MARAMI ang nahihirapan sa paggamit ng purong Filipino lalo na pagdating sa pag-angkop ng mga teknikal na ideya at salitang hiram mula sa Ingles. Bagaman umuunlad ang wikang Filipino sa pagdami ng mga akdang nasusulat dito, nananatili pa ring problema ang istandardisasyon nito at ang pangingibabaw ng wikang Ingles na lumalabas maging sa paggamit ng Taglish o paghalo ng Filipino at Ingles.
Istambay na Istandardisasyon
Isang problema pa rin ang paraan ng pagsulat ng mga salitang Ingles sa Filipino. Inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2001 ang Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino na nagsasabing “kung ano ang baybay, siya ring sulat.” Kaya isusulat ang salitang Ingles gaya ng “magnetic” sa “magnetik,” ang “” sa “ekwipment,” at ang “census” bilang “sensus.”
Nilinaw ni Dr. Lakandupil Garcia, propesor sa Filipino ng De La Salle University-Dasmariñas, ang paggamit sa binagong alpabeto sa talakayang “2001 Revisyon ng Alfabeto at Patnubay sa Ispeling ng Wikang Filipino: Paglilinaw at Paglalapat” sa Elizabeth Seton School-South, Cavite noong 2002. Sa artikulong makikita sa www.dasma.dlsu.edu, kanyang sinabi na nakasaad sa rebisyon ang maluwag na paggamit ng apat sa walong titik na dagdag (C, F, J, Ñ, Q, V, X, at Z). Maaaring gamitin ang mga letrang F, J, V at Z sa mga karaniwang salita habang limitado pa rin sa mga salitang teknikal, kultural at tanging pangalan ang nalalabing apat na letra.
Ngunit tila hindi pa rin ito sapat sa paglinang ng iisang pamantayan sa wikang Filipino upang maging ganap na pambansang wika ito. Para sa iba, walang kaganapan at linaw ang pamantayan.
“Kinakailangan munang simulan ang pagkakasundo sa kung anong pamantayan ang gagamitin, bago maging ganap na wikang pambansa ang Filipino,” ani Reynaldo Candido Jr., propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters at dating katulong na patnugot sa Filipino ng Varsitarian.
Para kay Vim Nadera, direktor ng Likhaan Institute of Creative Writing ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), matagal na dapat naisaayos ang mga alituntunin sa wika. Hindi lamang niya maintindihan kung bakit pilit pa ring pinipigil ang pag-unlad nito.
“Intelektwalisado na ang Filipino dati pa,” aniya. “Ngunit ang masakit nito, kumukontra sa paggamit ng Filipino ang mismong KWF.”
Ayon kay Nadera, ang KWF ang siya umanong kumakampi sa pagpapatupad ng Ingles bilang midyum sa pagtuturo. Dahil dito, naitutulak palayo ang mga Pilipino sa pagtangkilik sa sariling wika.
Itinanggi ng KWF ang umanong pagkiling nito sa paggamit ng Ingles bilang midyum sa pagtuturo. Ipinaliwanag ni Ricardo Nolasco, ang tagapangulong komisyoner, na itinataguyod lamang nila ang multilingguwalismo kung saan magsisimula ang pagtuturo ng mga asignatura sa wikang sinasalita sa isang rehiyon. Kasama ang paggamit ng Ingles sa patakarang ito.
“Hindi rin maitatatwa ang kahalagahan ng mga rehiyonal na wika at Ingles sa pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino.”
Inamin naman ng komisyon na naguguluhan din maging sila sa kanilang nilabas na rebisyon kaya binawi nila ito noong Hulyo 5 ng taong kasalukuyan. Ayon kay Nolasco, hindi nila maunawaan ang pagbaybay ng mga salitang-hiram. Halimbawa, ginawang “soljer” ang salitang “soldier,” “kaf” ang “cough,” at “vekeyshun” ang “vacation.”
Aniya, “kahit ang mga taga-KWF, hindi ginagamit ang rebisyong ginawa noong 2001”.
Dagdag pa ni Nolasco, pansamantalang ibabalik muna ang alpabetong Filipino ng 1987, kung saan ginagamit at tinatanggap ang walong banyagang letra, ngunit ibabaybay ayon sa pagsasalita ng Filipino.
Kung gayon, ibabalik din ang mga salitang “soljer” bilang “kawal,” “kaf” bilang “ubo”, at “vekeyshun” bilang “bakasyon.”
Nakakaapekto rin sa problema sa wika ang iba’t ibang mga patakarang pangwika ng mga pamantasan, ayon kay Nadera.
“Iba-iba kasi ang pamantayan sa pagsusulat sa Filipino na ginagamit ng mga paaralan,” ani Nadera. “Paiba-iba kasi ang paggamit ng alpabeto. Naghahalo-halo ang mga ito. Kung minsan ginagamit ang alpabeto noong 2001, kung minsan naman noong 1987. Iba-iba lahat, iba sa UP, sa La Salle, sa PNU at sa Ateneo. Sa UST, wala.”
