Wika, sa ibang unibersidad, puwersahang pinagre-resign ang mga guro at pinagtuturo sa asignaturang hindi nila ispesyalisado.

“May mga unibersidad na talagang ang departamento ay dati hiwalay sa Ingles ay ngayo’y pinag-isa, at marami ring Filipino na guro na mula kolehiyo ay ibinaba sa senior high school,” wika ni Ampil sa isang panayam sa Varsitarian.

Naghain ang grupo ng electronic Freedom of Information request para mahingi ang kumpletong datos ng Commission on Higher Education kaugnay sa mga guro sa Filipino at Panitikan.

Ipakikita ito ng grupo sa Committee on Higher Technical Education sa Kongreso para sa House Bill 223 na naglalayon na gawing prioridad ang pagpasa ng mga mandatory units ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Iginiit ni David San Juan, convenor ng grupo, mahalagang maisulong ang pagsasabatas ng pagpapanatili ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo para sa kinabukasan ng mga mag-aaral na Filipino.

“[M]ahalaga magiging gampanin ng Filipinisasyon ng kurikulum natin, sa pagtitiyak na ‘yong ating mga estudyante ay magiging mga professionals na may kakayahan na makipag-usap sa kapuwa Filipino… at ‘yong mga sinasaliksik ay may kabuluhan din sa buhay ng mga Filipino,” wika ni San Juan sa Varsitarian.

Ayon naman ni Jonathan Geronimo, guro ng Filipino sa Unibersidad, mahalaga ang suportang maibibigay ng mga tao para sa kanilang ipinaglalaban.

“[I]to ‘yong magsisilbing daan nila tungo sa isang inklusibo at demokratikong lipunan. Matitiyak lamang na ang lahat ng boses sa lahat ng sektor ng ating lipunan ay maririnig gamit ang wikang ito,” wika ni Geronimo.

Nagkaroon ng pagpupulong ang grupong Tanggol Wika kaugnay sa kalagayan ng Filipino at Panitikan sa bansa noong ika-7 ng Marso De La Salle University.

Magsasagawa ang grupo ng rally sa ika-12 ng Hunyo at sa Agosto bilang pagsuporta sa pagpapatupad ng House Bill 223 at ang bersiyon nito sa Senado. 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.