MañosaISANG Tomasino ang kabilang sa kontrobersiyal na listahan ng pitong bagong Pambansang Alagad ng Sining na itinalaga ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Si Francisco “Bobby” Mañosa na nagtapos ng Architecture sa UST noong 1953 ay ang ika-apat na Tomasinong Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura. Ngunit kasabay nang pagbubunyi, nabahiran ng politika ang parangal.

Kinukuwestiyon ngayon ng ilang National Artists ang proklamasyon ng apat sa pitong bagong ginawaran ng parangal na sina Mañosa; Jose “Pitoy” Moreno sa Fashion Design; Cecile Guidote-Alvarez (Teatro); at Carlo Caparas (Visual Arts). Anila, hindi kasama sa orihinal na listahan ng mga nominado ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) na isinumite kay Mrs. Arroyo ang apat.

Ang tatlo pang bagong National Artists na kasama sa orihinal na listahan ay sina Manuel Conde (Film and Broadcast); Lazaro Francisco (Panitikan); at Federico Aguilar-Alcuaz (Visual Arts, Painting, Sculpture, Mixed Media). Si Ramon Santos (Musika) ay nasa listahan din ngunit hindi siya kasama sa mga na-proklama.

Noong Agosto 25 lamang ay naglabas ng “status quo order” ang Korte Suprema na pumipigil sa paggawad ng titulong “National Artist” sa pitong prinoklama. Ito ay matapos magpetisyon ang ilang National Artists kabilang sina Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario (Panitikan); Benedicto Cabrera (Visual Arts, Painting); Arturo Luz (Painting, Sculpture); at Napoleon Abueva (Visual Arts, Sculpture) sa hukuman noong Agosto 19.

Ayon kay John Joseph Fernandez, dekano ng College of Architecture, agad niyang isinumite sa NCCA at Cultural Center of the Philippines ang rekomendasyong hirangin si Mañosa bilang National Artist.

Ayon sa kaniyang rekomendasyon noong 2006, si Mañosa ay “consistent sa paghahanap at pagpapaunlad ng arkitekturang Filipino sa tradisyunal at modernong kamalayan.”

READ
Cory, the Thomasian

“Ang [mga disenyo] ni Mañosa ay sumasagisag sa Filipinong estilo ng arkitektura.  Hindi siya tumatanggap ng mga proyekto kung hindi rin lamang disenyong Filipino ang gagamitin,” ani Fernandez.

Dagdag pa niya, noon pa man ay “nakasentro na ang mga disenyo ni Mañosa sa pagpapaunlad ng mga katutubong materyales. Siya rin ay tagapagtaguyod ng arkitekturang Filipino.

Kilala si Mañosa sa pagdidisenyo ng Coconut Palace sa Pasay, na titirhan sana ng Santo Papa nang bumisita ito sa bansa noong 1981. Tinanggihan ito ng Santo Papa sa gitna ng mga akusasyon noon na nilulustay ng rehimeng Marcos ang kaban ng bayan.

Kabilang din sa kaniyang mga dinisenyo ang Pearl Farm Resort sa Davao at Amanpulo Resort sa Palawan na nagbigay sa kanya ng Design Award for Architecture galing sa United Architects of the Philippines mula 1994 hanggang 1997.      

Sa kabuuan, 17 na ang Tomasinong Pambansang Alagad ng Sining mula sa iba’t ibang larangan. Si Mañosa ang ika-apat sa Arkitektura kasunod nina Leandro Locsin, Juan Nakpil at Ildefonso Santos na pinangaralan noong 1990, 1973, at 2006.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.