Noong 1989, sinimulan ng UP ang paggamit sa Filipino bilang midyum ng pagtuturo. Dahan-dahang ipinatupad ito hanggang sa kalaunan, maraming asignatura sa UP ang tinuturo gamit ang wika.
“Patunay ang istandardisasyon sa mga eskwelahan na kayang pag-isahin ang pamantayan ng wikang Filipino, at higit tayong uunlad kung gagamitin natin ito,” ani Nadera.
Ibang usapin naman ang kalagayan ng Filipino sa UST. Ani Candido, ang hindi pagkakaroon ng departamento sa Filipino dito ang dahilan kung bakit nakakaligtaan ang pagsunod sa iisang istandard sa Filipino. Noong 2004, nabuwag ang Department of Languages na siyang nangangasiwa dati sa pagtuturo sa wikang Filipino at pinalitan ito ng General Education Department.
“Dito kasi sa UST, wala tayong ginagamit na alituntunin. Tinuturo ang nirebisang paggamit ng alpabeto, ngunit mapapansin na hindi pa rin naiintindihan ng lahat ang paggamit nito,” ani Candido. Halimbawa nito ang pagsulat sa salitang “alpabeto,” na maaaring gawing “alfabeto”. O “efekto,” sa halip na “epekto.”
Sinabi naman ni Nadera na inanyayahan noong 1994 ang UST na sumali sa Sanggunian ng mga Unibersidad at Kolehiyo sa Filipinas o SANGFIL kung saan nagkakaroon ng mga pagpupulong ang mga kolehiyo na talakayin ang kani-kanilang pananaw at ideya sa pagkaroon ng iisang sistemang pangwika, ngunit hindi ito lumahok.
Layunin ng grupong SANGFIL ang ibayong pagsasaayos ng mga alituntuning pangwika at ang pag-uusap sa mga usapin nito sa akademya.
Ani Nadera, “pinalampas ng UST na malinang nito ang sariling polisiya sa paggamit ng Filipino lalo pa’t wala itong sariling departamento para sa sariling wika.” Dulot daw ito ng pagkiling sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo.
Hindi rin sumusunod sa itinakdang bagong alpabeto ng KWF ang Ateneo, ayon naman kay Michael Coroza, propesor ng malikhaing pagsulat sa Ateneo De Manila University at dating patnugot sa Filipino ng Varsitarian. Aniya, “sinusunod ng Ateneo ang tradisyon ng panitikang Pilipino, dahil ito ang nakagisnan natin.”
Mag-Ingles na lang ba?
Sa mga problemang kinakaharap ng wikang Filipino, napapatanong tuloy ang marami kung dapat nga bang gawing lingua franca ito ng mga Pilipino. May mga nagnanais na gamitin na lamang ang Ingles dahil naniniwala silang higit itong maunlad at angkop na midyum ng pakikipag-ugnayan lalo na sa panahon ng globalisasyon at information technology.
Noong 2004, itinakda ng Pangulong Macapagal-Arroyo ang pagbabalik sa paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Sa kanyang pasinayang talumpati noong nasabing taon, sinabi niyang nakatutulong sa mga Pilipino ang kagalingan sa pagsasalita ng Ingles, bukod pa sa pagiging mabisa umano nito sa pagkatuto ng mga estudyante.
Pinabulaanan naman ito ni Nadera. Aniya, mali ang paniniwala na tanging wikang Ingles lamang ang nagsisilbing susi sa kaunlarang pang-ekonomiya.
“Higit nating kailangan ng wikang makapagbubuklod sa ating lahat at hindi solusyon dito ang paggamit ng Ingles. Mas dapat pagtuunan ng pansin ang paggamit ng Filipino dahil ito ang mas naiintindihan, partikular na ang mga masa sa bansa,” ani Nadera. “Ang mga edukado lamang ang siyang higit na nakakaintindi ng Ingles, at isinusulong nila ito para mapanatili ang kapangyarihan.”
Ganito rin ang pananaw ni Romulo Baquiran, isang propesor sa UP at manunulat sa Filipino. Aniya, hindi magagamit ng lahat ng Pilipino ang kahusayan sa pagsalita sa Ingles. Kahit mayroong pangangailangan sa ibang bansa ng mga manggagawang magaling magsalita sa Ingles, kagaya ng mga call center agents at nars, “aabot lamang sa 200,000 na empleyado ang kukunin sa loob ng tatlo hanggang apat na taon,” ani Baquiran.
Dagdag pa niya, “higit na maigi kung sa mother language natututo ang mga bata upang mapadali ang kanilang pag-aaral ng mga asignatura.”
Ikinumpara naman ni Nadera ang sitwasyong pangwika ng Pilipinas sa kalagayan ng mga maliliit ngunit mauunlad na bansa tulad ng Thailand at Japan. Ayon sa kanya, hindi umaasa ang mga ito sa dayuhang wika upang makamit ang kaunlaran.
