Pagsasalin sa agham, tampok sa Salin Tomas 2022

0
3490

Mahalaga ang pagsasalin sa iba’t ibang larangan ng agham, tulad ng nutrisyon, medisina at robotics, para madaling maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan ang mga teknikal na termino, ayon sa mga dalubguro sa talakayang “Salin Tomas 2022.”

Idinaos ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin ang talakayan noong ika-30 ng Setyembre na layong ipabatid ang pagsasalin bilang isang disiplinang akademiko at propesyonal na industriya.

Ayon kay Kathleen Cruzada, tagapangulo ng Department of Nutrition and Dietetics, hindi lang dapat isang elective ang pagsasalin dahil mahalaga na maitumbas ng tama ang mga nutrition education material na kanilang ginagawa.

“Naniniwala kami na kapag kami ay gumagawa ng isang nutrition education material, dapat maayos ang salin nito sa komunidad. Dapat ito ay naiintidihan. Kung kaya’t naniniwala kami na hindi lang dapat elective [ang panimulang pagsasalin],” wika niya.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Maria Minerva Calimag, dalubguro sa Fakultad ng Medisina at Pagtitistis, ang kahalagahan ng pagtutumbas sa malinaw na komunikasyon sa pagitan ng pasyente at doktor.

“Ang doktor ang tagapaghatid ng mabuti at masamang balita sa pasyente kung kaya’t dapat na maisulong ang diskursong pang-Agham Medisina sa wikang Filipino,” aniya. 

Dagdag ni Calimag, bagama’t hirap ang nakararami sa kakaibang bokabularyong nakapaloob sa kanilang propesyon, mahalagang gamitin ang sariling wika sa mga diskusyong pangkalusugan.

Idiniin naman ni Anthony James Bautista, tumatayong pangalawang dekano sa Fakultad ng Inhenyeriya, na sa hanay ng robotics, marapat na ilahad ang mga prosesong teknikal sa wikang madaling maunawaan dahil mga manggagawang Pilipino ang makikinabang sa mga likhang ito.

Maliban sa mga nabanggit, naging pokus rin ng talakayan ang iba pang papel ng pagsasalin sa larangan ng panitikan, relihiyon, at sa National Service Training Program (NSTP).

Ayon kay Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, higit pa ang pagsasalin sa isang sekondaryang propesyon sapagkat mayroon itong tiyak na mga konsepto.

“Sinasabi natin na higit pa sa isang raket ang pagsasalin. Mayroong tiyak na mga katangian ang mga tagasalin bilang propesyonal at mayroon ding mga tiyak na suliranin na dapat bigyang-pansin upang mapataas ang pagkilala sa mga tagasalin bilang isang sektor,” wika niya.

Idinaos ang Salin Tomas 2022, na may temang “Online Forum ng mga hamon, oportunidad, at direksyon ng pagsasalin at araling salin sa Unibersidad ng Santo Tomas,” bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Salin, at kasabay ng kapistahan ni San Geronimo, ang patron ng mga tagasalin. Matthew G. Gabriel at Diana May B. Cabalo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.