KAMAKAILAN lamang, naging tampok na usapin na naman sa aming klase ang kasalukuyang pagbaba ng pagtingin ng lipunan sa mga kursong nakapailalim sa humanities at social sciences.
Nakalulungkot na hindi lamang pagbaba ng tingin, kundi pagbaba ng pagkuha ng dami ng mga kursong tulad ng sosyolohiya, literatura, masining na pagdula, pilosopiya, antropolohiya, musika at relihiyon ang nagaganap. Kadalasang dahilan ng mga tao: hindi raw ito praktikal at walang patutunguhan sa kinabukasan, kumpara sa mga kursong may relasyon sa matematika at agham at teknolohiya.
“Aanhin mo ang pag-aaral ng kultura ng tao, ‘e di ka naman pakakainin niyan pagka-graduate mo,” wika ng karamihan.
Sa mundo na agham at teknolohiya ang basehan ng kaalaman, tila ang humanities ay lubos na napag-iiwanan.
Noong Hunyo 18, lumabas ang artikulong “Humanities Committee Sounds an Alarm” sa New York Times na naglahad na humigit kumulang 20 porsiyento lamang ng mga mag-aaral sa Estados Unidos ang kumuha ng kursong nakapailalim sa humanities noong 2012 kumpara sa 36 porsiyento noong mga nakakaraang taon.
Ayon kay Richard H. Brodhead, punong tagapagpanap ng Academy Commission, sa ngayon ay itinuturing ng publiko ang humanities at social sciences bilang aksaya sa oras.
Samantala, sa Pilipinas naman, ang Commission on Higher Education (CHED) ay naglabas ng isang memorandum ukol sa “CHED priority courses from SY 2011-2012 to 2015-2016.”
Ayon sa CHED, ang memorandum na ito ay base sa Republic Act 7722 o “Higher Education Act of 1994” para sa pambansang kaunlaran at DOLE Jobs Fit 2020 Vision.
Nakasaad sa datos na 10 porsiyento ang nakalaang pagpapahalaga sa Information Technology, 10 porsiyento para sa BS Math, BS Science at BS Physics, 20 porsiyento ay para naman sa lahat ng kursong Engineering at 15 porsiyento para sa Health Sciences kung saan kabilang ang Pharmacy, Radiology Technology at Medical Technology. Samantalang, 5 porsiyento lamang para sa Arts and Humanities na hindi man lang inilista ang mga kabilang na kurso, bagamat binigyang porsiyento bilang kabuuan.
Mapapansing halos nilamon ng kursong pang-matematika at agham ang Humanities upang pangunahing aralin sa isang bansang hinubog ng kultura, kilala sa angking yaman sa sining at maipagmamalaking talento sa panitikan.
Hindi ko makakalimutan ang isang kaibigan na hindi nabigyan ng scholarship ng CHED noong kami ay papasok sa kolehiyo. Ayon sa CHED, sila ay naghahanap at nagbibigay ng pangunahing tulong pampinansyal sa pagaaral para sa mga kolehiyong kumukuha ng kursong may relasyon sa Syensya at Teknolohiya.
Huwag na tayong lumayo, dito na lamang sa UST, madalas sabihin ng ibang kolehiyo na ang Arts and Letters ay “tapunan” ng mga hindi kayang tapusin ang ilang taong pagpapakadalubhasa sa kompyutasyon o pagaaral sa katawan ng tao at teknolohiya. Hindi ba’t malaking insulto naman yata iyon?
Ayon pa sa biruan ng iba “parang latang puro ingay lang ang mga taga-AB, wala namang laman.”
Kung patuloy nating babalewalain ang ganitong kaso, isipin na lamang natin ang magiging epekto nito sa mga susunod na taon. Mainam bang maituturing ang isang bansang puro inhinyero at arkitekto? O puro accountant o di kaya nama’y puro doktor? Saan ka nakakita ng bansang papaunlad na hindi binubuo ng samu’t saring utak na magbubuklod upang magbigay kulay sa kanyang lugar, tila isang ulam na walang ibang rekado kundi bawang.
Ang Humanities, mula sa pangalan nito ay ang pagiintindi sa buhay at utak ng tao.Ito ang parte ng ating pagaaral na nagsisilbing preno sa kumplikadong mundo ng syensya na lumulunod sa atin sa ilang daang pahina ng mga libro na puno ng numero. Ito ang leksyon na nagbubukas sa ating mga mata upang makita ang sarili, ang mga taong ating nakakasalamuha, at ating komunidad.
Humanities din ang dahilan kung bakit tayo nakakapag bulay-bulay sa mahahalagang tanong ng buhay at ito ang humuhubog sa arte na nagkukubli sa loob ng ating kaisipan.
Ang syensya ay ugat ng pagtanong ng ating pinagmulan at mundong ginagalawan, ang pagtatanong ay ugat ng pagiisip na siya namang sinisindihan ng mga aralin sa Humanities.
Hindi ko sinasabing mas mahalaga ang Humanities kaysa sa Matematika at Syensya. Walang sinuman ang dapat na magsabi kung ano ang mas praktikal, ang akin lamang, bawat parte ng puno ay mahalaga upang ito ay lumago.
Walang dapat alisin, walang dapat ituring na hindi mahalaga.
Sapagkat bawat isang kurso o leksyon ay mahalaga upang makarating tayo sa ating paroroonan. Totoong hindi maaaring mawala ang Matematika at Syensya sa globalisasyon ng mundo, ngunit mahirap mamuhay sa mundo na walang ibang laman ang utak kundi numero.