“Malakas ang turismo at ekonomiya ng Thailand at Japan, ngunit hindi sila gumamit ng banyagang wika,” ani Nadera. “Hindi naman kasi kapag ginagamit ang wikang banyaga, sisikat at uunlad na. Marahil, mapipigil pa nito ang pagkakaroon ng pagkakaisa ng mga Pilipino.”
Ayon naman kay Baquiran, hindi sinusunod ng pamahalaan ang isinasaad ng Saligang Batas tungkol sa wikang Filipino. Ayon kasi sa Artikulo XIV Seksiyon 6: “Sang-ayon sa mga probisyon ng batas at sa kung ano ang nararapat sa Kongreso, magsasagawa ng hakbang ang gobyerno upang masimulan at maipagpatuloy ang paggamit sa Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.”
Ngunit, tila higit na pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang paglinang sa paggamit ng Ingles. Patuloy ni Baquiran, “halos lahat ng mga asignatura, sa Ingles tinuturo. Ang Filipino, subject na lamang.”
Iba naman ang pananaw ni Dr. Marilu Madrunio, direktor ng Departamento ng Wika ng UST. Aniya, hindi nangangahulugang isasantabi na lamang ang wikang Filipino tuwing gagamitin ang Ingles bilang midyum sa pagtuturo. Hindi rin ito hudyat na itinutulak papalayo ang sariling wika.
“Nakasanayan na kasing ituro ang Ingles sa UST. At lahat halos ng mga aklat na ginagamit nakasulat sa Ingles,” ani Madrunio.
Dagdag niya, ginagamit ang wikang Ingles dahil ito ang nakagisnang midyum ng pakikipag-ugnayan ng bansa sa loob ng isang siglo. Sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa, malaki rin ang naitutulong nito lalo na sa larangan ng negosyo at turismo.
“Nasanay na ang mga Pilipino sa paggamit ng Ingles kung kaya’t ito ang inaasahang gagamitin sa iba’t-ibang larangan sa buhay. Hindi lamang ito tumutulong sa pagpapaunlad ng turismo ng bansa, ito rin ang kinakailangan sa patuloy na pagsulong ng globalisasyon.”
Mula sa dyaryo, telebisyon, radyo at internet, mapapansin ang paggamit ng Ingles bilang paraan para ilahad ang mga mensahe sa mga tao. Nasusulat din sa wikang ito maging ang mga librong ginagamit sa pag-aaral. Kung kaya’t hindi nakapagtataka kung bakit marami ang nag-iisip na naghahari ang wikang Ingles.
“Hindi na natin maaalis ang wikang Ingles dahil nakakabit na ito sa ating bokabularyo,” dagdag ni Madrunio.
Kapansin-pansin ang malaking impluwensiya ng Ingles sa bokabularyo ng mga Pilipino, lalo na sa paggamit ng Taglish at Enggalog. Laganap ito lalo na sa mga mensaheng “text” tulad ng “dito na me” at “sino u.” Tinatawag ang ganitong penomenon na code- switching.
Ayon kay Madrunio, isa itong penomenong panlingguwistika kung saan magkasalit na ginagamit ang dalawang magkaibang wika.
“Halimbawa, kung magsasalita ako nang tuloy-tuloy sa Filipino tapos biglang may sasabihing salita sa Ingles, code- switching iyon.”
Dagdag ni Madrunio na hindi dapat itinataguyod ang paggamit ng Taglish at Enggalog, dahil nagiging sagabal umano ang mga ito sa kakayahang magsalita nang tuloy-tuloy sa Ingles.
“Noong mga 1950’s, kahit nakapagtapos lamang ng elementarya ang isang tao, makakapagturo ka na gamit ang wikang Ingles. Ngayon, nahihirapan ang mga tao na magsulat at magsalita ng tuloy-tuloy kapwa sa Ingles at Filipino.”
Sang-ayon naman dito si Nadera, at sinabing ang pag-usbong ng Taglish ang siyang nagbibigay patunay na magulo ang paggamit ng wikang Filipino sa bansa.
“Wala kasing sistema, kung kaya’t natatabunan ang Filipino. Nadadamay pa tuloy pati ang Ingles. Kung magkakaroon lamang ng sistema at ng pagkakaisa, malamang maisasaayos ang pagsasalita ng Filipino at babalik ito sa pagka-elegante nito,” aniya.
“Kung mayroon lamang istandardisasyon ang Filipino, maaaring maghari ito laban sa Ingles. Doon muna tayo magsimula,” ani Candido.
Tunay na isang hamon sa wikang Filipino ang makasabay sa mga pagbabagong dulot ng modernisasyon para hindi ito matabunan ng mga dayuhang wika sa sariling bayan. Gaya ng sinabi ni Nadera, “sana masimulan muna ang pagkakaisa sa istandardisasyon. Tapos popularisasyon naman. Dapat pambansa muna. Sana pandaigdigan din balang araw.” R. J. A. Asuncion at R. R. T. Calbay
katuturan at pamantayan ng wika by jazyl l. gonzales