NASAKSIHAN ng University of Santo Tomas Press, ang pinakamatandang palimbagan sa buong mundo sunod sa Cambridge University Press, ang mahigit na 400 taon na kasaysayan ng bansa mula sa pagsakop ng mga Kastila.

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa kailanman nagsara o naipasara ang UST Press maging noong 1941 nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong 1972 nang ibinaba ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Batas Militar.

Itinatag ang palimbagan bilang “Philippine Press” noong 1593 sa Maynila ni Fr. Domingo de Nieva, O.P., sa tulong ni Keng Yong, isang Kristiyanong Tsino. Nagsilbing adhikain ng UST Press na maipalaganap ang Kristiyanismo sa bansa sa pamamagitan ng mga babasahin.

Dahil dito, nailimbag ang isang aklat pang-katesismong nasusulat sa wikang Intsik na pinamagatang Pien Cheng-Chiao Chen-Ch’uan Shih-Lu o Testimony of the True Religion. Gayundin nailimbag ang La Doctrina Cristiana en lengua Espan?ola y Tagala at La Doctrina Cristiana en lengua Espan?ola y China, mga kauna-unahang aklat sa bansa sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Dominikano sa San Gabriel, Maynila noong 1593.

Inilipat ang pamamahala ng palimbagan sa Unibersidad de Santo Tomas nang itatag ito nina Msgr. Miguel de Benavides, O.P. Hindi naglaon, pinalitan ang pangalan ng palimbagan sa “UST Press,” ayon kay Fr. Fidel Villaroel, O.P., archivist ng Miguel de Benavides Library.

Unang itinayo ang palimbagan sa lumang Colegio de Santo Tomas sa Intramuros bago tuluyang inilipat sa España, Maynila noong 1940, kung saan ito kinilala ng National Historical Institute bilang isa sa pinakamatandang palimbagan sa buong mundo at binigyan ng historical mark.

Sa kalagitnaan ng ika-17 siglo, naging mababa ang kalidad ng mga aklat na inililimbag dahil nanatili itong gumagamit ng parehong proseso ng pag-iimprenta mula pa nang una itong magbukas.

READ
Donations overflow in Bicol relief drive

Subalit noong 1836, ipinakilala ng Dominikanong seminarista na si Marcial Funcia Ramos sa UST Press ang makabagong paraan ng paglilimbag gamit ang solid plate. Bumili rin ang UST Press ng mga makabagong kasangkapan na nagmula pa sa Aguado, Madrid.

Sa tulong ng makabagong pamamaraan ng pag-iimprenta, makabagong mga kagamitan at P20,000 na pondo, umunlad ang UST Press simula noong 1845. Higit na maraming babasahin ang nailimbag tulad ng mga aklat na Dominican Missal, Dominican Breviary, The History of the Dominican Fathers in the Philippines, The Acts of the Provincial Chapters, at ang arawang pahayagan na Libertas, ayon kay Jose Victor Torres, istoryador ng UST.

Ilan sa mga natatanging parangal na tinanggap ng palimbagan ang karangalang-banggit na iginawad ng Certamen Artistico of Manila noong 1882 at Exposicio??n de Madrid noong 1887. Iginawad din ng Vatican ang titulong “Pontifical Typography” sa UST Press noong 1919.

Naging full-fledged printing press ang UST Press kung saan ito nakipagsanib sa pribadong institusyong Novelty Printing Office. Hindi nagtagal, nagkaroon ang dalawa ng hindi pagkakaintindihan at noong 1996, nagsanib ang Santo Tomas University Press na naglalathala ng mga scholarly journals at UST Printing Office, ang internal printing press ng UST, upang magbigay daan sa pagkakabuo ng University of Santo Tomas Publishing House.

Sa kasalukuyan, kinilala ang UST Publishing House bilang “Publisher of the Year” para sa taong 2003 at 2004 na iginawad ng National Book Award Manila Critics Circle.

Sa mahigit 400 na taong kasaysayan ng UST Press, nagsilbi itong patunay na hindi kalian man namatay ang karunungang bumasa’t sumulat sa bansa.

READ
Music, babawasan ang sobrang matrikula

Tomasalitaan:

Balukitkit (pandiwa)-masusing pagsisiyasat

Halimbawa: Binalukitkit ng gwardiya ang bagahe ni Nene.

Sanggunian:

Fr. Fidel Villaroel, O.P., Dr. Jose Victor Torres, University of Santo Tomas in the Twentieth Century “Facilities”, at UST Publishing House Catalogue

Richard U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.